Nakakasabik talagang magkaanak at mamili ng gamit para sa iyong baby. Pero kung hindi sapat ang iyong budget na bumili ng maraming gamit, unahin lang ang mga “essentials.” Tingnan ang listahang ito ng mga hindi kailangan na gamit ng baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- 18 hindi kailangan na gamit ng baby
- Mga gamit na maganda pero hindi naman essential
- Mga dapat tandaan sa pagbili ng gamit ni baby
Isa sa mga pinakamasayang parte ng pagbubuntis ay ang pagbili ng mga gamit ng baby. Nakakatuwang pagmasdan ang maliliit at makukulay na gamit na pwedeng gamitin ng iyong anak.
Pero sa panahon ngayon, kailangan nang maging praktikal. Tumataas ang presyo ng mga bilihin at nadadagdagan din ang mga gamit na kailangan mong pag-ipunan para sa paglaki ng iyong anak.
Kung mayroon kang sapat na budget o mayroong magreregalo sa ‘yo, maaari kang pumili ng maraming gamit para sa iyong anak. Pero kung gusto mong makatipid, mas makakabuting unahin mo muna ang mga bagay na sigurado kang gagamitin niyo ni baby.
Mayroon naman mga bagay na pwedeng hindi mo na bilhin dahil maaaring hindi mo naman talaga gaanong gagamitin, o makakahanap ka ng mas murang alternatibo rito.
Narito ang listahan ng mga bagay na hindi mo kailangang bilhin para sa iyong sanggol.
Hindi kailangan na gamit ng baby – mga hindi nagagamit
-
Sapatos ng baby
Nangunguna ito sa listahan ng mga gamit na hindi kailangan ng baby. Hindi pa naman nakakalakad o nakakatayo ang mga sanggol kaya hindi nila kailangan ang sapatos.
Kung matuto na silang tumayo at lumakad, mas maganda na sanayin muna nilang gawin ito ng nakayapak.
-
Masyadong maraming baby blanket
Bukod sa maraming nagreregalo nito, hindi mo kailangan ng masyadong marami dahil mabilis lang itong kalalakihan ng iyong sanggol.
Hindi rin kasi pinapayuhan na lagyan ng blanket ang sanggol mas lalo na kung nasa kuna o crib ito. Maaari kasing aksidente na mapunta ito sa kanyang mukha at ma-suffocate.
Kung nag-aalangan na baka malamigan si baby, mas mainam kung pagsusuotin na lang ito ng frogsuit o damit na may mahabang manggas at pajama.
-
Masyadong maraming newborn na damit
Napakabilis lumaki ng mga baby. Huwag masyadong bumili ng maraming newborn na damit dahil hindi na ito magkakasya sa kanila pagkaraan ng ilang linggo. May mga pagkakataon na dahil malaki si baby, hindi na ito daraan sa newborn size at diretso na agad sa pang 1-3 months.
-
Bigkis
Ang paglalagay ng bigkis sa tiyan ng sanggol ay isang kaugalian ng matatanda. Pero wala namang sapat na basehan na nakakatulong ito sa iyong anak. Sa halip, sinasabi na maaari itong makasagabal sa paghinga ni baby, kaya hindi na ito nirerekomenda ng mga doktor. Nakakasagabal din ito sa pag-galing ng kaniyang sugat sa pusod.
-
Unan at beddings para sa baby
Ayon sa American Academy of Pediatrics, ang mga bata ay dapat pinapahiga sa isang firm surface, at walang mga unan o kahit anong bagay sa paligid ng kaniyang higaan para mabawasan ang panganib ng sudden infant death syndrome o SIDS.
-
Stuffed toys para sa crib
Napakaraming kaibigan ang nagregalo ng stuffed toy sa aking anak noong baby shower ko, pero hindi ko naman sila nilagay sa paligid ng kanyang crib dahil hindi ito ligtas para sa sanggol.
Bukod dito, maaari itong makaipon ng alikabok na hindi rin maganda para sa mga bata. Maaari itong mag-trigger ng allergies.
-
Baby helmet
Ginagamit ang helmet para ayusin ang hugis ng ulo ng iyong anak pero kung hindi naman matindi ang kaso, kusang naaayos ang hugis ng bungo ng bata bago siya mag-dalawang taon.
-
Teether
Hindi naman talaga ito nagagamit dahil mas gusto ni baby na isubo ang sarili niyang mga daliri kapag nagngingipin. Maaari pa itong maka-ipon ng bacteria na makakasama kapag sinubo ng iyong anak.
Siguraduhing hugasan ang kamay ni baby kabang nag-ngingipin na siya. Kadalasan nagiging sanhi ng pagtatae kapag humahawak ng kung anu-ano si baby pagkatapos ay isusubo ang kaniyang kamay.
-
Bottle warmer
May mga nanay na nagsabing ginamit nila ito para initin ang breastmilk na nakalagay sa ref o freezer, pero maaari mo namang ibabad ang bote ng gatas sa isang mug na may lamang mainit na tubig.
Makakatulong ang bottle warmer sakaling mag-isa ka lang na nag-aalaga sa baby at walang panahon na mag-init ng tubig. Isa itong maituturing na “nice to have” kaysa essential.
-
Bath thermometer
Ginagamit ito para masigurong nasa tamang temperatura ang tubig na panligo ni baby, pero marami namang ibang paraan para gawin ito. Maaaring gamitin ang siko upang tignan kung masyadong mainit ang tubig para kay baby.
