Isa sa mga hindi maiiwasang sakit karamihan ng mga bata ay ang pagkakaroon ng UTI o urinary tract infection. Pero ano nga ba ito at paano nagkakaroon ng UTI ang mga bata? Alamin ang sintomas, sanhi at gamot sa UTI ng bata. Pati na ang mga home remedy ng UTI sa mga bata
Narito ang mga UTI home remedy o mabisang gamot sa UTI ng bata na maaari mong subukan sa iyong anak at mga paraan upang ito ay tuluyan ng maiwasan.
Talaan ng Nilalaman
Ang ang UTI?
Ang UTI o urinary tract infection ay isa sa mga sakit na madalas na nararanasan ng mga bata. Ito ay dulot ng mga bacteria na pumapasok sa urethra na nagiging dahilan ng impeksyon. Ayon sa mga eksperto ang UTI ay madalas na nararanasan ng mga babae.
Ito ay dahil mas maikli ang urethra ng mga babae kumpara sa mga lalaki. At madalas ang bacteria na nagmumula sa puwitan ay pumapasok sa vagina patungo sa urethra.
Ang UTI ay maaaring mauwi sa kidney o bladder infection. Kung hindi ito maagapan ay maaaring magdulot ito ng mas seryosong komplikasyon sa katawan ng isang bata. Kaya naman mahalagang mabantayan ang sintomas nito at agad na malunasan.
Ilan nga sa sintomas ng UTI na dapat bantayan sa mga bata ay ang sumusunod:
Sintomas ng UTI sa mga bata
- Lagnat
- Mahina o kawalan ng gana kumain
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Pagiging irritable
- Pagiging matamlay
- Dugo sa ihi
- Cloudy o malabong ihi
- Mabahong ihi
- Sakit o hapdi sa ari tuwing umiihi
- Pananakit ng likod o ibabang bahagi ng tiyan
- Pagising sa pagtulog para umihi
- Pakiramdam na ihing-ihi ngunit kaunti lang ang iniihi
- Hindi makontrol na pag-ihi
- Pag-ihi sa higaan na hindi niya naman ginagawa dati
Sa oras na makitaan ng mga nabanggit na sintomas ang isang bata ay dapat na agad itong dalhin sa doktor. Upang siya ay matingnan at maresetahan ng gamot na kaniyang kailangan.
Sintomas ng UTI sa baby
Ito naman ang ilan sa mga posibleng sintomas ng UTI sa baby:
- Hindi maipaliwanag na lagnat
- Iritable at umiiyak ng mas madalas
- Walang ganang magdede
- Pagsusuka
- Biglang inaantok o maantukin
- Mababa lamang ang nadadagdagan sa kaniyang timbang
- May dugo sa kaniyang diape
Gamot sa UTI ng bata
Isa sa pangunahing gamot sa UTI ng bata na inirereseta ng mga doktor ay mga antibiotics. Ito ay upang agad na mapatay ang mga bacteria na nagdudulot ng impeksyon at maiwasan ang kidney damage.
Ang inireresetang antibiotic bilang gamot sa UTI ng bata ay nakadepende sa uri ng bacteria na nagdudulot ng impeksyon at sa lala nito. Pero madalas ang mga antibiotic na inirereseta ng mga doktor na gamot sa UTI ng bata ay ang sumusunod:
- Amoxicillin
- Amoxicillin at clavulanic acid
- Cephalosporins
- Doxycycline, para sa mga batang higit 8 taong gulang.
- Nitrofurantoin
- Sulfamethoxazole-trimethoprim
Mahalaga na kahit umayos na ang kondisyon o pakiramdam ng isang bata na tapusin ang antibiotic treatment na inirekumenda ng doktor. Ito ay upang tuluyang mapatay na ang bacteria na nagdudulot ng impeksyon at hindi na ito muling bumalik pa.
Gamot sa UTI ng baby
Ang gamot naman para sa mga baby na may UTI na nasa edad 3 months old pababa ay kinakailangan ng antibiotic. Ito ay ibinibigay sa kanila sa pamamagitan sa kanilang ugat. Ibig sabihin kinakailangang sa ospital sila o sa doktor sila magpapagamot. Sapagkat hindi pa sila nakakalunok ng mga tablet dahil sa kanilang edad.
Ang mga baby naman na mas matanda na mas matanda na sa 3 months old at mayroon nang kakayahang kumain ng solid foods ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng oral antibiotics.
Titignan ng inyong doktor ang ihi ng inyong anak matapos ang kaniyang treatment na kadalasang tumatagal lamang ng 7 days, upang malaman kung wala na itong impeksyon sa kaniyang urinary tract.
Kung sakaling hindi tumalab ang treatment na ibinigay ng doktor sa inyong baby, maaari i-refer niya kayo sa isang espesyalista upang mabigyan ng nararapat na lunas.
