Excited na excited ang inang si Bethany Green nang una niyang masilayan ang kaniyang anak na si Avery. Bilang isang first-time mom, bago ang lahat ng ito sa kaniya. Ngunit hindi niya inasahan na ang kaniyang sanggol ay mayroon palang natal teeth, o ngipin nang ito ay ipinanganak.
Bakit ba ito nangyayari, at dapat bang mag-alala ang mga magulang kapag mayroong natal teeth ang kanilang mga sanggol?
Natal teeth, ano ba ang dahilan nito?
Madalas, nagsisimulang tumubo ang ngipin ng mga sanggol kapag sila ay 4-7 buwan. Ngunit mayroong mga pambihirang pagkakataon na kahit kakapanganak pa lamang ay mayroon nang ngipin ang sanggol. Tinatayang 1 sa bawat 2000 sanggol ang nagkakaroon ng ngipin kapag ipinanganak.
Ayon kay Bethany, hindi pa raw gaanong nakalabas ang ngipin ng kaniyang anak nang ito ay ipinanganak. Ngunit matapos ang 4 na linggo, mukhang buo na raw at malaki na ang ngipin ni Avery.
Dahil dito, dinala ni Bethany ang kaniyang anak sa dentista upang matingnan kung ano ang puwedeng gawin. Sobrang bihira raw ng ganitong kondisyon, ay nag-imbita pa raw ng isang estudyante ang dentista upang mapag-aralan ang ngipin ni Avery!
Nangyayari ang pagkakaroon ng natal teeth kapag maagang lumabas ang baby teeth o milk teeth ng isang sanggol. Ngunit mayroong mga pagkakataon na extra na ngipin ang neonatal teeth ng isang bata.
Dapat ba itong ikabahala?
Minsan ay kinakailangang tanggalin ang ngipin ng mga bagong silang na sanggol. Ito ay kapag makakaapekto ito sa kanilang paghinga, kapag makakasugat sa dila ng sanggol, at kapag hindi nakakapagbreast feed ang ina dahil dito. May pagkakataon rin na kapag ito ay maluwag sa bibig, ay baka malunok at bumara sa lalamunan ng sanggol.
Para naman kay Bethany, hindi naging problema ang ngipin ng kaniyang sanggol. Nagdesisyon na lamang siya na painumin si Avery gamit ang bote sa halip na mag breast feed.
Karamihan rin ng mga sanggol na ipinapanganak na mayroong natal teeth ay walang nararanasang masamang epekto nito. Kailangan lang ay mas alagaan ang ngipin upang hindi ito mabulok, at bantayang mabuti upang hindi masaktan ang sanggol sa bagong tubo niyang ngipin.
Hindi ito dapat ipag-alala ng mga magulang, dahil normal lang itong nangyayari, at hindi sintomas ng malalang kondisyon.
Naging mini-celebrity si Avery dahil sa ngipin niya
Dahil sa kaniyang pambihirang ngipin, marami sa mga kamag-anak at kaibigan ni Bethany ang nais na kuhanan ng letrato ang sanggol. Lahat raw ng nakakakita ay pinapansin ang ngipin niya, dahil ito ang unang beses na nakakita sila nito sa isang bagong silang na sanggol.
Ayon kay Bethany, na tinatapos pa ang kaniyang pag-aaral, mabuti raw at hindi gaanong iyakin si Avery. Madalas raw ay natutulog lang siya, at tumutulong ang lolo at lola ng sanggol upang alagaan siya.
Ngayon, naeexcite na raw si Bethany na subaybayan ang paglaki ng kaniyang anak, at mabigyan si Avery ng magandang kinabukasan.
Source: News.com.au
Basahin: Nagngingipin na ba si baby? Narito ang mga sintomas at hudyat nito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!