Luslos sa lalaki: Sanhi, sintomas, at lunas

Luslos sa lalaki: Sanhi, sintomas, at lunas

Madalas marinig ang salitang luslos sa lalaki. Ano nga ba ang epekto ng luslos sa kalusugan? Alamin ang sanhi, sintomas at lunas sa luslos sa lalaki.

Madalas marinig ang salitang luslos sa lalaki. Sa medical term, ito ay tinatawag na inguinal hernia.

Isa itong uri ng hernia kung saan ang inguinal canal na dinadaluyan ng spermatic cord at blood vessels ay lumuluwa papunta sa scrotum dahil sa mahina ang abdominal muscles. Masakit ito lalo na kung umuubo at lumalala kapag nagbubuhat ng mabigat.

Ano nga ba ang sanhi ng luslos sa lalaki?

Kapag mahina ang muscles at tissue sa cavity wall, karaniwan sa may abdomen, nagkakaron ng luslos sa lalaki.  Sanhi ito ng pressure sa abdomen.

Bagamat karaniwang naaapektuhan ang mga nagbubuhat nang mabigat, puwede rin itong mangyari sa mga madalas mag-ehersisyo, may malubhang ubo, o maski sanhi ng napupwersa kapag dumudumi, pati na rin kapag aktibo sa sex. Puwede rin magkaroon ng luslos ang mga baby.

Ayon kay William P. Homan, MD, PhD, sa kaniyang librong The Hernia Book, ang karaniwang pakiramdam ng luslos ayon sa mga nagkaro'n na nito, ay parang may bumuka o bumigay sa loob, kaya’t lubhang masakit.

Karaniwang mga lalaki ang nagkakaro'n ng luslos, pero may mga babae din na nagkaka-luslos, bagamat bihira. Habang tumatanda, mas posibleng magkaro'n ng luslos ang lalaki. Namamana din ito, kaya’t kung mayrong isa o higit pang kamag-anak na nagkaro'n ng luslos, posibleng magkaron din.

Hindi naman ito delikado, basta’t naagapan at maiwasan ang komplikasyon. Madalas ay surgery ang lunas kapag labis na ang pananakit at lumalaki na ito.

Mga senyales at sintomas ng luslos sa lalaki

Ilan sa mga pahiwatig na may luslos sa lalaki, ayon kay Dr. Homan, ay ang mga sumusunod:

  • May bukol na makakapa sa may bandang ari ng lalaki, sa may scrotum o bayag, na mas mahahalata kung nakatayo at umuubo
  • Mahapdi at masakit ang bukol
  • May pananakit din sa singit lalo kapag nagbubuhat o umuubo
  • Minsan ay namamaga din ang paligid ng testicles kapag ang nakaluwang bituka ay bumaba na sa scrotum
  • Nawawalan ng ganang kumain

Luslos sa lalaki: Sa mga sanggol at batang lalaki

Nagkakaron ng luslos sa lalaki na mga sanggol at bata kung mula pa sa pagkapanganak ay mahina na ang abdominal wall. Napapansin ang luslos kapag umiiyak, umuubo o dumudumi ng matigas ang sanggol. Mapapansin iyakin ang bata at walang ganang kumain.

Kailan dapat magpatingin sa doktor

Delikado ang luslos sa lalaki kapag nanatili sa abdominal wall ang laman nito at hindi makalabas. Nahahadlangan ang daloy ng dugo at nagiging delikado ito.

Kapag nahihilo, nagsusuka, may mataas na lagnat, lumalala ang pananakit, at nagiging mapula’t maitim ang bukol, ibig sabihin ay malala na ang luslos. Kumunsulta kaagad sa doktor para malaman ang dapat na paggamot dito.

Luslos sa lalaki: Paano ito maiiwasan

Walang magagawa sa uri ng luslos na congenital (mga pinanganak na na mayro'n nito), pero maiiwasan ang mga komplikasyon at mababawasan ang pressure sa abdominal muscles at tissues kung gagawin ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang paninigarilyo. Kapag naapektuhan ang baga at nagsimula ang sobrang pag-ubo, mas malaki ang posibilidad na magkaron o maging malubha ang luslos.
  • Panatilihin ang tamang timbang, para hindi mapuwersa ang bituka. Kung posibleng may luslos, itanong sa doktor ang nararapat na ehersisyo at diet plan para hindi na ito lumala.
  • Kumain ng pagkaing high-fiber tulad ng prutas, gulay at whole grains para maiwasan ang constipation.
  • Iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay, lalo na ang pagbubuhat ng weights sa pag-eehersisyo. 

 

SOURCES: The Hernia Book ni William P. Homan, MD, PhD, MayoClinic, MedinePlus

Basahin: Nakakabaog ba ang luslos?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner