Problema na ang pulmonya sa maraming tao. Isa itong sakit na madaling makahawa at nagiging banta sa ating kalusugan lalo na ngayong vulnerable ang lahat sa sipon, ubo, at trangkaso.
Ano ang pulmonya o pneumonia?
Ang pulmonya o pneumonia in English ay nangyayari kapag nagkaroon ng impeksyon sa air sac ng parehong baga ng tao. Ang mga air sac na ito ay magkakaroon ng fluid o pus o nana na nagiging dahilan ng pag-ubo ng plema ng isang tao.
Hindi dapat balewalain ang sakit na ito. Kung mapapabayaan at hindi agad magagamot, maaaring magkaroon ng seryosong komplikasyon at puwedeng tumagal ang gamutan.
Pinapahina ng pulmonya ang immune system ng isang tao. Kadalasang nagiging seryoso ito sa mga sanggol o sa mga nasa 65 years old pataas. Minsan ay sinasamahan pa ito ng lagnat, panlalamig o hirap sa pag-hinga.
Gamot sa pulmonya | Image from Freepik
Sanhi ng pulmonya o pneumonia
Ang pangunahing pinagmumulan ng pulmonya ay ang bacteria, virus o fungi na makikita sa baga. Kadalasan itong makukuha sa hangin na nilalanghap natin. May kakayahan ang ating katawan na labanan ang mga bacteria ngunit may pagkakataon din na natatalo tayo kahit na healthy ang pangangatawan.
Sa isa pang artikulo ng theAsianparent, ibinahagi ni Dr. Regent Andrei Piedad ng Department of Health ang sanhi ng pulmonya:
“Ito ay isang karaniwang komplikasyon ng respiratory infection, lalo ng influenza, at mayron higit sa 30 partikular na sanhi nito. Ang mga pasyenteng may Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) o mga progressive lung diseases tulad ng emphysema, chronic bronchitis, at hika ay tinuturing na high risk para sa pneumonia.”
Nahahati sa iba’t ibang uri ang pulmonya. Narito ang pinaka common sa kanila:
Community-acquired pneumonia
Ang community-acquired pneumonia ay ang pinakakaraniwan na uri ng sakit na ito. Makukuha ito sa labas ng ospital. Ito ay dahil sa:
- Bacteria – maaari na lamang magkaroon ang iyong katawan dahil sa bacteria o pagkatapos mong magkaroon ng sipon o lagnat. Ang tawag dito ay lobar pneumonia.
- Fungi – Makikita ang uri ng pulmonya na ito sa mga taong mahina ang immune system o may chronic health problem.
- Bacteria-like organisms – Ang tinatawag na ‘mycoplasma pneumoniae’ ay maaaring dahilan ng pulmonya. Mayroon itong katamtamang sintomas kumpara sa ibang uri ng pneumonia.
- Viruses – Sa panahon ngayon, ang COVID-19 ay maaaring magdulot ng pneumonia sa isang tao. Bantayan ang virus na ito dahil maaaring magdulot ng sipon o lagnat. Kadalasang tinatamaan ng virus ang mga batang 5 years old pababa.
Gamot sa pulmonya | Image from Freepik
Hospital acquired pneumonia (HAP)
Posible rin na magkaroon ka ng pneumonia kung ikaw ay pumunta ng ospital upang magpatingin ng ibang karamdaman. Karaniwang mas seryoso ang kondisyon ng taong may HAP kaysa sa community-acquired pneumonia. Ito ay dahil ang karaniwang sanhi ng hospital-acquired pneumonia ay mga antibiotic-resistant bacteria tulad ng methicillin-resistan Staphylococcus aureus (MRSA). Kaya naman, ang HAP ay mas mahirap gamutin kompara sa community-acquired pneumonia.
Ventilator-associated pneumonia (VAP)
Kung sakaling gumamit ka ng respirator o breathing machine sa ospital para matulungang huminga, may tiyansa rin na magkaroon ka ng pneumonia na kung tawagin ay ventilator-associated pneumonia. Ang uri ng pulmonya na iyo ay nakukuha sa paregong bacteria na nagsasanhi ng community-acquired pneumonia at pati na rin sa drug-resistant bacterias na nagdudulot ng hospital acquired pneumonia.
Healthcare-associated pneumomia (HCAP)
Tulad ng hospital-acquired pneumonia, mula rin sa antibiotic-resistant bacteria ang HCAP. Madalas itong nakukuha kung matagal na nag-stay sa care facility tulad ng nursing home o clinic ang isang tao.
Aspiration pneumonia
Nangyayari naman ito kapag mayroong solid food, liquid, laway o suka na napunta sa iyong trachea o windpipe at patungo sa iyong baga. Kapag hindi mo ito nailabas, maaaring magdulot ng impeksyon sa lungs.
Pulmonya sintomas
Ano ang sintomas ng pneumonia? Mahalagang malaman kung ano ang sintomas ng pneumonia upang matukoy agad kung ikaw ay tinamaan ng sakit na ito. Kung maagap na matutukoy ang sakit na ito ay maagap din na malalapatan ng angkop na lunas ang pulmonia sintomas o pneumonia sintomas.
Walang pinipiling edad ang maaaring maapektuhan ng sintomas ng pneumonia o sintomas ng pulmonya. Ang mga sintomas ng pneumonia sa mga matatanda ay maaari ring maranasan ng mga bata.
Pulmonya sintomas: Lubhang pahirap sa pakiramdam ang mga sintomas ng pulmonya sa matanda man o sa bata.
Kung sakaling mapansin mo ang mga sintomas ng pulmonya o sintomas ng pneumonia na ito, ‘wag itong ipagsawalang bahala:
- Fatigue
- Lagnat
- Nausea
- Ubo na may plema
- Pananakit ng dibdib kapag umuubo o humihinga
- Hirap na paghinga
- Pagdudumi
- Pagsusuka
- Mababang temperatura
Pulmonia sintomas
Ang mga sintomas na ito ay nakadepende sa lagay ng kanilang pulmonya. Ang mga nabanggit na sintomas sa itaas ay mga sintomas ng pulmonya sa matanda at mga mas malalaki nang bata.
Samantala, hindi nagpapakita ng ibang sintomas ang mga sanggol. Tanging mapapansin mo lang ay kapag sila ay nagsuka, nagkaroon ng lagnat o umubo.
Kasama na ang walang ganang kumain at hirap sa paghinga sa mga sintomas ng pulmonya. Kaya naman, mabuti ang close monitoring lalo na sa mga sanggol na may sakit.
Pneumonia sintomas
Samantala, ang mga sumusunod naman ay mas malalang sintomas ng pneumonia. Ngunit hindi ito pangkaraniwang nararanasan ng karamihan sa mga pasyente na mayroon ng sakit na ito.
- Pag-ubo nang may kasamang dugo
- Matinding pananakit ng ulo
- Pananakit ng mga kasu-kasuhan at kalamnan
- Pagkalito at pagkahilo
Paano maiiwasan ang pneumonia?
Kung sakaling mapansin mong kakaiba ang iyong nararamdaman at mayroon kang sintomas ng pulmonya katulad ng nasa taas, ‘wag mag-atubiling magpatingin sa doktor.
Ngunit maaari mo pa rin namang maiwasan ang ganitong sakit. Sundin lamang ang mga paraang ito:
- Proper vaccination – Habang bata pa lamang, kailangan ay kumpletuhin ang vaccine sa bata lalo na para sa pneumonia.
- ‘Wag manigarilyo – Ang paninigarilyo ay nakakasira at nakakapagpahina ng iyong baga. Kaya naman tigilan na ito hangga’t maaga pa.
- Malakas na immune system – Masustansyang pagkain, regular na ehersisyo at sapat na tulog ang kailangan ng iyong pangangatawan para maging malakas.
- Malinis na pangangatawan – Palagiang maghugas ng kamay at panatilihin ang good hygiene para makaiwas sa mga bacteria.
Gamot sa pulmonya | Image from Freepik
Iba pang kaalaman tungkol sa pulmonya o pneumonia
Nakakahawa ba ang pulmonya
Maaaring maipasa sa ibang taong ang pulmonya sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Ang maliliit na droplets mula sa bibig at ilong ng taong may pneumonia ay maaaring mapasa sa iba.
Gamot sa pulmonya sa matanda
Para sa gamot sa pulmonya, maaaring makatulong ang mga gamot sa botika na panlaban sa sakit na ito. Ngunit tandaan, kailangan muna ng proper prescription na magmumula sa iyong doktor.
Ang paggamot para sa pulmonya ay kinabibilangan ng pagpapagaling sa impeksiyon at pagpigil sa mga komplikasyon. Ang mga taong may community-acquired pneumonia ay karaniwang maaaring gamutin sa bahay gamit ang gamot.
Bagama’t ang karamihan sa mga sintomas ay humina sa loob ng ilang araw o linggo, ang pakiramdam ng pagkapagod ay maaaring magpatuloy sa loob ng isang buwan o higit pa.
Ang mga partikular na paggamot ay depende sa uri at kalubhaan ng iyong pulmonya, ang iyong edad at ang iyong pangkalahatang kalusugan. Kasama sa mga opsyon ang:
- Antibiotics
- Gamot para sa ubo
- Pain reliever at fever reducers
Maaari ka namang ma-ospital kung ikaw ay:
- 65 years old pataas
- Karaniwang may pagkalito sa oras, tao, at lugar
- Mabilis ang iyong paghinga
- Nangangailangan ka ng tulong sa paghinga
- Mababa ang iyong temperature
- Ang iyong heart rate ay mababa sa 50 o mataas sa 100
Pagkain para sa may pulmonya
Maaaring kainin o inumin ang mga sumusunod para maibsan ang mga sintomas na sanhi ng pulmonya:
- Peppermint o eucalyptus tea
- Pag-gargle ng saltwater
- Kape o caffeine
- Ginger o turmeric tea
- Mainit na liquids tulad ng sopas, sabaw, herbal teas, o tubig
- Mga natural na pagkain tulad ng honey at bawang
Edad ng mga apektado
Walang pinipiling edad ang pulmonya. Maaaring magkaroon nag lahat lalo na ang mga sanggol at edad 65 years old pataas. Kasama na rito ang mga mahina ang immune system, naninigarilyo at mayroong chronic disease.
Pneumonia sa mga bata
Larawan mula sa Freepik
Ayon sa World Health Organization, ang pneumonia ang nag-iisang infectious disease na sanhi ng maraming pagkamatay ng mga bata sa buong mundo. Tinatayang nasa 740, 180 na mga batang nasa edad 5 pababa ang nasawi sa pneumonia noong 2019. Maraming mga bata at pamilya sa buong mundo ang apektado ng pulmonya. Ngunit, pinakamataas ng bilang ng mga nasawi sa southern Asia at sub-Saharan Africa.
Sanhi ng pulmonya sa bata
Ang pneumonia at dulot ng impeksyon sanhi ng virus, bacteria, o fungi. Streptococcus pneumoniae ang pinakakaraniwang sanhi ng bacterial pneumonia sa mga bata.
Sinusundan naman ito ng tinatawag na Haemophilus infuenzae type B (Hib). Samantala, respiratory syncytial virus naman ang pinakakaraniwang virus na sanhi ng pneumonia. Habang ang mga sanggol naman na naimpeksyon ng HIV, pneumocystis jiroveci ay kadalasan din na iimpeksyon ng pneumonia.
Ayon pa rin sa sa WHO, ang nasabing virus ang responsable sa tinatayang one quarter ng lahat ng nasawi sa pneumonia sa mga sanggol na infected ng HIV.
Sino ang madalas na apektado nito?
Sino man ay maaaring dapuan ng sakit na ito. Bagaman ang mga malulusog na bata ay may kakayahang labanan gamit ang mga natural defenses ng katawan ang virus o bacteria na nagdudulot ng pneumonia.
Pero may mga batang mahihina ang immune system at sila ang mataas ang tiyansa na dapuan ng sakit na ito. Kung mayroong symptomatic HIV, o nagkaroon na ng tigdas ang bata noon, mataas din ang panganib na magkaroon ito ng pulmonya.
Bukod pa rito, kung nagluluto sa bahay gamit ang biomass fuels tulad ng kahoy o panggatong, at nalalanghap ng bata ang usok, nakapagpapataas din ito ng tiyansa na magkaroon ngb pneumonia ang bata. Gayundin kung naninigarilyo ang mga magulang o mayroong naninigarilyo na myembro ng pamilya at nakalalanghap ng second at third hand smoke ang bata.
Dagdag pa rito, mataas din ang tiyansa na magkaroon ng pneumonia ang mga taong nakatira sa masisikip na lugar o kung maraming tao ang nakatira sa isang bahay.
Gamot sa pneumonia ng bata
Antibiotic ang karaniwang ibinibigay sa mga taong mayroong pneumonia. Kadalasan ay amoxicillin ang unang rekomendasyon ng doktor. Karamihan sa mga kaso ng pulmonya ay nangangailangan talaga ng oral antibiotic bilang lunas.
Importanteng magpakonsulta sa doktor kung mapuna na mayroong sintomas ng pneumonia. Hindi makabibili ng antibiotic nang walang reseta mula sa doktor.
Kaya naman, magpatingin sa inyong doktor para malapatan ng tamang lunas ang inyong karamdaman, Nirerekomenda naman ang hospitalization o manatili sa ospital kapag malala ang kaso ng pneumonia.
Covid-19 at Pneumonia
Isa sa mga sintomas at komplikasyon na iniuugnay ngayon sa Covid-19 ay ang pagkakaroon ng pulmonya o pneumonia. Ito ay dahil nagkakaroon ng impeksyon na pumapasok sa iyong baga.
