Nahihirapan bang magdede sa iyo si baby? Basahin ang kwento ni Mommy Kneeza at kung paano niya napagtagumpayan ang pagpapadede sa kaniyang anak sa kabila ng pagkakaroon ng inverted nipples.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga hamon ng pagpapadede ng babaeng may inverted nipples
- Mga tips para lumabas ang utong habang nagpapadede
Marami ang nagtatanong kung posible bang magpapadede ang isang babaeng may inverted nipple. Ang sagot po ay OO, ito po ay posible dahil isa po akong ina na may inverted nipples.
Isang buwan pa lang akong buntis noon, plano ko na talaga ang magpasuso sa aking anak. Ang pagkakaroon ko ng inverted nipples ay hindi naman naging hadlang para hindi ko ipagpatuloy ang pagpapasuso saaking anak.
Hayaan niyo akong ibahagi ko sainyo ang aking kwento at kung paano ko ito nalagpasan.
Suliranin ng isang inang may inverted nipples
Mahirap at hindi madali ang magpadede sa umpisa. Wala akong ideya kung paano ko ipasuso ang aking anak lalo na at ako ay may inverted nipples.
Inakala ko rin na wala akong gatas at walang nakukuha ang aking anak. Sa tuwing pinapasuso ko siya, nakakaramdam ako ng matinding sakit. Dumating ako sa punto na gusto ko nang ihinto ang pagpapasuso sa sobrang hirap, at naaawa na rin ako sa anak ko na nahihirapan sa pagkuha ng gatas sa akin.
Nalaman ko lang na inverted pala ang aking mga utong nang naipanganak ko na si Blue. Napansin ko na hindi lumalabas ang aking utong at kailangan ko itong pihitin palabas para lang masuso ni baby.
Dahil ako ay isang bagong ina, kailangan kong matutunan at malaman ang tungkol sa pagpapasuso. Kaya’t nagsaliksik ako tungkol sa baligtad na utong o inverted nipples at doon ko nakumpirma na mayroon nga ako nito.
Inalam ko rin kung anu-ano ang mga dapat gawin upang mapasuso ko nang maayos ang aking sanggol.
Larawan mula sa author
5 breastfeeding tips para sa mga nanay na may inverted nipples
Ito ang mga paraan na aking sinubukan at nakatulong sa akin para mapasuso ko nang maayos ang aking anak:
1. Gumamit ng breast pump
Maaari mong gamitin ang suction mula sa breast pump upang matulungang lumabas o maging erect ang flat o inverted nipples. Nakakatulong ito dahil ang paghigop sa breast pump ay mas malakas kaysa sa isang sanggol.
2. Subukang mag-hand express
Minsan, kung ang iyong dibdib ay napuno ng gatas, mas mahihirapan ang sanggol na dumede rito, lalo na kung ikaw ay mayroong inverted o flat nipples. Ang pagha-hand express ng kaunting gatas ay maaaring makatulong upang mas madaling makadede sa’yo ang ang iyong sanggol.
3. Paghila ng nipples
Ang paghugot sa likod ng iyong tisyu sa dibdib ay maaaring makatulong kapag nagpapasuso sa mga flat nipples o inverted nipples.
Kahit na ang utong o nipples ay hindi ganap na nakausli, ang paghila pabalik sa tisyu ng dibdib ay maaaring makatulong na mapadali ang pagsuso ng iyong sanggol. Gawin mo ito sa pamamagitan ng paghawak sa tisyu ng suso sa likod ng areola at dahan-dahang paghila pabalik sa iyong dibdib.
BASAHIN:
STUDY: May epekto ang breast milk sa talino ng bata
Breastfeeding: Common problems at solusyon para rito
6 na rason kung bakit hindi muna dapat bigyan ng feeding bottle ang newborn
Larawan mula sa author
4. Paghawak sa iyong dibdib habang nagpapadede
Ang paghawak sa iyong dibdib habang nagpapasuso ay maaari mo ring subukan upang maging mas madali para sa iyong sanggol na maka-pwesto ng maayos at makasuso nang hindi natatanggal ang iyong dede sa kaniyang bibig.
Mayroong dalawang paraan na pwede mong subukan:
-
Pag hawak ng pa-C sa dibdib ( C Hold )
Sa ganitong paraan, nagagawa mong kontrolin ang paggalaw ng iyong dibdib upang madali mong gabayan ang iyong utong patungo sa bibig ng iyong sanggol.
Nakakatulong din ito na patagin ang iyong dibdib para sa isang mas mahusay na akma sa bibig ng iyong sanggol.
-
Pag hawak ng pa-V sa dibdib ( V Hold )
Ginagamit ang V-hold sa pamamagitan ng iyong hintuturo at gitnang daliri upang lumikha ng mala-gunting na hugis sa paligid ng iyong areola at utong.
5. Humingi ng payo sa mga eksperto
Kung nagkakaproblema ka o nakakaranas ng sakit habang nagpapasuso, kausapin ang iyong doktor o humingi ng tulong mula sa isang breastfeeding counselor.
Nakatulong ang mga paraang nabanggit sa akin at sa aking anak. Hanggang ngayon ay dumedede pa rin siya, at masasabi kong habang tumatagal, napapadali na ang pagpapadede kay baby.
Mahabang adjustment at pagtitiis para sa mga nanay na may inverted nipples, pero worth it naman ito kapag nakikita mong nakakadede nang maayos ang iyong anak.
Tandaan, walang katumbas ang gatas ng isang ina.
Larawan mula sa author
Posible ang pagpapasuso nang may inverted nipples, kahit na maaaring maging mahirap ito para sa ilang mga kababaihan. Maaari mong subukan ang mga paraan sa itaas at ibang devices upang umusli ang iyong utong o makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa ibang options.
Mayroon ring mga babaeng may inverted nipples na walang naging isyu sa pagpasuso. Kung mayroon kang mga problema sa pagpapasuso, isaalang-alang ang pakikipag-usap sa isang breastfeeding counselor na maaaring magbigay ng mas masusing paliwanag at payo para mapagtagumpayan niyo ito.
Tungkol sa May-akda
Si Kneeza Mosqueda ay isang single mom na nakatira sa General Santos City. Kapag hindi siya busy sa pag-aalaga kay Baby Blue, kinawiwilihan niya ang pagbabasa ng mga articles sa theAsianParent at gumawa ng mga content tungkol sa kaniyang karanasan sa pagiging ina.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!