Naglabas ng babala ang Department of Health (DOH) matapos tumaas nang husto ang bilang ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) cases sa bansa, na inireport sa inquirer.net. Mula Enero hanggang Agosto 2025, umabot na sa 37,368 ang kaso — halos 700% na mas mataas kumpara sa 5,081 cases noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, karamihan ng tinatamaan ay mga bata na edad 1 hanggang 3 years old. Kahit mild lang ang sakit na ito at kadalasan ay gumagaling sa loob ng isang linggo, mabilis itong makahawa. Dahil dito, ilang schools gaya ng St. Mary’s Academy sa Pasay City ay lumipat muna sa online classes matapos magkaroon ng kumpirmadong kaso.
Ano ang HFMD?
Ang HFMD ay viral illness na madalas sanhi ng Coxsackievirus o Enterovirus 71. Karaniwang sintomas nito ay:
-
Lagnat
-
Singaw o mouth sores
-
Pantal o blisters sa kamay, paa, o puwitan
-
Pagiging iritable at kawalan ng gana kumain (lalo sa toddlers)
Wala pang bakuna laban sa HFMD dito sa Pilipinas, sa US, o Europe. Kaya prevention pa rin ang pinakamabisang proteksyon.

Saan Madaling Kumalat ang HFMD?
Nakakahawa ang HFMD sa pamamagitan ng laway, sipon, fluid mula sa blisters, at gamit na kontaminado ng virus. Kaya madalas itong kumalat sa mga lugar kung saan madaming bata at shared ang gamit, tulad ng:
-
Playgrounds (swings, slides, at iba pang equipment na hawak ng lahat)
-
Daycare centers at preschools
-
Indoor play areas o ball pits
-
Classrooms (lalo na kapag group activities)
-
Birthday parties o playdates kung saan nagbabahagi ng toys, food, at utensils
Minsan simpleng hawak kamay, yakap, o paggamit ng parehong baso ay sapat para makahawa.
Paano Maiiwasan?
Sabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa, balik tayo sa basic hygiene habits para makaiwas. Eto ang puwede mong gawin:
-
Madalsang paghuhugas ng kamay ng bata at buong pamilya, lalo na bago kumain at pagkatapos maglaro
-
Regular na pag-disinfect ng laruan at gamit sa bahay
-
Huwag papasukin sa school o playdates ang batang may sakit hanggang tuluyang gumaling
-
Iwasan muna ang mataong play areas kung mataas ang HFMD cases sa inyong lugar
-
Turuan ang kids na huwag mag-share ng utensils, bote, o tuwalya
Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor?
Bagama’t mild ang HFMD, dalhin agad sa doktor kung may:
-
Tuloy-tuloy na mataas na lagnat
-
Dehydration dahil sa masakit na mouth sores
-
Matinding panghihina o hirap sa paghinga
Bottom line para sa parents: Madalas mangyayari ang HFMD sa mga bata, pero ang sobrang pagtaas ng kaso ngayon ay nagpapakita kung gaano ito kabilis kumalat. Sa pamamagitan ng consistent na handwashing at pag-iwas muna sa shared play spaces, malaking tulong ito para maprotektahan ang inyong anak habang pinipigilan ng komunidad ang outbreak.