Mister pinili na mag-attend sa "business trip" kaysa samahan ang misis sa panganganak

Malaki ang naitutulong ng presence ng mister sa panganganak ng misis niya. Pero ang amang ito tila hindi maintindihan ang point kung bakit gusto ng misis niya na makasama siya sa panganganak ng panganay nila.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Inuna ang trabaho kaysa pamilya, mister pinili ang trabaho kaysa samahan ang manganganak na misis niya.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Hinaing ng isang netizen tungkol sa mister niyang mas inuna ang trabaho kaysa pamilya nila at panganganak niya.
  • Paano nakakatulong ang mga mister sa panganganak ni misis.

Mister inuna ang trabaho kaysa pamilya

Larawan mula sa Pexels

Ang pagsilang ng ating anak ay isang life event na walang magulang siguro ang nais na hindi masaksihan. Ito ay isang moment na mananatili at mahalagang bahagi ng ating buhay. Lalong lalo na kung ang batang ipapanganak ay ang ating panganay.

Sa mga nanay, nais natin na ang tagpong ito ay mangyari na kasama ang ating mister. Hindi lang dahil nais natin silang makasama habang ipinapanganak ang ating sanggol. Kung hindi dahil kailangan natin ang kanilang suporta at pagkukunan ng lakas habang iniinda ang sakit ng panganganak.

Kaya naman nakakasama ng loob at kakaiba na rin kung maituturing ang naging choice ng isang first time dad. Dahil imbis na samahan ang misis niya sa panganganak sa panganay nila ay mas pinili nitong sumama sa isang business trip.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mister aalis papunta sa isang business trip isang araw bago ang scheduled CS ng misis niya

Sa Reddit ay ibinahagi ng isang mom-to-be ang nakakalungkot niyang karanasan na ito. Ito ang kaniyang naging post.

“Ang mister ko, 33-anyos at ako, 26-anyos ay inaasahan ang pagdating ng aming first baby. Scheduled C-section ang magiging panganganak ko pero sabi ng mister ko ay hindi niya ako masasamahan. Dahil sa kinailangan niyang umalis papunta sa isang business trip, gabi bago ang araw ng nakatakda kong panganganak.”

“Sabi ng mister ko ay hindi siya puwedeng hindi sumama sa trip na iyon dahil maraming business trips na siyang hindi napuntahan ng mga nakaraang anim na buwan. Kung hindi siya sasama ngayon ay baka mawalan na siya ng trabaho.” “Nakiusap ako sa kaniya na baka puwede niyang ipaliwanag sa boss niya na mayroon siyang valid reason. Ito nga ay ang magiging panganganak ko na ayon sa mister ko ay wala namang pakialam ang boss niya at hindi nito pakikinggan.”

Excuse ni mister matatanggal umano siya sa trabaho kapag hindi siya sumama sa business trip nila

“Ang problema ay ito ang first time kong manganak. Kaya naman gusto ko sana tulad ng sinong babae ay makasama ang mister ko at suportahan ako.”

Ang excuse niya pa ay may kasama naman daw akong medical team sa panganganak. Hindi rin naman daw ako manganganak ng natural birth at bibigyan ng anesthesia.

Suggestion niya pa, isama ko nalang daw ang nanay niya o nanay ko. Pero ako bilang kaniyang asawa ay gusto sanang siya ang unang tao na mag-welcome sa pagdating ng una naming anak. Kahit na hindi ko siya makasama sa kwarto habang nanganganak.

Sabi niya pa, kung mag-stay man siya wala naman daw siyang magagawa doon. Dahil may mga doktor at nurses naman daw na mag-aalaga sa akin.

Kaya naman mas mabuting sumama siya sa business trip para makapag-uwi ng pera pang-suporta sa amin ng magiging anak niya.”

Pero ang pilit na inirarason ng mommy netizen ay kailangan niya ang emotional support nito na hindi kayang ibigay ng kahit sinong professional caregiver.

