Ano ang nipple thrush at paano mo ito maiiwasan?

Kung ang iyong utong ay namamaga, nagsusugat at masakit tuwing nagpapasuso, maaaring ikaw ay may impeksyon sa utong na tinatawag na Nipple Thrush. Alamin ang tungkol sa kondisyon na ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang pagpapasuso ay nagdudulot ng benepisyo para sa ina at sa sanggol. Ngunit katulad ng mga bagay na may kinalaman sa sanggol, ito ay may “highs” and “lows” din.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Impeksyon sa utong: Ano ang nipple thrush?
  • Mga palatandaan at sintomas ng breast at nipple thrush
  • Paano nagkakaroon ng nipple thrush ang isang breastfeeding mommy?
  • Prevention tips para sa breast and nipple thrush

Maraming nasusulat patungkol sa mabubuting dulot ng pagpapasuso kaya naman pagtuunan naman natin ng pansin ang isang hindi masyadong karaniwan at masakit na isyu na kinakaharap ng mga nagpapasusong ina—ang impeksyon sa utong na kung tawagin ay nipple thrush. Paano nga ba mawala ang namuong gatas ng ina?

Impeksyon sa utong: Ano ang nipple thrush?

Kung ikaw ay nakakaramdam ng pananakit ng mga utong habang nagpapasuso o kung ang iyong utong ay makati, makintab at mapula, maaaring ikaw ay may impeksyon sa utong na tinatawag na nipple thrush.

Ang nipple thrush ay isang uri ng impeksyon sa utong na dulot ng isang fungus na tinatawag na candida albicus. Ito ay nagdudulot ng pananakit ng mga utong sa nagpapasusong nanay.

Ayon sa mga eksperto, ang fungus na ito ay kadalasang tumutubo sa mga maiinit, madidilim at mamasa-masang lugar sa ating katawan tulad ng mucus membranes ng ating bibig at vagina, diaper area ng sanggol, bra pads at ang laging basang utong.

Kapag lumaganap ang fungus na ito at tumubo sa iyong utong, ang resulta nito ay nipple thrush.

Paano mawala ang namuong gatas | Image from Freepik

 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mga palatandaan at sintomas ng breast at nipple thrush

Kung nakakaramdam ng pananakit ng mga utong, suriin ang iyong suso para sa mga sumusunod na sintomas ng nipple thrush:

  • Makati o mahapding utong na may pagbabago ng kulay; makintab, nagtutuklap o may mga pantal na mayroong maliliit na paltos
  • Makirot ang suso habang o pagkatapos magpasuso
  • Matinding sakit sa utong o buong suso na hindi bumubuti kahit na maayos ang latch-on at pagpoposisyon
  • Nagsusugat o masyadong sensitibo ang mga utong o buong areola

Maaari ka ring magsuspetsa na candida ang sanhi ng pananakit ng mga utong kung:

  • Ang iyong baby ay may oral thrush o may yeast-related diaper rash
  • Ang iyong mga utong ay bigla na lang sumakit pagkatapos ng mahabang panahon ng hindi masakit na pagpapasuso
  • Ikaw ay kasalukuyang naggagamot ng antibiotics o katatapos lamang maggamot nito

Paano nagkakaroon ng nipple thrush ang isang breastfeeding mommy?

Kung ikaw ay nagpapasuso at ang iyong baby ay may oral thrush o yeast infection sa bibig, malaki ang tiyansa na magkaroon kayo ng parehong fungus na sanhi ng pagkakaroon mo ng nipple thrush ayon sa National Health Service sa United Kingdom (NHS).

Sa katunayan, ang breastfeeding ay gumagawa ng perpektong kapaligiran para sa candida albicus dahil ito ay tumutubo sa maiinit, madidilim, mamasa-masa at matatamis na lugar gaya ng bibig ng iyong baby kapag siya ay sumususo. Ikaw ay may mataas na tiyansa ng pagkakaroon ng breast at nipple thrush kung:

  • Ikaw o ang iyong baby ay katatapos lamang maggamot ng antibiotics. Ayon sa mga eksperto, ang antibiotics ay nakakabawas sa dami ng mga bacteria na kadalasang pumipigil sa candida fungus.
  • Nagkaroon ka ng vaginal thrush habang nagdadalantao. Ang mataas na level ng estrogen at progesterone ng isang nagdadalantao ay nagpapalakas sa pagkalat ng yeast habang nagbabago ang pH levels ng vagina. Ayon sa mga eksperto, maaaring magkaroon ng oral thrush ang iyong ipinagbubuntis kung hindi ito nalunasan at ikaw ay nanganak ng normal. Ang impeksyon ay maipapasa sa iyo sa pamamagitan ng breastfeeding.
  • Ang iyong mga utong ay nagsusugat o napinsala. Kung may oral thrush ang iyong baby, madaling maipapasa ang impeksyon sa utong sa pamamagitan ng pagdaan ng fungus sa mga sugat.
  • Gumagamit ka ng oral contraceptives o steroids. Ayon sa Baumslag and Michels (1992), ang mga inang gumagamit ng oral contraceptives na naglalaman ng estrogen ay mas may tiyansa na makaranas ng yeast infection. Iniulat ng ilang propesyunal sa medisina gaya ni Ruth Lawrence ng Breastfeeding: A Guide for the Medical Profession ang koneksyon sa pagitan ng pangmatagalang paggamit ng steroids (gaya ng mga ginagamit para sa sakit na asthma o malulubhang allergies) at yeast infection.