Dahil rito, maaaring mapuno ng napakaraming likido at nana ang iyong baga na magiging sanhi ng kahirapan sa paghinga. Maaari ring magkaroon ng matinding kakapusan sa paghinga, ubo, lagnat, pananakit ng dibdib, panginging o pagkapagod.
Humigit-kumulang 15% ng mga kaso ng COVID-19 ay malala. Nangangahulugan iyon na maaaring kailanganin silang bigyan ng oxygen sa isang ospital. Humigit-kumulang 5% naman ng mga tao ang may kritikal na impeksyon at nangangailangan ng ventilator.
Ang mga taong nakakuha ng pulmonya ay maaari ding magkaroon ng kondisyong tinatawag na acute respiratory distress syndrome (ARDS). Ito ay isang sakit na mabilis na nakakaapekto at nagiging sanhi ng mga problema sa paghinga.
Larawan mula sa Freepik
Mga sintomas ng Covid-19 Pneumonia
- Pagkapagod
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Sakit ng tiyan
- Sakit ng ulo
- Pagkawala ng amoy o panlasa
- Masakit na lalamunan
- Runny nose
- Pinkeye
- Pananakit ng kalamnan
- Mga pantal sa balat
- Panlalamig
Maaari ring maramdaman ang mga sumusunod:
- Mabilis na tibok ng puso
- Kahirapan sa paghinga
- Mabilis na paghinga
- Pagkahilo
- Matinding pagpapawis
Pagkakaiba ng Covid-19 Pneumonia sa ibang pulmonya
Photo by Anna Shvets from Pexels
Kakaiba ang epekto ng Covid-19 pneumonia kumpara sa normal na klase nito. Ayon sa mga pagsasaliksik, ang COVID-19 pneumonia ay kumakalat tulad ng maraming “wildfires” sa buong baga.
Gumamit ang isang pag-aaral ng mga CT scan at mga laboratory tests upang ihambing ang mga clinical features ng COVID-19 pneumonia sa iba pang mga uri ng pneumonia. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga taong may COVID-19 pneumonia ay mas malamang na magkaroon ng:
- Pneumonia na nakakaapekto sa parehong baga kumpara sa isa lamang
- Mga baga na may katangiang “ground-glass” na hitsura sa pamamagitan ng CT scan
- Mga abnormalidad sa ilang mga laboratory tests, lalo na ang mga pagsusuri sa liver function
Sino ang higit na nasa panganib para sa Covid-19 Pneumonia
Sa mga may hustong gulang na 65 taong gulang at mas matanda ay nasa mas mataas na panganib para sa malubhang sakit dahil sa COVID-19.
Bukod pa rito, ang mga indibidwal sa anumang edad na mayroon nang dating kondisyon sa kalusugan ay nasa mas mataas na panganib para sa malubhang sakit na COVID-19, kabilang ang pulmonya.
Ang mga kondisyong pangkalusugan na maaaring maglagay sa iyo sa mas mataas na panganib ay kinabibilangan ng:
- COPD
- Diabetes
- Mga kondisyon sa puso
- Asthma
- Liver disease
- Chronic Kidney Disease
- Obesity
Maaari ka ring tamaan ng Covid-19 kung ikaw ay may weakened immune system o kaya naman ay immunocompromised. Maaari kang magkaroon ng weakened immune system kung ikaw ay:
- Umiinom ng gamot na nagpapahina sa iyong immune system, tulad ng mga corticosteroids o mga gamot para sa kondisyong autoimmune
- Sumasailalim sa paggamot sa kanser
- Nakatanggap ng organ o bone marrow transplant
- Mayroong HIV
Long term effects ng Covid-19 Pneumonia
Ang pinsala sa baga dahil sa COVID-19 ay maaaring humantong sa pangmatagalang epekto sa kalusugan.
Nalaman ng isang pag-aaral na 66 sa 70 katao na nagkaroon ng COVID-19 pneumonia ay mayroon pa ring mga sugat sa baga na nakikita ng CT scan nang umalis sila sa ospital.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor
Photo by Polina Tankilevitch from Pexels
Ang sinumang nahihirapang huminga ay dapat humingi ng medikal na tulong para sa diagnosis at paggamot.
Mahalagang sundin ang anumang planong medikal na paggamot na inirerekomenda ng doktor at humiling ng karagdagang tulong kung lumala o hindi bumuti ang mga sintomas pagkatapos ng ilang araw.
Karagdagang ulat mula kay Margaux Dolores at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!