Naalala mo ba ang kondisyon ng Ducheses of Cambridge na si Kate Middleton noong siya ay nagbubuntis? O kaya naman madalas ang pagsusuka kahit nasa 2nd trimester ka na? Alamin dito kung ano ang hyperemesis gravidarum at kung anong pinagkaiba nito sa karaniwang morning sickness.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang Hyperemesis gravidarum?
Ang hyperemesis gravidarum, na kilala bilang matinding morning sickness, ay isang kondisyon kung saan labis ang pagduduwal o pagsusuka ng isang babaeng nagdadalang-tao.
Ang ibig sabihin ng hyperemesis ay matinding pagsusuka at ang gravidarum naman ay pagbubuntis. Ganoon kasimple ang paliwanag sa sakit na ito.
Sa karaniwang pagbubuntis, ang morning sickness ay kadalasang nagtatapos pagsapit ng first trimester o ika-12 na linggo ng pagbubuntis. Pero sa kababaihang nakakaranas ng hyperemesis gravidarum maaaring tumagal ito ng 20 weeks at ang ilan pa nga ay nararanasan ito sa kanilang buong pregnancy journey.
Naaapektuhan ng kondisyong ito ang isa sa 100 buntis sa mundo. Ang mga nakararanas nito ay halos wala nang laman ang sikmura kapag sinusumpong. Kung minsan, hindi na nakakabangon sa higaan ang mga buntis na may hyperemesis gravidarum.
Sa mga pinakabihirang kaso, kayang magdulot ng panganib sa buhay ng isang ina at kanyang sanggol ang kondisyong ito. Nagdudulot ito ng matinding dehydration, panghihina at pananamlay sa isang buntis.
Kaya naman mas mainam na maging maalaman patungkol sa hyperemesis gravidarum.
Paano malalaman kung ikaw ay may hyperemesis gravidarum?
Karaniwan talagang nangyayari ang pagsusuka o pagduwal sa pagdadalang-tao ng isang babae. Subalit ang matinding morning sickness na ito (na hindi lamang tuwing umaga nangyayari) ay kayang pagduwalin ang isang babae ng halos 50 beses sa isang araw!
Ayon kay Dr. Rona Lapitan, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, malalaman mo kung ang iyong nararamdaman ay hyperemesis gravidarum sa iyong kakayahan ng iyong katawan na makatanggap ng pagkain. Ayon sa kaniya,
“Hyperemesis gravidarum is differentiated from your nausea and vomiting wherein there is already inability to take food, leading to dehydration.”
Ang regular na morning sickness ay nawawala sa ika-14 na linggo ng pagdadalantao. Ang hyperemesis gravidarum ay nagsisimula sa pagitan ng ika-apat hanggang ika-pitong linggo ng pagbubuntis at kadalasang nawawala sa ika-dalawampung linggo. Ngunit sa iba, nagtatagal ito sa buong pagdadalantao ng babae.
Sa normal na morning sickness, ang pagkahilo ay hindi laging nasusundan ng matinding pagsusuka at kadalasang nawawala naman sa ika-12 hanggang ika-14 linggo ng pagdadalantao.
Ngunit sa hyperemesis gravidarum, ang pagkahilo ay laging nasusundan ng matinding pagsusuka at maaaring mangyari sa buong pagdadalantao ng isang babae. Sa kasong ito, maaaring maging dehydrated ang isang ina at laging walang laman ang sikmura.
Ilan sa mga karaniwang senyales at sintomas ng hyperemesis gravidarum ay ang mga sumusunod:
- Pag-ayaw sa pagkain
- Pagbawas ng 5 porsiyento ng timbang bago ang pagdadalantao
- Madilim na kulay ng ihi
- Madalang na pag-ihi
- Senyales ng dehydration (tuyo ang mga labi at balat)
- Pagkahilo
- Matinding pagod at panghihina)
- Mababang blood pressure
- Mabilis na tibok ng puso o heart rate
Kapag ang matinding pagsusuka ay nangyari pagkatapos ng ika-12 na linggo at may kaakibat ng lagnat at pananakit ng katawan, maaaring may kinalaman na ito sa gastric, urinary tract infection (UTI), thyroid o diabetes.
