Sadyang napaka-busy na saanmang lugar ngayong papalapit na nang papalapit ang Pasko at Bagong Taon. Dahil sa pagiging abala ng mga kalsada, mataas din ang posibilidad ng aksidente. Kaya naman, kung plano ng inyong pamilya na mag-travel ngayong holiday season, narito ang ilang holiday travel safety tips na dapat niyong tandaan.
Holiday travel safety tips para sa ligtas na Christmas vacation
Ipa-check ang inyong sasakyan
Dalahin sa repair specialist ang inyong family car para ma-inspeksyon ito. Mahalagang matingnan ang fluid ng sasakyan, pati na rin ang wear-and-tear parts at iba pang consumables. Importante ito lalo na kung plano niyo ang mahaba-habang byahe. Kung well-maintained ang inyong sasakyan matitiyak ang safe at stress-free na bakasyon kasama ang pamilya.
I-schedule ang inyong holiday trip
Importante na nakaplano ang inyong travel. Sa pagpla-plano ng inyong pagbabakasyon, mahalagang maisama ang paghahanap ng alternate routes patungo sa inyong pupuntahan. Bago umalis ng bahay, planuhin kung saan kayo dadaan, anong lugar ang unang pupuntahan, at alin naman ang huli.
Kung pupunta ng mall, mas mabuting pumunta nang maaga nang hindi mahirapang maghanap ng parking space at sa ganitong oras ay hindi pa rin ganoon kahaba ang pila sa mga store sa mall.
Maging mapagmatyag at maingat
Dahil maraming lugar ang tiyak na siksikan, posible rin na maglipana ang mga mandurukot. Kaya naman, tandaan na kailangang maging mapagmatyag sa paligid. Ingatan ang mga valuable na gamit. Importante rin na mag-ingat mula sa mga car-related break-ins at thefts. Maaaring lagyan ng alarm, immobilizer system, theft deterrent devices ang inyong sasakyan para hindi ito maging easy prey mula sa mga carnappers.
Ilagay din ang mga gamit sa bahagi na hindi agad matatanaw ng tao sa labas. Huwag iiwan sa sasakyan ang mga valuable things tulad ng cellphone, wallet, laptop, at iba pang mahalagang gamit.
Dagdag pa rito, bago mo patayin ang engine ng sasakyan, importanteng tumingin muna sa paligid. Tiyaking walang kahina-hinalang tao bago lumabas ng sasakyan. Gayundin kung magwiwithdraw sa ATM. Bago buksan ang sasakyan tiyakin din munang walang suspicious na tao na nakaabang dito.
Iba pang holiday travel safety tips na dapat tandaan
- Magdesignate ng driver kung may inuman sa pupuntahan. Tiyakin na hindi uminom ng alak ang designated driver para matiyak na ligtas ang pagmamaneho.
- Siguraduhing nakasuot ang seat belt ng bawat pasahero.
- Magdala ng mga gamot para sa buong pamilya. Tulad na lamang ng gamot sa sakit ng ulo at diarrhea. At syempre, mahalaga rin na magdala ng first aid kit sa pagbyahe.
- Kung magco-commute o sasakay ng public transportation, mahalagang aware ka kung nasaan ang mga emergency exit.
- Lagyan ng label ang inyong luggage. Isulat ang iyong pangalan at phone number.
- Ilagay sa carry-on luggage ang mga mahahalagang gamit. Ang mga gamit tulad ng pera at cellphone ay maaaring ilagay sa front pocket para maiwasan na madukot ito ng mga magnanakaw.
- Sa pag-alis ng bahay, tiyaking walang maiiwang nakasaksak na appliances. Patayin ang mga kandila at Christmas lights at siguraduhing pihitin pasara ang gas tank. Importante ito upang maiwasan ang sunog sa pag-alis niyo ng bahay.
Mommy and daddy, tandaan na sa pagta-travel ngayong holiday season, importanteng isaalang-alang ang kaligtasan ng pamilya. Mahalaga rin ang mga tips na ito upang maiwasan ang hassle at stress sa inyong holiday vacation.