-
Rattles
Noon, titigil sa pag-iyak ang sanggol kapag pinatunog mo na ang laruang ito. Pero ngayon, hindi na ito pinapansin at hindi naman kailangang bilhin para sa iyong anak.
BASAHIN:
Department stores na nag-dedeliver ng mga gamit at damit ni baby
-
4 oz na baby bottle
Pinapagamit ang mga boteng ito para sa mga bagong silang na sanggol. Pero gaya ng mga damit, makakalakihan din agad ito ng baby at hindi na magiging sapat para lagyan ng gatas niya.
Kung pipiliin mo ring i-breastfeed ang iyong anak, hindi mo talaga magagamit ito.
-
White noise machine
Ginagamit ang bagay na ito para mapatahan si baby dahil kinokopya nito ang tunog na naririnig nila noong nasa loob pa sila ng ating tiyan. Pero marami namang bagay sa loob ng iyong bahay na maaaring gamitin para sa tunog na magpapakalma sa iyong anak.
Mayroon din sleep music at white noise sa media section ng theAsianparent app! Maaaring i-download ito nang libre sa Google Play Store at sa App Store.
-
Nursing cover
Sa panahon ngayon kung saan nasa bahay lang kayo ni baby, hindi mo kailangang magtakip tuwing papadedehin mo siya. Bukod dito, ayaw ng mga bata at naiirita sila kapag tinatakpan sila kaya makakasagabal lang ang bagay na ito.
Napatunayan rin ng studies na nakakapagpalalim ng bonding ni baby at mommy kapag tinitignan mo si baby habang siya ay sumususo.
Mas mainam rin na mag-invest sa mga nursing tops. Mayroong mga spaghetti-strap type, kung saan madali mong mailalabas ang iyong suso kapag gusto ni baby na dumede.
-
Changing table
Maganda itong gamitin sa umpisa kapag maliit pa ang iyong anak. Pero habang lumalaki siya at nagiging mas malikot, mahirap na siyang palitan gamit ang changing table at mas ligtas kung papalitan siya ng diaper sa mas mababa at malawak na lugar.
-
Baby powder
Ayon sa AAP, hindi nirerekomenda ang paggamit ng baby powder sa mga sanggol dahil sa mga nakakasamang kemikal na nakapaloob dito.
-
Baby walker
Bagama’t dati nang nakasanayan, hindi rin ipinapayo ng AAP ang paggamit ng baby walker dahil napakadelikado nito lalo na kapag napabayaan ang sanggol dito. Maraming instances na aksidenteng tumataob ito.
Para ma-ecourage si baby na maglakad, hayaan siyang mag-cruise sa kuna o sa playpen. Ngunit huwag siyang hahayaan na walang bantay.
-
Bath hat
Ginagamit ito para hindi mapunta sa mata ni baby ang tubig kapag pinapaliguan, pero kadalasan, naiirita rin ang mga sanggol kapag pinagsusuot sila nito at tinatanggal rin nila. Marami namang ibang paraan para maingatan ang mata o tenga ni baby habang naliligo.
Hindi kailangan na gamit ng baby – maganda, pero hindi essential
- Baby sleeper bed
- Breastfeeding pillows
- Moses basket o bassinet
- Baby food processor
- Bathtub
- Bath toys
- Mga mamahaling laruan
- Baby swing o masyadong malalaking accessories ni baby
- Activity mat para sa tummy time ni baby
- Baby monitor
- Air humidifier
- Night light
- Stroller
Mga dapat tandaan sa pagbili ng gamit ni baby
-
Bago bumili ng gamit ni baby, tingnan muna kung mayroon kang mga gamit na pwedeng hiramin.
Walang nakakahiya sa hand-me-downs. Itanong sa iyong mga kapatid o kaibigan kung mayroong mga gamit ang kanilang mga anak na hindi na ginagamit. Malaki ang matitipid mo kung sakali.
Kung balak mo namang magkaroon ng baby shower, pwede kang gumawa ng gift registry o magbigay ng listahan ng mga kagamitang gusto mong matanggap mula sa mga dadalo.
-
Huwag bumili ng masyadong marami.
Lalo na sa mga damit ng baby. Mabilis lumaki ang mga bata kaya maaaring hindi rin nila magamit kung masyado silang maraming damit.
Ganoon din sa mga kagamitan tulad ng baby bottles. Maraming mommy ang nagsasabi na hindi sana sila bumili ng mamahalin kung alam lang nila na iba pala ang magugustuhan ng kanilang anak. Bumili muna ng kaunti at alamin kung magugustuhan itong gamitin ng anak mo.
-
Siguruhing maganda ang kalidad ng gamit na bibilhin.
Hindi kailangang mahal, pero dapat ay matibay at ligtas ang bibilhin mong gamit ni baby. May mga produkto kasi na mura nga pero hindi naman ligtas o kaya madaling masira.
Pumili ng mga kagamitang maganda ang kalidad at magagamit ni baby ng matagal. Kung gagamitin mo ng mabuti, baka nga maipamana pa niya ito sa kaniyang mga kapatid.
-
Alamin ang magagandang tatak ng gamit para kay baby.
Magtanong sa mga kaibigang nanay o magbasa sa mga online parenting community forums (gaya ng TAP) para malaman kung anong mga produkto ang magandang bilhin na sulit ang halaga. Marami namang lokal na produkto na mura pero maganda ang kalidad.
Para sa listahan ng mga dapat bilhin para sa pagdating ni baby, basahin ito.
Anong mga bagay ang binili niyo pero hindi naman nagamit ni baby? Ikuwento sa’min sa comments!