Misis tinawag pang selfish ng mister niya

Family photo created by senivpetro – www.freepik.com 

Ang isyu na ito ay naging rason ng pag-aaway ng mag-asawa. Ito ang dagdag na kuwento pa ng netizen na malapit ng maging isang ganap na ina.

“Sa tuwing inuungkat ko ang tungkol sa panganganak ko ay nagagalit ang asawa ko. Itong umaga nga lang ay nagkasagutan kami at tinawag niya akong selfish.

Pinagmumukha ko rin daw siyang masamang asawa at ama sa magiging anak namin. Inaakusahan ko daw siya ng pinapabayaan kami ng aking anak kahit ginagawa niya ang lahat para masuportahan kami.

Nagalit ako sa mga sinabi niya. Sabi ko ay hindi niya naiisip ang nararamdaman ko at pinararamdam sa’kin na parang hindi valid ang mga ito.

Sagot niya ay pagod na siya sa pakikipagtalo sa’kin. Kaya naman kinuha niya ang phone niya at susi para umalis.

“Bago pa siya umalis sabi niya sakin wala naman daw dapat akong ipag-alala. Hindi naman daw ako mamatay na para sa’kin ay hindi katanggap-tanggap dahil first time kong manganganak.

Tapos tinext niya ako at humingi ng tawad. Pero sabi niya pa ay pine-pressure ko siya kahit alam ko naman ang maaring mangyari o epekto nito sa trabaho niya.”

Kuwento pa ng misis ang hindi niya matanggap maraming beses ng hindi nakasama sa mga work trips ang mister niya. Ang mga dahilan ay dahil sa kasal ng kaibigan niya, welcoming party ng kapatid nito o may trip sila ng pinsan niya.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“Kung kaya niyang hindi sumama ng mga work trips dahil sa mga reasons na iyon, bakit para sa pagsilang ng anak naming ay hindi niya magawa?”

Ito ang tanong ng misis sa mga netizens sa kinikilos ng asawa na gumugulo sa kaniya.

BASAHIN:

5 bagay na hindi dapat ikagalit tungkol kay mister

“Walang kusa, puro cellphone.” Mga bagay na kinaiinisan ni misis kay mister

5 rason kung bakit hindi nagkakasundo si mister at ang tatay mo

Something’s fishy para sa mga netizens

Ayon sa mga netizens na nakabasa ng kuwento ng naturang ina, malinaw na may problema sa pagsasama nila ng kaniyang mister. O kaya naman ay mayroong ibang pinapahalagahan ang mister niya.

Sabi ng isang netizen, “Deal breaker ito para sa akin. Kung napa-schedule mo ahead of time ang panganganak mo, marami siyang oras para makapag-adjust. Kung sakali mang, normal vaginal delivery ito ay dapat asahan na ito ng boss niyang mangyayari anumang oras.”

“Saka hindi mo lang siya kailangan sa mismong panganganak. Kailangan mo siya sa lahat ng bagay kaugnay noon. Tulad ng pagpunta sa ospital, pagpe-prepare, pagtapos manganak saka sa mga unang araw ng baby ninyo matapos maipanganak.”

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sabi naman ng isa pang netizen, “Mukhang may ibang dahilan o nangyayari dito. Bakit mas pina-prioritize niya ang trabaho ngayon?”

Habang ayon naman sa ibang netizen, alam naman in advance ng mister na manganganak ang misis niya. Kaya naman dapat ay nakagawa na siya ng paraan para masamahan niya ito.

Hirit ng isang netizen, “Major surgery ang panganganak. Dapat nandoon siya at marami siyang oras para manindigan sa sarili niya o kung sakali man ay maghanap ng ibang trabaho.”

“Ang mga ganitong scenario ay nagpapakita ng perspective ng isang tao. Dahil hindi lang naman ito sa kung nandoon ba siya o wala sa panganganak ng first baby niya. Ito ay nagpapakita sa kung paano siya magiging ama.”

Bakit mahalagang makasama ng manganganak na misis si mister?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Image Source: Pexels

Ang panganganak ay isang napakasakit na proseso. Kaya naman ang isang babae ay kinakailangan ng lahat ng emotional o physical support na makukuha niya.

