HFMD nakuha sa indoor playground ng isang bata. Ito ang babala ng kaniyang ina tungkol sa sakit.
- Paano ang sakit na HFMD nakuha sa indoor playground ng isang bata.
- Ano ang sakit HFMD o Hand, Foot and Mouth Disease.
HFMD nakuha sa indoor playground ng isang bata
Ang batang si Travis/ Image from Abby Rose Santiago-Antoni
Matapos ang halos dalawang taong pagkakakulong sa loob ng bahay ng dahil sa sunod-sunod na lockdowns bunsod ng COVID-19 pandemic ay excited na iginala ng inang si Abby Rose ang anak niyang si Travis sa isang mall nito lang Nobyembre.
Sila’y bumisita sa isang indoor playground para doon ay makapaglaro ito. Pero sa kabila ng pag-iingat na maiiwas ito sa sakit na COVID-19, hindi naman nakaiwas ang anak niyang si Travis na makakuha ng isa pang nakakahawang sakit.
Ito ay ang HFMD na ayon kay Abby ay nakuha ng anak sa paglalaro sa pinuntahan nilang indoor playground. Si Abby, unang nagbigay ng babala sa mga magulang tungkol sa sakit gamit ang kaniyang Facebook account.
Sa isang panayam namin kay Mommy Abby ay ikinuwento niya kung paano nakuha ng anak niyang si Travis (1 year and 5 months old) ang sakit na HFMD. At kung paano gumaling ang anak mula sa nakakahawang sakit.
Kuwento ni Mommy Abby, November 24 ng dalhin niya ang anak at pinsan nito sa indoor playground ng isang mall.
Ilang araw matapos noon ay may napansin siyang mga rashes sa balat ng anak. Pati ang pinsan nitong kasama nila noon ay nagkaroon rin ng mga rashes dahilan para dalhin agad ang mga ito sa doktor.
Pagkukuwento ni Mommy Abby,
“Hindi siya nilagnat e normal lang ang kilos niya. Napansin ko lang ang rashes kaya pina check-up ko agad siya.
Feeling ko sa palaruan niya nakuha kasi after ko siya dinala doon mga ilang araw nagkaroon siya niyan. ‘Yong pinsan kasi ng anak ko na kasama din doon siya unang nagkaroon.
Then sumunod si Travis tapos yung ibang pinsan din ni Travis nagkaroon na din. Talagang sobrang nakakahawa siya.”
Dagdag pa niya, mabuti na lamang at naging maagap ang aksyon nila sa mga rashes na nakita sa balat ng anak. Sapagkat kahit hindi raw ito nilagnat o hindi nagbago ang active na kilos nito ay maaring mahirapan ang anak sa kati ng mga rashes.
Babala pa nga umano ng pedia ng kaniyang anak ay maaari itong ma-dehydrate rin na lubhang napaka-delikado para sa isang bata.
Ito raw ang ilan sa peligro ng HFMD o Hand, Foot and Mouth Disease na madalas na nakukuha ng mga batang edad limang taong gulang pababa.
Babala at paalala sa mga magulang
Image from Abby Rose Santiago-Antoni
Nang dahil sa sakit ay hindi nakalabas muli ng ilang araw ang anak niyang si Travis. Dahil sa ang sakit ay airborne o maaring maihawa sa pamamagitan ng pag-ubo, atsing o pagtawa ng batang infected ng sakit.
Pinagbawalan rin daw itong kumain ng malalansang pagkain dahil pati sa loob ng bibig ay nagkaroon rin umano ng singaw si Travis. Ito’y dulot pa rin ng sakit na HFMD. Kaya naman si Mommy Abby may babala sa ibang mga magulang.
Babala ni Mommy Abby,
“Mag-double ingat or triple ingat pa sa mga bata lalo na sa mga nakakasalamuha nila or sinusubo nilang mga bagay. Bantayang mabuti ang mga anak ninyo.
Make sure lahat ng nahahawakan niya ay malinis. At wag ninyo pahalikan or ipahawak sa mga taong kagagaling lang mag-yosi or sa labas ng hindi pa nag-sasanitize. Iwasan na din muna paglaruin sa mga playground kasi talagang nkakahawa ito.”
