Madalas ka bang nananaginip na hindi mo maintindihan kung bakit? Napapatanong ka rin ba kung ano nga kaya ang kahulugan ng iyong mga panaginip. Alamin dito ang kahulugan ng iyong panaginip ayon sa science.
Mga kahulugan ng panaginip
“Bakit ko laging napapanaginipan ang ex ko?” o kaya naman, “Sa panaginip ko, nakita ko ang patay kong lolo.” Ano nga ba talaga ang kahulugan ng ibang panaginip? At may kinalaman nga ba ito sa realidad o totoong buhay?
Maaring makita mo ang sariling nahuhulog sa isang “endless void” o kaya naman hinahabol ka ng isang mabangis na hayop. Minsan pwede ring nakabalik ka sa school o wala ka pang pamilya sa iyong panaginip, at minsan mayroon kang ginagawang kakaiba.
Ang pananaginip ay isa sa mga kakaibang bagay na nagagawa natin. Kadalasang nangyayari ito kapag nagkakaroon tayo ng mahimbing na tulog na tinatawag na rapid eye movement (REM). At kahit madalas ay hindi natin maalala kung ano ang ating napanaginipan, halos dalawang oras din gabi-gabi ang ginugugol natin sa pananaginip.
Pero paano nga kaya nangyayari ito? Bakit gumagana ang isip natin kahit nagpapahinga ang ating mga katawan?
Isang malaking palaisipan talaga ang pananaginip at kahulugan ng mga panaginip. Napakahirap nitong intindihin dahil hindi naman talaga natin kontrolado kung ano ang nangyayari rito.
Ilang libong taon na ring sinusubukan ng mga sleep experts at ng mga scientists na ipaliwanag ang ibig-sabihin ng mga panaginip, pero wala pang nakakatukoy ng eksaktong kahulugan nito at kung ano ang kaugnayan nito sa ating araw-araw na pamumuhay.
Alam natin kung ano ang benepisyong nagagawa ng pagtulog sa ating katawan, pero ano nga kaya ang nagagawa ng pananaginip sa ating isip?
Mga teorya tungkol sa kahulugan ng panaginip
Mayroong iba’t ibang paniniwala at teorya ang mga doktor, sleep experts at dream analysts tungkol sa kaugnayan ng panaginip sa ating isip at pamumuhay.
Sa katunayan, ayon sa Harvard psychologist at dream researcher na si Deirdre Barrett, kasing dami ata ng teorya tungkol sa panaginip ang mga taong nag-aaral tungkol rito.
Habang wala pang napagkakasunduan ang mga eksperto tungkol sa eksaktong kahulugan ng mga panaginip. Mayroon namang mga teorya na mas prominente kaysa sa iba. Narito ang ilan sa kanila:
Ang mga panaginip ay produkto ng brain activity
Ayon sa sikat na psychologist at founder ng psychoanalysis na si Sigmund Freud, ang mga panaginip raw ay mula sa stimuli ng ating utak at mga karanasan habang tayo ay gising.
Sa kabuuan, ito umano ay isang “road map to the unconscious,” na ipinapahiwatig sa atin ang ating “deepest desires” at pangarap.
Ganito rin ang paniniwala ng mga psychiatrists na sina J. Allan Hobson at Robert McCarley. Para sa kanila, habang tayo ay tulog, patuloy na nagtatrabaho ang ating isip para maintindihan ang mga neurons na natatanggap nito. Ang mga panaginip umano ay ang pagtatangka ng ating utak na maintindihan ang mga patterns ng ating isip.
Ayon sa modelo nina Hobson at McCarley, mayroong bahagi ng ating utak ang nagiging activated habang tayo ay nasa REM sleep. Habang gumagana ito, ang bahagi ng utak na may kinalaman sa ating alaala at emosyon.
Gaya ng hippocampus, na gumagawa ng long-term memories, at may dala na nangangasiwa sa ating reaksyon sa takot, ay nagbibigay ng electrical signals at nagiging isang narrative na siyang tinatawag nating panaginip.
Ang pananaginip ay paraan ng pag-iimbak ng mga alaala
Isa pang teorya tungkol sa papel ng mga panaginip sa ating pamumuhay ay tumutulong itong mapag-aralan at pagsama-samahin ang ating mga alaala.
Ayon kay Patrick McNamara, isang neurologist at dream researcher mula sa Boston University School of Medicine, ang pananaginip ay isang proseso kung saan ang ating mga alaala at karanasan ay napupunta sa ating long-term memory storage. Aniya, nakakatulong ito para ma-regulate ang ating moods sa kasunod na araw.
“There’s very good evidence that dreams are very good at modulating trauma and fear,” ani McNamara. Marami na ring pag-aaral ang nag-uugnay ng pananaginip sa pag-store o pag-imbak ng mga alaala.
