Maraming nagsasabi na normal lang sa mag-asawa kapag nawala ang init ng pagsasama. Bagama’t totoo nga ito, hindi naman nito ibig sabihin na dapat na lang itong pabayaan.
Importanteng maglaan ng oras ang mga mag-asawa para sa isa’t-isa, at hindi na lang basta hayaang lumamig ang kanilang samahan. Kaya’t heto ang 7 paraan upang mapanatili ang init sa buhay mag-asawa.
7 paraan para hindi mawala ang init ng pagsasama
1. Maglaan ng oras para sa sarili
Siguro nakapagtatakang isipin kung bakit kailangan maglaan ng oras para sa sarili para maging mas mainit ang pagsasama. Ngunit ito ay para makapagfocus kayong mag-asawa sa mga personal ninyong gawain.
May kasabihan na “absence makes the heart grow fonder” at kapag naglaan kayo ng oras para sa inyong mga sarili, mas mamimiss ninyo ang isa’t-isa.
2. Mahalaga ang quality time
Pagdating sa relasyon ng mag-asawa, mas mahalaga ang quality ng inyong pinagsamahan, kaysa sa dami nito.
Ibig sabihin, hindi dapat balewalain ang mga pagkakataon na magkasama kayong dalawa. Palagi itong gawing quality time, at huwag sayangin ang oras sa paggawa ng kung anu-anong mga gawain.
Mahalagang kapag magkasama kayo ng iyong asawa ay magfocus kayo sa isa’t-isa.
3. Tanggapin na mahirap talaga paminsan
Mayroon talagang mga pagkakataon na mahihirapan kayong makahanap ng oras para magsex. Tulad ng kapag nag-aalaga kayo ng inyong anak, busy sa trabaho, o kaya kapag may nagkasakit.
Sa mga ganitong pagkakataon, mahalagang tanggapin na nangyayari talaga ito. Nakakatulong ito upang makaiwas sa frustration at sa galit sa isa’t-isa kapag matagal na kayong hindi nakakapagsex ng iyong asawa.
4. Huwag gawing stressful ang sex
Mahalaga rin na hindi gawing sanhi ng stress ang pakikipagsex. Wag ninyong piliting gawin ito kung talagang hindi kaya, o kaya kapag parehas kayong wala sa mood.
Masarap ang pakikipagsex, at hindi ito dapat maging isang “chore” o gawain na napipilitan lamang kayong gawin.
5. Matutong magpatawad
May mga pagkakataon na magkakaroon kayo ng tampuhan. Kunwari, nakalimutan ng iyong asawa na may date night pala kayo, o kaya ay nakatulugan ka niya at plano ninyong magsex.
Walang taong perpekto, at mahalagang matutunan ninyong patawarin ang isa’t-isa kung nais ninyong manatili ang init ng inyong pagsasama.
6. Maglaan ng oras para sa sex
Siyempre, hindi rin dapat balewalain ang sex. Mahalagang makapaglaan kayo ng oras para dito, at gawin ang inyong makakaya upang regular na makapagsex.
Malaki ang naitutulong nito sa inyong intimacy, at nakakabuti ito para hindi mawala ang romance ng inyong pagsasama.
7. Gawing exciting ang sex life
Mahalaga rin na gawing mas exciting ang sex life. Sumubok ng iba’t-ibang mga positions, at kung anu-ano pa para hindi maging boring ang sex.
Kung nais ninyo, puwede rin kayong sumubok ng mga sex toys at kung anu-ano pa. Ang mahalaga ay masaya kayong dalawa, at palagi kayong sumusubok ng mga bagong bagay sa inyong pagsasama.
Source: Vogue
Basahin: Moms, have you ever heard about the “seven-year itch?”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!