Ano nga ba ang mabisang gamot sa sakit ng ngipin ni baby?
Mababasa dito ang sumusunod:
- Sanhi ng cavity at pagkasira ng ngipin.
- Epekto ng sirang ngipin.
- Gamot sa sakit ng ngipin ni baby dulot ng tooth decay.
- Paano maiiwasan ang pagsakit ng ngipin ni baby.
- Mga dapat malaman tungkol sa pagngingipin ni baby.
Ang pagkasira ng ngipin ng bata ay dahil sa breakdown ng enamel dulot ng cavities. Karaniwang dental problems ng mga bata ang cavities. Dahil dito, humahantong sa pagkabulok at pagkabutas ang ngipin. Ano nga ba ang gamot sa sakit ng ngipin ni baby?
Sanhi ng cavity at pagkasira ng ngipin
Ang cavity ay dulot ng buildup ng dental plaque o bacteria sa ngipin. Nagdudulot ito ng pagkabutas ng ngipin at posible ring magkaroon ng sakit sa gilagid. Cavity ang karaniwang rason ng pananakit ng ngipin ng matanda man o ng bata. Tinatawag ding pulpitis ang sakit sa ngipin ng bata.
Ilan sa mga rason kung bakit nagkakaroon ng buildup ng cavity sa ngipin:
- Kakulangan sa maayos na dental hygiene o pagsesepilyo
- Sugar at starch sa kinakain na nagpaparami ng bacteria sa bibig
Ang bacteria sa bibig ay dumadami dahil sa starch at asukal na nakukuha sa pagkain. Nagiging acid ang sugar at starch at ito ang sumisira sa ngipin ng bata.
Ang ilan sa mga sintomas ng pagkasira ng ngipin ng bata o tooth decay ay ang mga sumusunod:
- matinding sakit sa ngipin ng bata tuwing kumakain o umiinom ng malamig o mainit
- pananakit ng gilagid sa paligid ng ngipin
- lagnat
- tuloy-tuloy na sakit sa ngipin na parang sinusundot
- pagsakit ng ngipin tuwing hinahawakan ito
- pangingitim ng ngipin
- namumuong maputing spot sa ngipin
- panghihina
- kawalan ng ganang kumain
Epekto ng sirang ngipin: Paano malalaman na masakit ang ngipin ni baby?
Kapag ang bata ang nakararanas ng pagsakit ng ngipin, karaniwang hirap silang ipaliwanag sa nakatatanda ang nararamdaman. Lalo na kung hindi pa nakapagsasalita ang iyong anak. Paano nga ba malalaman na masakit ang ngipin ni baby at ano ang gamot sa sakit ng ngipin ni baby na ligtas para sa kaniya?
- Kapag napansin mong nasasaktan o nahihirapang kumain o uminom ng mainit man o malamig ang iyong anak, maaaring senyales ito ng toothache. Tingnan kung may discoloration sa kaniyang ngipin o gilagid.
- Kung tila ayaw maampat ng paglalaway ni baby at parang nguya siya nang nguya, posibleng senyales ito ng panibagong ngipin na tutubo. I-check ang gums ng iyong anak. Kung may bahagi na mapula ay posibleng tumubo roon ang bagong ngipin.
- Maaaring sakit sa ngipin ang dahilan kung bakit nahihirapan ang iyong anak na matulog. Ang sakit sa ngipin ay pwedeng magdulot ng pagkairita at pag-iyak ng iyong anak bago matulog.
- Tingnan kung may tender lymp nodes o nilalagnat ang bata. Sintomas ito ng tooth infection.
- Pwedeng makaranas ng pananakit ng bahagi ng mukha ang iyong anak dahil sa sakit sa ngipin. Kapag madalas na kinukuskos o hinihimas ng bata ang kaniyang panga o paligid ng tenga, posibleng indikasyon ito na masakit ang kaniyang ngipin. Tingnan kung may bumarang pagkain sa ngipin ng bata.