Ang mga panaginip ay isang paraan para mapaghandaan ang panganib
Ayon naman sa “threat simulation theory of dreaming,” maari rin na ang pananaginip ay nagsisilbing “practice” sa mga panganib na maaari nating maranasan. Ito umano ay isang defense mechanism ng ating katawan na ginagawa na noon pa man, isang natural na resulta ng evolution.
Ang pananaginip umano ay nag-eensayo sa ating brain ng mga bagong survival strategies nang hindi tayo nalalagay sa aktwal na kapahamakan.
Maaaring may punto ang teoryang ito dahil karamihan sa ating mga panaginip ay may kinalaman sa mga bagay na kinatatakutan natin, tulad ng pag-atake ng isang mabangis na hayop hanggang sa mga mahihirap na sitwasyon sa ating buhay.
Nakakatulong ang mga panaginip sa problem solving at creative thinking
Mayroon ding paniniwala na ang panaginip ay paraan ng isip na magbigay ng inspirasyon at malutas ang mga problemang nangangailangan ng hindi conventional na solusyon.
Hindi ba kapag nananaginip tayo, naaalala natin ang mga detalye, at halos napakalinaw nito sa ating alaala. Naalala natin ang maliliit na detalye, at nasasabi pa natin minsan na, “Parang totoo talaga ‘yong panaginip ko!”
Paniniwala ng ibang dream analysts, ang mga nakikita o naaalala natin sa ating mga panaginip ay wala sa ating natural na line of thinking. At kakaiba ang ating mga napapanaginipan kaya naman napupukaw ang ating creative thinking.
Maaaring may katotohanan ang bawat isa sa mga teoryang ito, at posible silang maging gabay sa pagbibigay ng kahulugan sa iyong panaginip.
BASAHIN:
Wet dreams? 9 na panaginip tungkol sa pagtatalik at mga ibig sabihin nito
12 karaniwang panaginip at kahulugan ng mga ito
Kahulugan ng panaginip sa isang tao: Ating alamin ang kahulugan ng ilang mga panaginip na madalas maging palaisipan sa maraming tao.
Mga kahulugan ng panaginip
1. Panaginip na nahuhulog ka
Ang panaginip kung saan nahuhulog ka ay pang karaniwan lamang. Ayon sa mga dream experts, kapag nanaginip ka na nahuhulog ka, may punto sa buhay mo na hindi makikiayon sa’yo. Kaya naman payo ng mga eksperto, isiping mabuti ang mga desisyong iyong gagawin sa buhay.
2. Kahulugan ng panaginip na ahas
Isa rin ito sa pangkaraniwang panaginip. Ano nga ba ang kahulugan ng panaginip na ahas? Ang ahas na kumagat sa ‘yo sa panaginip ay tungkol sa mga kinatatakutan at worries mo sa buhay na pilit bumabagabag sa ‘yo. Sa iba, sumisimbolo ang ahas sa temptasyon o panganib. Ngunit para sa iba, ito ay positibong sign para sa kanila. Maaaring ito raw ay sumisimbolo sa paggaling, kaalaman at wisdom.
3. Panaginip na may namatay
Kahulugan ng panaginip na patay sa kabaong: Nakita mo ba sa ataul ang isang taong alam mong buhay pa pero sa panaginip mo’y yumao na? Ano nga ba ang kahulugan ng panaginip na patay sa kabaong?
Hindi mo maiwasang matakot o mangamba once na makita mo ang sarili mo o mahal mo sa buhay na patay sa iyong panaginip. Ayon sa ilan, ang panaginip ang nagpapakita ng anxiety o takot sa isang bahay na hindi matukoy.
Kapag ikaw ay nanaginip tungkol sa kamatayan ng iyong mahal sa buhay, maaaring ikaw umano ay natatakot sa posibleng pagbabago na magaganap sa reality.
4. Panaginip na nakahubad ka sa public
Hindi mo na ata makakalimutan ang panaginip na ito kahit na ikaw ay magising. Ngunit huwag mag-alala dahil ang panaginip na ito ay bihira naman mangyari.
Ayon sa mga eksperto, ang panaginip kung saan ikaw ay nakahubad sa public ay nagsasabing ikaw ay takot na ipakita ang iyong imperfection sa iba.
5. Panaginip na hindi ka makatakbo
Isang karaniwang eksena rin sa isang panaginip ang hindi makatakbo kahit na anong pilit mong gawin. Iyong tipong naka slow motion ka habang tumatakbo. Posibleng ipinapahiwatig ng panaginip na ito na mayroong kang pinagdadaanang bagay tungkol sa iyong mababang self-esteem.