Ito dapat ay hinaharap ng mag-asawa na magkasama. At ang mister ay mahalagang maging active na bahagi nito kahit na ito ay katumbas ng ilang araw niyang hindi pagpasok sa trabaho.

Ito ang dahilan kung bakit sa ngayon ay ini-offer na ng mga kumpanya ang paternity leave. Ito ay sa kaiba o sa kabila ng maternity leave na ibinibigay naman sa mga ina.

Ang ideya nito ay dapat suportahan ng mister ang kaniyang asawa. Ito ay ginagawa hindi lang upang patatagin ang kanilang relasyon. Kung hindi para na rin bumuo ng matibay na bonding sa kaniyang anak sa unang mga araw palang ng buhay nito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

6 paraan kung paano makakatulong ang mister sa panganganak ni misis

Ngunit paano nga ba makakatulong si mister sa panganganak nating mga misis? Ito ang mga paraan na maari niyang gawin.

1. Magkaroon ng plano sa panganganak mo.

Habang nagle-labor si mister ang in-charge sa lahat. Kaya naman makakatulong na magkaroon ka ng plano para hindi siya mahirapan.

Ipaalam sa kaniya ang iyong plano tulad nalang sa kung saan kukunin ang bag na naglalaman ng mga gamit ninyo ni baby bago kayo magpunta ng ospital. At ang iba pang hakbang na kailangan niyang sundin at gawin para sa panganganak mo.

2. Sabihan si mister na ihanda ang iyong hospital bag.

Para mas maging madali sa kaniya ay maaaring siya ang pakiusapan mong mag-pack ng hospital bag na inyong dadalhin. Dapat ito ay nakahanda na habang papalapit ang due date ng iyong panganganak.

Para kung sakaling biglang pumutok ang iyong panubigan ay madali nalang kukunin ni mister ang bag at makakatakbo agad kayo sa ospital.

3. I-track ang iyong contractions at ipaalam ito kay mister.

Ang contractions na iyong nararanasan ay pangunahing palatandaan ng iyong panganganak. Ipaalam kay mister ang tungkol dito. Gawin siyang bahagi ng pagta-track nito para aware siya sa mga nangyayari at maaring mangyari sayo.

Para mas maintindihan niya ito ay mag-signup sa isang birthing class kasama siya. Dapat din ay ipaalam sa kaniya ang mga signs ng false at totoong labor na. Para siya mismo ay handa o alam ang gagawin sa oras na time na ni baby na maipanganak.

4. Maging ready sa paperwork.

Pagdating sa ospital ay maraming papeles na dapat asikasuhin na hindi na kakayanin ng isang misis na nagle-labor. Ganoon din kapag nakapanganak ka na.

May mga forms na dapat asikasuhin tulad ng birth certificate ni baby na maaaring si mister na ang mag-asikaso habang nagpapahinga ka matapos ang panganganak.

5. Makakatulong si mister na ma-distract ka sa sakit ng pagle-labor.

Hindi biro ang sakit na dulot ng pagle-labor at si mister ay may mahalagang papel para kahit paano may maibsan ito. Maaari siyang mag-offer sa ‘yo ng distractions.

Tulad ng pagbibiro o kaya naman ay ang pagpapalakas ng loob mo na kakayanin at malalampasan mo ng ligtas ang magiging panganganak mo.

6. Si mister ay dapat magbigay ng constant support sa ‘yo.

Ang responsibilidad ni mister ay hindi natatapos matapos ang panganganak mo o kaya naman ay sa pagbabayad ng hospital bills ninyo.

Kailangan ka rin niyang alagaan at si baby matapos ang panganganak. Siya rin dapat ang punong abala muna sa mga bisitang nais kayong makita ni baby.

At dapat niya rin masiguro na makakakuha ka ng sapat na pahinga. Lalong-lalo na sa mga gabi na mas kinakailangan mo ng kahati sa pag-aalaga ng inyong anak.

Ang artikulong ito ay orihinal na nailathala sa wikang Ingles sa the Asianparent Singapore at isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.