Kapag may napansing sintomas o senyales na masakit ang ngipin ng iyong anak, agad na kumonsulta sa pediatric dentist para malaman kung ano ang gamot sa sakit ng ngipin ni baby.
Gamot sa sakit ng ngipin ni baby dulot ng tooth decay
Titingnan ng doktor ang health history ng iyong anak para matiyak kung ano ang tamang gamot sa sakit ng ngipin ng baby o ng maliliit na bata. Magsasagawa ang dentista ng x-rays upang makita ang internal tissues, bones, at ngipin. Maaari ring gumamit ng transilluminator ang doktor para matingnan ang cavities ng bata.
Ang paggamot sa sakit ng ngipin ni baby ay nakadepende sa sintomas, edad, at general health ng iyong anak. Ilan sa mga maaaring irekomenda ng doktor ay ang mga sumusunod:
- Pagbunot sa sirang ngipin
- Pag-inom ng gamot o pain medicine
- Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin
- Pag-inom ng antibiotics
- Pag-drain sa pus-filled infection
- Surgery para matanggal ang namamagang laman sa gitna ng ngipin (tinatawag ding root canal)
Kung mayroong bulok na ngipin ang iyong anak maaaring lagyan ito ng tooth filling. Aalisin ng doktor ang bulok sa ngipin at lalagyan nito ng white composite o metal material ang butas ng ngipin ng bata.
Sa pamamagitan nito, pwedeng ma-save o preserve ang ngipin at hindi humantong sa lubusang pagkasira.
Sa kaso ng malalang pagkasira ng ngipin ng bata, pwedeng irekomenda ng dentist ang paglalagay ng dental crown. O kaya naman ay kailangang i-extract ang ngipin, kung saan ay hahayaang nakabukas ang gap sa ngipin ng bata gamit ang space maintainer. Makatutulong ito para tumubo nang maayos ang permanent teeth ng bata.
Kapag masyado pang baby ang iyong anak at kailangan nang dumaan sa dental procedures, maaaring irekomenda ng doktor ang general anesthesia para makatulog ang baby habang ginagamot ito.
Kung malala naman ang epekto ng sirang ngipin sa iyong anak, dalahin agad ito sa ospital. Maaaring bigyan ito ng antibiotic sa pamamagitan ng intravenous (IV) line para magamot ang impeksyon.
Paano maiwasan ang pagsakit ng ngipin ng bata?
Para maiwasan ang pagsakit ng ngipin ng iyong anak, mahalagang pigilan ang build up ng cavities sa kaniyang bibig:
- Magsepilyo nang dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw
- Mag dental floss araw-araw
- Regular na magpatingin sa dentista
- Kumain ng masususustansyang pagkain
- Limitahan ang mga pagkaing mayaman sa sugar at starch
Bagong silang na baby na may ngipin, sakit ba ‘yon?
Karaniwang nagsisimulang tumubo ang ngipin ni baby kapag nasa apat hanggang pitong buwan na ito. Subalit mayroong mga kaso kung saan ay pagkasilang sa sanggol ay may isa hanggang dalawang ngipin na agad ito. Tinatawag itong natal teeth.
Bagama’t bihira itong mangyari ay hindi dapat ikabahala ang pagkakaroon ng natal teeth ng iyong baby. Lalo na kung hindi naman ito nagdudulot ng problema sa pagkain. Kung nagsasanhi ito ng choking hazard, magpakonsulta sa pediatrician ng iyong anak para malaman kung ano ang dapat gawin.
Mga dapat malaman sa pag ngingipin ni baby
Gaya ng unang beses na maupo, tumawa at magsalita, inaabangan din ng mga magulang ang paglabas ng unang ngipin ng kanilang baby.
Sinasalubong ito ng pagkasabik dahil ibig sabihin din nito na malapit nang kumain ng mas matigas na solids ang bata kapag mayroon na siyang ngipin. Subalit minsan, may kaakibat rin itong kaba at pag-aalala. Lalo na kung nagkakasakit si baby at tila sumasakit ang kaniyang ngipin.