BASAHIN:

Paano maiiwasang mabulunan si baby habang umiinom ng gatas?

For the breastfeeding mom: 7 best nursing pillows in the Philippines

Formula feeding: Isang gabay kung gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby habang siya’y lumalaki

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Paano mawala ang namuong gatas | Image from Freepik

Nipple thrush treatment para sa impeksyon sa utong

Kung ikaw ay may nipple thrush, normal lamang na payuhan ka ng iyong doktor na ipagpatuloy ang pagpapasuso habang gumagamit ka ng anti-fungal cream bilang nipple thrush treatment para sa impeksyon sa utong, ayon sa NHS.

Ang mga eksperto naman sa paggagatas na La Leche League International (LLLI) ay nagsabing ang paggamot sa impeksyon sa utong ay maaaring ibigay ng 4 na beses sa isang araw o tuwing pagkatapos ng sesyon ng pagpapasuso. Ipinapayo rin ang tuluy-tuloy na nipple thrush treatment sa loob ng 2 linggo pagkatapos mawala ang mga sintomas ng impeksyon. Laging isaisip na ang mga sintomas ay maaaring lumala ng ilang araw pagkatapos simulan ang nipple thrush treatment ngunit unti-unti namang giginhawa ang iyong pakiramdam sa kalaunan.

Prevention tips para sa breast and nipple thrush

Hindi ito madaling maalis at siguradong hindi ka rin mapapalagay sa oras na ikaw ay dapuan ng breast at nipple thrush. Dahil dito, makabubuting malaman mo ang ilang mahahalagang impormasyon kung paano mo maiiwasan ang pagkakaroon nito.

Narito ang ilang tips mula sa LLLI at Dr. Sears upang mapigilan ang pagkakaroon ng impeksyon sa utong:

1. Pananakit ng mga utong

Upang makaya ang kirot, maglaan ng maiiksi ngunit madalas na pagpapasuso kay baby simula sa panig ng iyong suso na hindi masyadong masakit. Oo, ang pagpapasuso kay baby sa ganitong kondisyon ay lubhang masakit ngunit importanteng regular na maubos ang gatas sa iyong mga suso upang mapigilan ang pagkakaroon ng mastitis.

2. Paggamit ng pacifier

Kung gumagamit ng pacifier o bottle nipple ang iyong baby, pakuluan ito ng 20 minuto sa isang araw at palitan ito kada linggo.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

3. Paggamit ng breast pad

Iwasan ang mga breast pad na may plastic na maaaring sumilo o mag-trap ng tumagas na gatas at moisture. Laging palitan ang iyong breast pads kada pagpapasuso.

4. Paggamit ng breast pump

Kung ikaw ay nagpa-pump, pakuluan ng maigi ang lahat ng parte ng breast pump na nasayaran ng gatas.

5. Huwag i-freeze ang breastmilk

Huwag i-freeze ang breastmilk na iyong na-pump sa panahon na ikaw ay nagkaroon ng impeksyon sa utong. Ang pagpapalamig ng breastmilk ay hindi nakakapatay sa mga yeast nito.

Paano mawala ang namuong gatas | Image from Freepik

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

6. Linisin ang mga laruan

Lahat ng laruan na isinusubo ng iyong anak ay dapat hugasang maigi ng mainit at masabon na tubig.

7. Pagkain ng yoghurt

Ang pagkain ng yoghurt na may lamang live active cultures o ang pag-inom ng oral acidophilus ay nakatutulong upang mapigilan ang pagdami ng yeast.

8. Paglalaba ng damit

Labhan lahat ng iyong mga damit na nadidikit sa iyong utong sa mainit na tubig. Patuyuin ang mga ito sa matinding sikat ng araw. Ayaw na ayaw ng mga yeast organism sa sikat ng araw kaya puwede mo ring ilantad sa araw ang iyong suso ng mga ilang minuto, maraming beses sa isang araw.

Makatutulong sa iyong utong ang pagbanlaw gamit ang solution ng pinaghalong suka at tubig (1 kutsarang suka sa 1 tasa ng tubig). Gumamit ng malinis na bulak sa bawat aplikasyon at gumawa ng bagong solution araw-araw. Tandaan na dapat patuyuin ang mga utong pagkatapos itong lagyan ng solution.

9. Pagbawas ng sugar intake

Ang pagbabawas sa iyong pagkonsumo ng mga pagkaing may yeast at asukal sa panahon ng pagkakaroon ng impeksyon sa utong ay malaking tulong.

Kung sa iyong palagay ay may nipple thrush ka, komunsulta agad sa iyong doktor. Kaya niyang tayahin ang iyong sitwasyon at magdesisyon sa pinakamabisang uri ng paggamot dito. Sumunod sa mga ipapayo ng doktor at sundin ang tamang paggamot ayon sa kanyang inireseta upang tuluyang mawala ang impeksyon sa utong.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

 

If you want to read the english version of this article, click here.

 

Sources:

Baumslag, N., Michels, D, A Woman’s Guide to Yeast Infections. New York: Pocket Books, 1992.

Lawrence, R. Breastfeeding: A Guide for the Medical Profession, 4th edition. St. Louis: C.V. Mosby Company, 1994.

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Mach Marciano