Nagiging iyakin na bata ang mga anak kapag mayroon silang gusto na hindi nila makuha. Maaaring ito ay laruan, gamit, o gawain na para sa kung ano mang rason ay ipinagbabawal sa kanila. Minsan, may ilang madaling napapatahan basta makuha ng ibang bagay ang kanilang atensyon. May mga pagkakataon din napapatahan sila ng mga malalambing na salita na nagpapakalma sa kanila.
Subalit, paano kung kahit anong patahan sa bata ay tuloy-tuloy lamang ang pag-iyak nito? Huwag mag-alala dahil ito ang ilang tips para maiwasang maging iyakin na bata ang iyong anak.
Ituro sa iyakin na bata ang iba’t ibang mga emosyon
Makakabuting malaman ng mga bata kung ano ang kanilang mga nararamdaman. Ipakita rin sa kanila ang kaakibat na expression sa mukha ng iba’t ibang emosyon. Ituro ang kanilang mararamdaman sa kanilang katawan kapag nararamdaman ang mga ito tulad ng panginginig kung sila ay galit. Kasabay nito, ipaalam din sa kanila na ang maramdaman ang mga emosyon na ito ay normal lamang.
Maaaring gumawa ng laro sa mga ito tulad ng paghula kung anong emosyon ang kaakibat ng ipapakitang acting. Sa ganitong paraan, mas magiging pamilyar ang bata sa iba’t ibang emosyon na maaari niyang maramdaman.
Turuan sila ng mga dapat gawin sa mga emosyonal na sandali
Makakabuti na turuan ang mga bata kung papaano nila haharapin ang mga emosyonal na sandali. Makakatulong ito sa pagkontrol ng kanilang mga emosyon kapag maramdaman nila ang mga ito. Ito ay magsisilbing practice nila para maging handa.
Maaari itong gawin habang nanonood ng TV o nagbabasa ng libro. Pag-usapan ninyo ang mga maaaring nararamdaman ng mga karakter at kung ano ang dapat gawin kung nakakaramdam nito. Maaari rin gumamit ng mga laruan ng bata tulad ng mga manika, puppets, o action figures.
Bigyan ng mapagpipilian ang bata sa kung anong maaari nilang gawin
Pag-usapan ang iba’t ibang emosyon at alamin ang mga maaaring gawin sa mga panahon na maramdaman ito. Maaaring bigyan ang bata ng mga pagpipilian kung anong maaari niyang gawin sa oras na siya ay galit, frustrated o malungkot. Magdedepende ito sa kung ano ang values ng inyong pamilya. Maaaring payagan siyang magdabog, humingi ng yakap, o sumigaw sa unan.
Maging modelo sa kung paano haharapin ang mga emosyon
Ang mga bata ay mas sumusunod sa kung ano ang nakikita sa mga magulang kumpara sa kung ano ang itinuturo, Dahil dito, makakabuti na maging mabuting halimbawa kung paano iha-handle ang isang emosyonal na sandali. Bago mag-react sa isang bagay, isipin muna kung ano ang gusto mong paraan kung paano magre-react dito ang anak mo.
Sa mga emosyonal na sandali, maaaring ipaliwanag sa iyong anak kung ano ang nararamdaman mo. Kasunod nito, ituro sa kanya kung paano mo hina-handle ang nararamdaman.
Suportahan ang nararamdaman ng iyong anak kapag emosyonal
Sarado ang isip ng mga bata kapag sila ay emosyonal. Hindi sila makikinig at hindi sila tatanggap agad ng mga pagpapaliwanag kung bakit hindi nila makuha ang gusto nila. Sila ay maliliit na tao na may sobrang laking emosyon.
Makakabuti na bigyan sila ng oras at space. Hayaan silang mailabas ang kanilang nararamdaman sa mga oras na iyon bago sila kausapin. Sa kanilang pagkalma, pag-usapan kung ano ang emosyon na kanilang naramdaman. Mula dito, maaaring ituro sa kanya ang maaari niyang gawin sa susunod na maramdaman ito. Siguraduhin din na sila ay ligtas sa mga oras na sila ay emosyonal.
Tandaan na para sa ibang mga bata, hindi madaling ma-master ang pagkontrol ng mga emosyon. Kailangan ng maraming pag-ensayo at maaaring masmaraming pagkakamali. Intindihin ang mga bata sa kanilang nararamdaman at habaan ang inyong pasensya. Ito ay para lumaki na well-adjusted adults ang mga bata!
Basahin din: 3 paraan para humaba ang pasensya kapag makulit ang anak
Source: PBS
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!