Inilarawan ni Mommy Mina Dela Cruz ang kaniyang karanasan sa hyperemesis gravidarum sa kaniyang unang pagbubuntis. “Dalawang araw akong na-confine dahil I can’t keep water or food down. Umabot din ako sa once a day lang ako umiihi, kulay orange pa.” aniya.
Dagdag pa ng first-time mom, nahirapan rin siya dahil kaunting bagay lamang ay mati-trigger na ang kaniyang pagsusuka.
“No choice ako but magbed rest kasi ang daming triggers aside from smell – gaya ng maliwanag na ilaw, ingay, paggalaw ng kama, at maging pictures ng mga pagkain. I had to stop social media for a while dahil puro food ‘yong nakikita ko.”
Sanhi at mga risk factor ng hyperemesis gravidarum
Ang eksaktong sanhi ng kondisyong ito ay hindi pa rin tiyak ngunit maaaring may kinalaman dito ang pagtaas ng hormone level sa katawan ng isang buntis. Hindi kayang pigilan o agapan ang pagkakaroon ng hyperemesis gravidarum.
Ayon sa ilang mga mananaliksik hindi pa rin nila alam kung bakit nagkakaroon ng ganitong kundisyon ang mga babaeng buntis, pero ang alam nila ay ito ay dulot ng mabilis na pagtaas ng serum leveles ng hormones HCG at estrogen sa isang nagdadalang-tao. Dagdag pa rito, hindi naman ito umano namamana.
Natapos ang matinding pagsusuka ni Mommy Mina sa kaniyang ika-12 linggo. Subalit sabi sa kaniya ng kaniyang OB-GYN, malaki ang posibilidad na magkaroon pa siya uli nito sa kaniyang sunod na pagbubuntis.
Sinasabi lamang ng impormasyon na ito na hindi natin maiiwasan ang hyperemesis gravidarum.
Narito ang ilan sa mga factors na maaaring makapagdulot ng matinding morning sickness:
- Unang anak ang ipinagbubuntis
- Babae ang kasarian ng ipinagbubuntis
- Kambal o triplets ang ipinagbubuntis
- Nasa lahi ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon
- May history ng pagsusuka kapag gumagamit ng estrogen-based na hormonal contraceptives
- Madaling mahilo o magkaroon ng migraine
- Sobra sa timbang o overweight ang isang ina
Komplikasyon
Bibihira ang pagkakaroon ng mga komplikasyon bilang resulta ng pagkakaroon ng matinding morning sickness.
Ang pangunahing inaalala ay ang pagiging sobrang dehydrated ng isang ina dahil nababawasan din nito ang level ng amniotic fluid niya. Ito ay mapanganib sa kalusugan ng fetus dahil malaki ang papel na ginagampanan ng amniotic fluid sa paglaki ng fetus.
Nakakapagpataas din ng posibilidad ng pagkakaroon ng deep vein thrombosis o blood clot sa mga ugat ang dehydration at hindi madalas na pagkilos ng buntis. Ang pagsusuot ng mga compression stockings ay nakakatutulong upang maiwasan ito.
Nakakaapekto rin sa timbang ng baby ang sobrang pagbaba ng timbang ng isang ina habang siya ay nagbubuntis.
Maaaring magdulot din ng pinsala ang sobrang pagsusuka gaya ng pagputok ng ugat sa mata o pagkapunit ng lalamunan ng isang ina. Ang ganitong kondisyon ay nangangailangan ng mabilis na atensyong medikal.
Lunas
Importante ang pagiging maagap upang mapigilan ang paglala ng nararanasang matinding morning sickness. Ang paglunas ay maaaring makatulong upang mapaginhawa ang mga sintomas.
Payo ni Dr. Lapitan, kapag napansin mo na napapadalas ang iyong pagsusuka at halos lahat ng iyong kinakain ay inilalabas mo rin, kailangan mo nang kumonsulta sa iyong doktor.
Pahayag ni Dr. Lapitan,
“When you feel that you are not able to take food anymore, I think it would be best for you to seek the advice of your doctor because you might have to be admitted in the hospital and have the IV fluids to prevent dehydration.”
“You have to replace the electrolytes that was lost during the vomiting.”