Paglabas ng unang ngipin ng iyong sanggol, saka mo pa lamang maiisip kung bakit nga ba naging iritable at iyakin siya noong mga nakaraang linggo.
Subalit bawat bata ay may kakaibang karanasan at nararamdaman sa tuwing magngingipin. May ibang hindi naman nakakaranas ng malaking pagbabago o kahit anong sakit. May mga bata ring hirap at talaga namang lubhang sakit ang pinagdaraanan kasabay ng paglabas ng mga ngipin.
Kailan nga ba nagsisimula ang pagngingipin?
Bago pa man lumabas ang unang ngipin ni baby, maaaring lumabas na ang sintomas ng pagngingipin. Karaniwang lumalabas ang ngipin sa ika-6 na buwan.
Ngunit may mga batang 3 buwan pa lamang ay may mga nagsisimula nang magngipin. May iba rin namang umaabot ng halos isang taon bago pa magkangipin.
Madalas na nauuna ang dalawang ngipin sa harap, sa ibaba, kasunod ng dalawang ngipin sa harap din, sa itaas.
Image from Freepik
Karaniwang sintomas ng pagngingipin
Bagamat iba-iba nga ang sintomas ng pagngingipin na maaaring mapansin sa bawat bata, narito ang mga pinakakaraniwang senyales na malapit nang lumabas ang mga ngipin ni baby.
Ito ang pangunahing hudyat na malapit nang lumabas ang mga ngipin ni baby. Nagsisimula ang labis na paglalaway na ito mula ika-10 linggo hanggang 4 na buwan.
Napakasensitibo ng balat ng mga sanggol, kaya maaaring mangati at magkaroon ng rashes ang kanilang baba, leeg at bahagi ng katawan kung saan napupunta ang kanilang laway.
May mga nabibili na ngayong panyo na hugis tatsulok, para sa mga sanggol at toddlers na naglalaway. Nilalagay ito sa leeg, na para ding bib, upang hindi naman kumalat ang laway. Malambot ang tela nito para hindi masugatan o mairita ang balat ng bata sa bandang baba at leeg dahil sa dalas ng pagpunas dito.
Dahil sa dami ng laway, minsan ay halos nabubulunan na at inuubo ang bata. Karaniwan lang ito at hindi dapat ikabahala.
Ito ang senyales ng pagngingipin na talagang kinatatakutan ng mga magulang. Mapapansin na halos lahat ng mahawakan ng bata ay isinusubo at parang nginangatngat. Dahil nga naglalabasan na ang ngipin, ang natural na aksiyon ng bata ay idiin ang gilagid o “kumagat” sa anumang matigas na bagay.
Kaya naman paalala sa mga magulang, bantayang mabuti ang iyong anak kapag nagsimula siyang magsubo at mangagat ng mga bagay. Siguruhing malinis ang mga bagay na maaabot niya at maaaring ilagay sa kaniyang bibig.
Kapag kinakagat naman ni baby ang iyong dede kapag nagbe-breastfeed, suwayin siya at panandaliang itigil ang pagpapadede. Mabibigyan siya ng ideya na hindi ka niya dapat kinakagat.
Ayon sa aklat na Caring for Your Baby and Young Child: Birth to Age 5 ng American Academy of Pediatrics, may mga batang nahihirapan dahil sa sakit ng pagkamaga ng kanilang gilagid o gums sanhi na nga ng lumalabas na ngipin. Lubhang masakit ito lalo na ang mga unang ngipin at ang mga molar.
-
Madalas ang paggising sa gabi
Minsan magugulat ka na lang dahil ang iyong anak na dati’y nakakatulog na ng buong magdamag ay gumigising at umiiyak na sa hatinggabi o madaling araw.
