Kung kailangan mo pa ng mas maraming dahilan para mag-breastfeed. Basahin rito ang mga benepisyo ng breast milk sa baby ayon sa mga pag-aaral.
Mababasa sa artikulong ito:
- Breast milk, may epekto sa talino ng bata, ayon sa pag-aaral
- Komposisyon ng gatas ng ina
- Mga benepisyo ng breast milk sa baby
“Breast milk is best for babies up to two years of age.” ‘Yan ang sikat na katagang sinasabi sa mga patalastas at nakalagay maging sa mga lata ng gatas. Naniniwala naman ang mga nanay sa kasabihang ito kaya naman sinisikap natin na padedehin ang ating baby hangga’t kaya.
Habang tumatagal, lalong dumadami ang mga pag-aaral na nagpapakita ng mga benepisyo ng breast milk sa bata. Pero kung kailangan mo pa ng mas maraming dahilan para padedehin ang iyong anak, matutuwa ka sa sunod mong mababasa:
Napatunayan sa isang bagong pag-aaral na ang breast milk ay may epekto rin sa talino ng isang bata.
Benepisyo ng breast milk sa brain development ng baby
Bagong pag-aaral na may kinalaman sa breastfeeding
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa Del Monte Institute for Neuroscience sa University of Rochester Medical Center (URMC), may kaugnayan ang talino ng isang bata sa kung nagbreastfeed ba siya noon o hindi.
Sa isinagawang pag-aaral sa mahigit na 9,000 bata, nakita na may positibong epekto ang breast milk sa resulta ng kanilang neurocognitive tests.
Napag-alaman na ang mga batang nagdede noong mga sanggol pa sila ay nakakuha ng mas mataas na marka sa mga test kumpara sa mga batang hindi dumede sa kanilang ina.
“Our findings suggest that any amount of breastfeeding has a positive cognitive impact, even after just a few months,” ayon kay Daniel Adan Lopez, Ph.D., na siyang nanguna sa nasabing pag-aaral.
Napag-alaman din na may kinalaman ang tagal ng pag-breastfeed ng bata sa kaniyang talino. Sa isinagawang pag-aaral, ang mga batang nagdede nang mas matagal sa kanilang ina ay nakakuha ng mas matataas na marka sa pagsusulit.
Isa itong patunay na mayroon talagang benepisyo ang breast milk sa isip o brain development ng isang bata.
Larawan mula sa Freepik
Pag-aaral tungkol sa brain development ng mga premature babies
Nakita rin ang benepisyo ng breast milk sa brain development ng mga baby sa isang pag-aaral na isinagawa sa Children’s National hospital sa Washington, DC noong 2019.
Ayon sa pag-aaral na naka-focus sa mga premature babies o mga sanggol na isinilang sa kanilang ika 23 hanggang 32 weeks. Ang breast milk ay nakakadagdag sa dami ng biochemicals na isang palatandaan ng magandang brain development sa mga baby.
Gamit ang isang makabago at non-invasive na imaging technique. Nasilip ng mga researcher ang loob ng utak ng mga sanggol at nakitang mas maraming biochemicals sa utak ng mga sanggol na nakakatanggap ng breastmillk.
Kumpara sa mga sanggol na umiinom ng formula. Ang mga biochemicals na ito ay may kinalaman sa brain development ng mga bata, gaya ng choline; na karaniwang inuugnay sa pagkakaroon ng mas matalas na memorya at pag-iintindi.
Ipinapakita nito ng nakakatulong ang pagpapadede sa brain development maging ng mga high-risk infants na ito.
BASAHIN:
STUDY: Breast milk of vaccinated lactating mothers contains protective COVID-19 antibodies
Mga pagkain na nakakatulong sa brain development ni baby
STUDY: Stress sa pagbubuntis, maaaring may epekto sa brain development ni baby
Anong mayroon sa breast milk?
Ang gatas ng ina ay tinatawag ring “liquid gold” dahil sa napakayaman nito sa mga nutrients na nakakatulong sa mga bata.
Pero ano nga ba ang nilalaman ng breast milk? Sapagkat to ang unang pagkain ni baby, naglalaman ito ng mga nutrients gaya ng carbohydrates at fat, maging tubig na importante sa ating katawan.