UTI home remedy
Samantala may mga UTI home remedy rin naman na maaring subukan sa inyong tahanan. Ito rin ang mga paraan upang maiwasan ng bumalik at maranasan pa ng bata ang impeksyon. Ang mga UTI home remedy na maaring subukan ay ang sumusunod:
1. Painumin siya ng maraming tubig.
Ito ay para umihi siya ng mas madalas at i-flushout ng kaniyang katawan ang mga bacteria. Magkaganoon man ay hindi dapat pilitin ang isang bata na uminom ng tubig. At kung ang ang bata ay 6 na buwan palang pababa ay mas mabuting bigyan siya ng breastmilk kaysa sa tubig.
2. Painumin siya ng fruit juices.
Kung ang bata ay higit sa 6 na buwang gulang na ay maaari na siyang bigyan ng fruit juices. Tulad ng cranberry at pineapple juice na inirerekumendang gamot sa UTI.
Ito ay dahil nililimatahan ng mga ito ang pagdami ng bacteria sa urinary tract. Ngunit bago bigyan nito ang isang sanggol ay mabuting ipakonsulta muna siya sa isang doktor. Dapat din ay ihalo ito sa tubig, dahil sa ito ay maaaring magdulot ng dagdag acidity sa ihi ng bata.
3. Pakainin siya ng mga pagkaing nagtataglay ng good bacteria o probiotics.
Ang mga probiotics ay nakakatulong upang maiwasan ang UTI. Ganoon din upang maibalik ang natural flora ng katawan at ang lakas ng resistansiya nito laban sa mga bacteria.
4. Painumin siya ng lemon juice.
Ang pagpapainom ng lemon juice sa isang bata araw-araw ay nakakatulong upang maiwasan niya ang UTI. Dahil sa ang lemon juice ay isang diuretic agent na nakakatulong upang maihi ang isang tao. Binabago rin nito ang pH level ng dugo at ng urinary tract mula sa pagiging acidic to alkaline na pumipigil sa pagdami ng bacteria.
5. Iwasan ang mga acidic na pagkain at inumin.
Upang maiwasan na maging acidic ang ihi ng isang bata ay iwasan siyang bigyan ng mga acidic na pagkain at inumin. Dapat ay mga juice, vegetables, fruits at iba pang masusustansiyang pagkain ang kaniyang kainin at inumin.
6. Panatilihing malinis ang private area ng iyong anak.
Kung nag-didiapers ang isang bata ay agad itong palitan at huwag babaran ng ihi o dumi. Bago suotan ng diapers ay hugasan o punasan ng antimicrobial wipes ang kaniyang ari. Dapat ay maghugas ka rin ng kamay bago ito gawin.
7. Paliguan ang bata gamit ang maligamgam na tubig isang beses sa isang araw.
Ang maligamgam na tubig ay nakakatulong upang maibsan ang sakit na kaniyang nararamdaman. At upang mapanatiling malinis ang kaniyang private part at maiwasan ang pagdami pa dito ng bacteria.
8. Para sa mga babae magpunas mula sa harap papunta sa likuran.
Upang maiwasang mapunta ang mga bacteria sa vagina o urethra ay dapat gumamit ng magkaibang toilet paper para sa genitals at pamunas sa puwet. Dapat din ang pagpupunas ay mula sa harap patalikod at hindi kabaligtaran. Ito ay upang hindi mapunta sa urethra o vagina ang mga bacteria na nasa anus o bandang puwitan.
9. I-encourage ang isang bata na umihi ng mas madalas.
Bagamat masakit o mahapdi ang pag-ihi sa tuwing may UTI ay dapat i-encourage ang isang bata na gawin ito ng mas madalas. Ito ay upang mailabas niya ang bacteria na nagdudulot ng impeksyon at siya ay gumaling na.
Paano maiiwasan ang UTI?
Upang maiwasan ang UTI sa mga bata at baby, laging palitan ang kanilang diaper mapa-disposable man o cloth diaper. Kung malaki-laki naman siya turuan siya ng good bathroom habits para maiwasan ang pagkakaroon niya ng UTI.
Para sa mga may anak na babae ituro ang wipe front to back sa paghuhugas ng kanilang pwetan. Sa paraang ito, maiiwasang pumasok ang mga bacteria mula sa dumi sa kanilang vagina o puwerta at urinary tract.
Turuan din sila na kapag sila’y naiihi at nadudumi ay pumunta sila agad sa bathroom at huwag itong tiiisin o pigilan. Para ulit sa may anak na babae, turuan silang huwag gumamit ng mga perfumed soaps sa paghuhugas ng kanilang vagina.
Pagsuotin din sila lagi ng cotton underwear. Sa ganitong paraan magkakaroon ng mas improve airflow at maiiwasan nito ang mga bacteria na mag-grow.
Sa kabuuan ito sa ating mga anak ang kahalagahan ng pag-inom ng maraming tubig. Isa itong mabisang paraan para malabas at ma-flush out ang mga bacteria sa ating urinary tract. Ang pag-inom din ng tubig ay nakakatulong sa pangkabuuang kalusugan ng tao.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.