Wala ng ibang choice kung hindi ang magpa-admit na sa ospital. Dito ay maaaring ipadaan ang gamot sa pamamagitan ng intravenous fluid (IV) drips upang mapalitan ang nawalang tubig, bitamina at mga minerals sa katawan.
Maaari ka ring bigyan ng tube feeding gaya ng:
- Nasogastric – feeding tube na idadaan sa ilong patungo sa loob ng tiyan.
- Percutaneous endoscopic gastronomy – feeding tube na ilalagay sa abdomen patungo sa loob ng tiyan.
Pahayag ni Mommy Mina, kahit naging mahirap ang kaniyang karanasan sa hyperemesis gravidarum, gugustuhin pa rin niyang mabuntis ulit dahil gusto pa nila ng isang anak.
Bagamat mas mahirap kaysa sa karaniwang morning sickness, maaari pa ring mapagtagumpayan ang sakit na ito sa tulong ng iyong OB-GGYN. Kapag may nararamdaman o napapansing kakaiba sa iyong pagbubuntis, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Treatment para sa hyperemesis gravidarum
Inilista namin ang ilang treatment para sa hyperemesis gravidarum na maaari ring makatulong kung nakakaranas nito habang nagbubuntis. Subalit tandaan na mas mainam pa rin ang payo ng inyong mga doktor patungkol rito. Ilang sa mga maaaring treatment para sa hyperemesis gravidarum ay ang mga sumusunod:
1. Kaunting serving sa pagkain, pero madalas na pagkain.
Kapag mayroon kang ganitong kundisyon, maaari mong isipin na iyong bituka o tiyan ay tila parang sa isang grade 2 student na tila sumasakit agad kapag nasobrahan o nabigla sa pagkain.
Kaya naman isa sa mga paraan para hindi ma-trigger ang iyong kundisyon ay kumain lamang ng maliliit na portion ng pagkain at uminom ng small amounts ng tubig.
Subalit tandaan na kahit smaller portion ang kinakain at iniinom dapat madalas ito. Sapagkat maaaring mauwi ito sa dehydration at lack of nutrients habang nagbubuntis.
2. Magkaroon ng sapat na tulog
Ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay makakatulong kapag mayroon kang kundisyon na hyperemesis gravidarum.
Ito’y makakatulong dahil kapag ikaw ay nagsusuka ay nagbabawas ka ng maraming energy sa iyong katawan. Kaya naman ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay makakatulog para sa ‘yo.
3. Inumin ang iyong nutritional supplements
Gawa nga ng kundisyong hyperemesis gravidarum ay madalas na pagsusuka o severe morning sickness, makakatulong ang pagiging mindful sa pag-inom ng inyong mga supplement na prescribed ng inyong doktor.
Sa ganitong paraan, matutulong kayo nito upang hindi masyadong lumala ang mga sintomas. Karamihan sa mga doktor ay nagpe-prescribed ng vitamin B6 o pyridoxine. Ang vitamin na ito ay makakatulong para ma-overcome ang nararansan na nausea.
May recommended na dosage lamang ang maaari mong inumin sapagkat kapag sumobra naman ay mada-damage nito ang iyong nerves o mga ugat sa katawan.
Kapag sa pagsusuka naman, makakatulong ang pag-inom ng vitamin B1 o Thiamine.
Kailan dapat pumunta sa ospital o doktor?
Pumunta kaagad sa ospital o magpatingin agad sa iyong doktor kung ikaw ay nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas. Ito ay ang mga sumusunod:
- Dehydration
- Pagkahilo
- Pananakit ng sikmura
- Nahihirapan uminom ng tubig na tumagal na ng 12 hours
- Pagbaba ng timbang (5 pounds o higit pa)
- Pagsuka ng dugo
Kung hindi naman nakakaranas ng mga ganito ipagpatuloy lang ang pagkain ng maliliit na portion ng pagkain at pag-inom ng maliliit na amount ng tubig pero dapat madalas. Kaunti pero madalas.
Kapag ikaw pa rin ay nangangamba huwag mag-atubuli na magpatingin sa iyong doktor upang makasigurado sa mga dapat gawin at mga treatment na nararapat para sa iyong kundisyon.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ A. Cruz
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.