Ayon sa website ng Medela, narito pa ang ibang nilalaman ng breast milk at mga benepisyo nito sa katawan ng baby:
- Milyon-milyong live cells gaya ng white blood cells at stem cells na tumutulong sa mga paggaling ng mga organs.
- Mahigit sa 1,000 proteins na tumutulong para sa paglaki ni baby, gumana ang kaniyang immune system at maprotektahan ang mga neurons sa kaniyang utak.
- Mahigit sa 20 amino acids. Ang ilan rito ay tinatawag na nucleotides na may kinalaman sa ating pagtulog.
- Mahigit sa 200 complex sugars na tinatawag ring oligosaccharides na gumagana bilang probiotics, na nakakatulong sa tiyan ng sanggol at lumalaban sa mga impeksyon, na makapasok sa kaniyang bloodstream at magkaroon ng brain inflammation.
- Mahigit na 40 enzymes. Ang mga enzymes sa ating gatas ang tumutulong sa digestion at immune system ni baby.
- Growth factors na sumusuporta sa tamang paglaki ng sanggol, kabilang na ang pag-develop ng kaniyang intestines, blood vessels, at nervous system.
Larawan mula sa Pexels
- Naglalaman rin ang breast milk ng maraming hormones, na nakakaapekto sa tamang paggana ng mga organs sa ating katawan. Tumutulong rin ito paraa maayos ang pagkain at sleep patterns ni baby.
- Vitamins and minerals – mga nutrients na sumusuporta sa tamang paglaki at paggana ng mga organs. Pati na rin ang ngipin at mga buto ng bata.
- Antibodies, o tinatawag ring immunoglobulins. Mayroong limang uri ng antibodies at lahat ito ay matatagpuan sa iyong breast milk. Pinoprotektahan nito ang bata laban sa mga sakit, bacteria at virus.
- Maaaring narinig mo na ang long-chain fatty acids na tumutulong sa pagbuo ng nervous system ng sanggol at malusog na pag-iisip at paningin.
- 1,400 microRNAs, na nakakatulong din lumaban sa mga sakit at nagpapalakas sa immune system ng bata.
Benepisyo ng breast milk sa baby
Napakarami talagang magandang epekto ng gatas ng ina sa mga sanggol. Maging sa kanilang pagtanda ay natatamasa pa rin nila ang mga benepisyong ito.
Kung kailangan mo pa ng mas maraming dahilan para magpadede. Narito ang isang mabilis na listahan ng mga benepisyo ng breast milk sa bata:
- Mas mabilis itong maabsorb ng katawan ni baby at nakukuha ang mga nutrients mula rito.
- Mas malakas na immune system
- May mga fat sa breastmilk na tumutulong para maging malinaw ang mata ng bata.
- Mas madalang raw ma-ospital ang mga breastfed babies? Ito ay dahil sa mga antibodies na lumalaban sa mga sakit at impeksyon.
- Ang mga breastfed babies ay bihirang magkaroon ng impeksyon sa baga, tenga at digestion.
Larawan mula sa iStock
- Kung makakakuha man ng infection si baby, hindi ito ganoon kalala dahil sa mga antibodies na nakukuha sa breast milk.
- Mas mababang posibilidad ng Sudden Infant Death Syndrome
- Mayroong mas mababang posibilidad ng allergies at asthma
- Mas mababang posibilidad ng leukemia
- Mayroon mas matitibay na ngipin at mas kaunting cavities
- Hanggang pagtanda, may benepisyo pa rin ang breast milk gaya ng mas mababang posibilidad ng diabetes at obesity.
Sa dami ng mga benepisyo ng breast milk sa baby (at maging sa ina), hindi nakakapagtaka kung bakit sinasabing ito ang pinakamainam na pagkain para sa iyong sanggol.
Kaya kung may kakayahan kang magpadede kay baby, subukan mo ito, Mommy! Hindi madali, pero worth it naman sa dami ng magagandang epekto sa inyong mag-ina.
Source:
Science Daily, Science Focus, Hopkins Medicine, Medela
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!