May dagdag rin siyang payo pa sa mga magulang. Hindi lang para ma-protektahan ang mga bata sa sakit na HFMD kung hindi pati narin sa kumakalat na COVID-19.
“Mas natutunan ko na kahit anong pag-iingat ang gawin kapag nahawa sya sa iba wala ko choice kaya dapat ko maging mas wais pa na mommy na. Kesa dalhin ko sya sa mga palaruan nilagyan ko na lang siya ng mini playground sa bahay.”
“Hindi maiiwasan sa ating mga parents na ma-excite sa paglabas ng atin mga anak lalo na 2yrs din hindi sila nakapagmall or nkapaglaro.
Lalo na ko aaminin ko na-excite akong ilabas ang anak ko since pandemic baby siya. Ngayon lang niya talaga lahat mararanasan ang normal na situation tulad ng dati.
Pero kailangan natin mag-triple ingat lalo na sa mga bata kasi sila ung mabilis mahawa o makapitan ng sakit sa panahon ngayon.
Hindi natin alam sino ang kalaban natin sa sakit dahil dala din ito ng hangin/airborne kaya panatilihin natin na palaging malinis ang kapaligiran ng anak natin.”
Ito ang paalala pa ni Mommy Abby sa mga magulang.
Sa ngayon si Travis ay healthy at happy na ulit. Siya ay gumaling mula sa HFMD.
Si Travis at kaniyang Mommy Abby/ Image from Abby Rose Santiago-Antoni
BASAHIN:
Nanay, ipinasyal ang anak sa mga pampublikong lugar kahit may HFMD ito
7 Bagay na dapat malaman tungkol sa nakakamatay na strain ng HFMD
Hand Foot and Mouth Disease (HFMD): Gabay para sa mga magulang
Ano ang HFMD o Hand, Foot and Mouth Disease?
Ang Hand, Foot and Mouth Disease ay isang nakakahawang sakit na madalas na tumatama sa mga batang 5 taong gulang pababa.
Naihahawa ang HFMD ng sinumang mayroon nito sa pamamagitan ng close contact. O kaya naman ay sa pamamagitan ng paghawak ng laruan, doorknob o kahit anumang bagay na kung saan maaring maiwan ang virus at makuha ng ibang bata.
Ang mga sintomas nito ay lagnat, sore throat at mga rashes, blisters o sugat sa bibig, binti, paa, kamay at puwet ng bata.
Hindi ito isang seryosong sakit na dapat ikabahala, ngunit ang sugat na dulot nito ay nagbibigay ng hindi komportableng pakiramdam sa mga bata.
Paano nalulunasan ang HFMD?
Ang Hand, Foot and Mouth disease ay kusang ring nawawala matapos ang 7 hanggang 10 araw ng pagkakaroon nito. Walang gamot na iniinom para mapagaling ito o kaya naman ay bakuna para maiwasan ito.
Pero para sa pananakit na dulot ng sugat ay maaring uminom ng ibuprofen o acetaminophen ang mga bata. Maari ding gumamit ng numbing mouth sprays.
Makakatulong naman ang cold treats gaya ng popsicles, yogurt at smoothie para maibsan ang pananakit sa kanilang lalamunan o sore throat.
Ang anti-itch lotion naman tulad na calamine ay makakatulong para sa pangangati na dulot ng mga rashes.
Nakakahawa ang HFMD sa unang 7 araw na tumama ito sa isang bata. Ngunit maaring manatili sa kaniyang katawan ang virus ng ilan pang araw o linggo hanggang tuluyang mawala ang sintomas nito.
Maari rin itong maihawa sa pamamagitan dumi o laway ng batang mayroon nito.
Paano maiiwasan ang HFMD?
Para naman mabawasan ang tiyansa ng isang bata na mahawa at magkaroon ng HFMD ay dapat gawin ang sumusunod:
- Ugaliing hugasan ang mga kamay ng madalas gamit ang sabon at tubig ng hindi bababa sa 20 seconds.
- I-disinfect ang dirty surfaces at soiled items.
- Iwasan ang close contact tulad ng kissing, hugging at sharing ng eating utensil o cups sa taong infected nito.
Kaya parents siguraduhing always healthy ang inyong little one. Hindi lang para sa kaniyang proteksyon ngunit pati narin sa iba pang bata na makakasalimuha niya.
Source:
CDC , WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!