Para sa kahit sinong magulang, hindi maliit na bagay ang pagkakaroon ng sakit ng kanilang anak. Kahit nga ang pagkakaroon ng halak ng bata ay dahilan na upang mag-alala ang mga magulang.
Ngunit sino nga ba ang mag-aakala na ang simpleng halak ng bata ay sintomas na pala ng nakamamatay na sepsis? Ganito na nga ang nangyari sa isang 11-buwang gulang na sanggol sa UK.
Halak ng baby, sintomas na pala ng sepsis
Kuwento ng mag-asawang Louise at David Wood, nagsimula raw ang lahat nang mapansin nilang kakaiba ang paghinga ng kanilang anak na si Clara. Kakatapos lang raw ni Clara na gumaling sa sipon, kaya’t noong una ay binabalewala nila ang mahabang pagtulog nito at kakaibang paghinga.
Ngunit isang araw ay napansin ni Louise na parang hindi tama ang naging paghinga ng kaniyang anak habang natutulog. Dahil dito, tumawag siya sa emergency services upang humingi ng tulong.
Matapos sagutin ang mga tanong ng operator, nagulat si Louise nang sabihin ng operator na papunta na raw ang mga paramedics sa bahay nila. Hindi niya lubos akalain na mayroon na palang sepsis at pneumonia ang pinakamamahal nilang anak.
Muntik na raw mamatay ang kanilang anak
Kuwento ni Louise, hindi raw siya makapaniwala sa sinabi ng operator. Ngunit kahit papano raw ay lumuwag ang kaniyang loob dahil alam niyang tama ang ginawa niya na humingi ng tulong mula sa ospital.
Bagama’t agad na dumating ang mga paramedics, hindi pa rin naging ligtas ang buhay ni Clara. Kinailangan pa niyang sumailalim sa treatment kung saan tinurukan siya ng iba-ibang mga gamot, at ikinabit pa sa isang IV drip.
Sinabi pa raw sa kanilang mag-asawa na lubhang mapanganib ang pneumonia at sepsis sa mga sanggol. Ito ay dahil unpredictable ang ganitong mga sakit para sa mga sanggol.
Sa kabutihang palad, matapos ng isang linggo ay nagkaroon rin ng full recovery si Clara. Ito ay dahil sa ginawang pagsisikap ng mga doktor sa paggamot sa kaniya, at pati na rin sa mabilis na aksyon ng kaniyang ina na tumawag sa emergency services.
Anu-ano ang sintomas ng sepsis sa bata?
Ang sepsis ay isang malubhang kondisyon kung saan nagkakaroon ng “overreaction” ang katawan sa isang infection. Madalas itong nangyayari kapag nagkasakit ang isang tao, at mapanganib ito, lalong-lalo na sa mga bata.
Heto ang mga sintomas na dapat tandaan ng mga magulang:
- Pagbabago ng ugali.
- Biglaang pagtaas ng blood pressure.
- Mabilis o kakaibang paghinga.
- Pagkakaroon ng halak.
Posible rin na magkaroon ng sepsis ang isang tao dahil sa mga sumusunod na sakit:
- Pneumonia.
- Impeksyon ng digestive system.
- Impeksyon ng kidney.
- Impeksyon sa dugo.
Kung sakaling mayroong sepsis ang iyong anak ay mahalagang dalhin siya agad sa ospital upang magamot. Ang sepsis mismo ay kadalasang hindi nagdudulot ng pagkamatay, ngunit ang isang komplikasyon nito na kung tawagin ay septic shock, ay posibleng makamatay.
Kaya importanteng bantayan ang kalusugan ng iyong anak, lalong-lalo na kung kakagaling lang niya sa sakit.
Source: Daily Mail
Basahin: Batang babae nagkaroon ng sepsis dahil sa bagong sapatos
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!