6. Panaginip kung saan hinahabol ka
Sobrang disturbing din ng panaginip kung saan ikaw ay hinahabol ng hindi kilalang tao sa iyong panaginip. Ngunit para sa mga dream expert, ang panaginip na ito ay nagsasabing ikaw ay may tinatakbuhan o iniiwasang isang bagay sa totoong buhay. Ito rin ay isang simbolo kung saan nais mong umalis o makatakas sa iyong fears.
7. Panaginip ng paglipad
Marami na rin ang nakakaranas na lumilipad sila sa kanilang panaginip. Ayon sa mga eksperto, ang paglipad sa panaginip ay may dalawang kahulugan. Ang una ay sumisimbolo sa kalayaan. At ang pangalawa naman ay nais mong makatakas sa realidad ng buhay.
8. Panaginip kung saan ikaw ay buntis
Ang panaginip na ikaw ay buntis ay tumatalakay sa iyong pagkakaroon ng takot na ikaw ay maaaring maging isang walang kwentang ina.
Posible rin na may kaugnayan ito sa isang bahagi ng iyong buhay na nasa growing o developing stage pa lamang.
9. Panaginip kung saan ikaw ay bagsak sa exam
Kung ikaw ay isang estudyante, ang panaginip na ito ay maaaring pagkatakot mo sa iyong darating na pagsusulit. Samantalang kung ikaw ay hindi na nag-aaral, ito ay pwedeng sumisimbolo sa iyong trabaho. Maaaring ikaw ay takot na magkamali sa iyong work.
Sa kabuuan, sinisimbolo nito na mayroong isang bagay sa iyong buhay na nagbibigay sa’yo ng kaba o anxiety.
10. Panaginip kung saan nalalagas ang ngipin mo
Totoo bang kapag nanaginip ka na may nalalagas na ngipin, mayroong mamamatay? Ano ba ang kahulugan ng panaginip tungkol sa ngipin?
Kahulugan ng panaginip tungkol sa ngipin
Ayon sa author ng Dream Dictionary for Dummies na si Penny Peirce, ang panaginip kung saan nalalagas ang iyong ngipin ay sumisimbolo sa maraming bagay. Una, ikaw ay may pangamba sa iyong pisikal na anyo. Pangalawa, ikaw ay nangangamba tungkol sa isang bagay na maaaring mali ang iyong nasabi.
Gayundin, maaaring ipinapahiwatig rin nito ang pagkawala o pagbabago ng isang mahalagang bagay sa iyong buhay. Tulad na lamang nang pagkawala ng trabaho o katapusan ng isang relasyon.
11. Kahulugan ng panaginip na may babae ang asawa
Ayon sa website na panaginip.info, posibleng ang dahilan ng pananaginip mo na may babae o may kabit ang iyong asawa ay dahil sa takot na maulit ang dati nang nangyari. Baka may nauna nang pagtataksil ang iyong asawa at naimbak sa iyong isip ang takot at pangamba na maulit ito.
Pwede rin naman umanong ang dahilan ng panaginip na ito ay dahil nakaranas ka na noon ng relasyon kung saan ay ikaw ay pinagtaksilan din. At natatakot ka na mangyari din ito sa kasalukuyan mong relasyon.
Kung nangyayari ito sa iyo, tandaan na hindi ang asawa mo ang iyong kalaban. Ang dapat mong harapin ay ang iyong sarili. Upang makalaya sa mga ganitong uri ng panaginip ay mahalagang matutunan na magpatawad, kabilang na rito ang pagpapatawad sa sarili.
12. Panaginip tungkol sa tubig
Kung may kinalaman naman sa tubig ang iyong panaginip, sumasalamin umano ito sa malaking bahagi ng iyong katauhan na hindi mo pa nakikilala. May kinalaman daw kasi sa malawak na aspeto ng emosyon ng tao ang tubig sa panaginip. Nakadepende umano sa gaano karami, kalalim, kalinis, o mapamuksa ba ang tubig sa panaginip.
Kung payapa ang tubig ay pwedeng nangangahulugan din ito sa tunay na kapayapaan sa loob mo. Kapag ang panaginip naman ay tungkol sa baha, posible umanong sumasalamin ito sa malaking pagbabago sa emosyon na hindi mo pa handang harapin.
Para sa mas detalyadong paliwanag ay maaaring bisitahin ang article ng panaginip.info.
Konklusyon: Kahulugan ng panaginip sa isang tao
Anuman ang mga teorya o sinasabing kahulugan ng iyong mga panaginip, depende pa rin sa tao kung ano ang gusto niyang interpretasyon dito.
Sa huli, kung mayroon man tayong dapat matutunan tungkol sa mga ito. Ito ay ang hayaan silang magsilbing gabay at salamin sa kung ano ang nararanasan natin sa totoong buhay. Kung ano ang mga bagay na dapat nating harapin, at kung ano ang dapat nating gawin para makamit ang pangarap nating realidad.