Gustuhin mang kumain o dumede kay Nanay, hirap si baby na gawin ito dahil na nga sa pamamaga ng gilagid. Kaya’t lalong iritable dahil nga gutom na, ay may sakit pang nararamdaman.
photo: dreamstime
Dahil nga namamaga at masakit ang gilagid, maaaring magkaron ng sinat si baby na hindi naman dapat ikabahala. Subalit kung ang body temperature ni baby ay humigit sa 37.8 Celsius. Kailangang antabayanan ang sintomas ng lagnat at kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Bakit nagkakasakit ang baby kapag nagngingipin?
Minsan, kapag ang bata ay nilalagnat o kaya nagtatae, sinasabi ng matatanda na “Nagngingipin lang ‘yan.” Subalit nakakapagdulot ba talaga ng sakit ang pagngingipin?
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, hindi naman talaga mismong ang pagngingipin ang sanhi ng sakit ng sanggol, pero maaaring konektado ito sa mga bagay na kanilang isinusubo.
“Ang theory ko diyan kapag nagngingipin, the ipin starts to come out around 7 months. So around 6 months nanggigil na sila lahat ng puwedeng isubo, isusubo na nila.
And they like biting with everything, nanggigil na sila. Kasi siguro maga na iyong kanilang gums.
The fact that they put everything in their mouth gives them a risk of getting bacteria there and they may get diarrhea. Not because eksaktong lumabas iyong ngipin, pero nag-coincide at the same time.” paliwanag niya.
Ganoon din ang lagnat. Ayon sa American Academy of Pediatrics, sa panahong nagngingipin ang bata, bumababa rin ang passive immunity na nakuha nito sa antibodies ng ina mula sa sinapupunan. Kaya’t mas bukas ang bata sa pagpasok ng mga bacteria at virus.
Tandaan na kung may lagnat, pagsusuka o pagtatae, maaaring may mas malaking dahilan ito, liban sa pagngingipin. Kaya mas mabuting kumonsulta sa pediatrician ni baby.
Habang dumarami ang ngipin ng iyong anak, at kapag nagsimula na siyang kumain ng solids. Ugaliin ding linisin ang loob ng kaniyang bibig para makaiwas sa mga impeksyon. At siguruhing malinis ang mga bagay na kaniyang isinusubo, pati na rin ang kaniyang kamay.
Gamot sa sakit ng ngipin ni baby dulot ng pagngingipin
Bagamat hindi nga sapat na dahilan ang pagngingipin para magkaroon ng lagnat o diarrhea ang baby. Maaari pa rin siyang makaramdam ng pananakit at pagkabalisa dahil dito.
Narito ang ilang paraan para mapagaan ang pakiramdam ng iyong anak habang siya ay nagngingipin:
- Bigyan ang bata ng malamig na bagay na maaari niyang isubo at kagatin tulad ng malamig na pacifier o teether (linisin at ilagay sa ref). Subalit ingatan lang na hindi magiging choking hazard ang bagay na ito, at huwag ring frozen dahil masasaktan rin ang gilagid ng bata kung masyado itong malamig.
- Kung ang iyong baby ay 6 na buwan pataas, maaari mo siyang bigyan ng unsweetened teething crackers.
- Kung ang iyong baby ay 6 na buwan pataas, maaari mo rin siyang painumin ng malamig na tubig.
- Subukan i-masahe ang mga gilagid ni baby gamit ang iyong malinis na kamay.
- Pwede ka ring gumamit ng mga teething gels na nabibili sa mga botika. Mas maganda kung ilalagay mo ito sa ref bago ipahid at imasahe sa mga gilagid ni baby.
Tandaan, huwag bibigyan ng anuman gamot para sa sakit ng ngipin ng baby maliban na lang kung inireseta ito ng kaniyang doktor.
Huwag mabahala kung hindi agad lumabas ang ngipin ng iyong anak. Mas mabuti ito para mapaghandaan mo nang maigi kapag dumating na ang panahong iyon.
Subalit kung hindi pa rin lumalabas ang unang ngipin ni baby paglampas ng ika-18 buwan, kumonsulta na sa kaniyang pediatrician.
Karagdagang ulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!