Pagkatapos isilang si baby, handa ka na bang makipagtalik uli? Alamin rito kung kailan pwedeng magtalik ang bagong panganak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Gaano katagal bago maghilom ang sugat pagkatapos manganak?
- Kailan pwedeng magtalik ang bagong panganak
- Epekto ng panganganak sa pakikipagtalik
Ang pagdating at pagkasilang ng iyong baby ay isang pangyayari na talagang babago ng buhay mo. At sa mga susunod na linggo matapos mong manganak, ang iyong mundo ay umiikot sa iyong pagrecover at sa pag-aalaga ng iyong newborn.
May mga bagay na maaring wala sa malayo sa isip mo ngayon, tulad ng sex. Pero aminin mo man o hindi, isang araw ay hahanapin mo rin ito.
Gugustuhin mo ring maging malapit uli sa iyong partner sa ganitong paraan at mapapaisip ka rin kung “Kailan pwedeng makipagtalik uli ang bagong panganak na babae?”
Kailan pwedeng magtalik ang bagong panganak?
Ayon kay Dr. Maureen Laranang, isang OB-Gynecologist, wala namang eksaktong oras o panahon kung kailangan maaaring makipagtalik uli ang babae pagkatapos niyang manganak. Depende ito sa kaniya kung komportable na siya at kung nakapag-recover na ang kaniyang katawan.
“Walang specified time talaga kung kailan ka puwede mag-contact. Kasi it is based sa desire and comfort ni mommy.
Kailangan comfortable si mommy. Wala nang pains, wala nang dugo, and also dapat completely na naghilom na rin iyong sugat.” aniya.
Pero gaano katagal nga ba para masabing naka-recover na si Mommy at naghilom na ang kaniyang sugat?
Gaano katagal ang recovery pagkatapos manganak?
Naparaming pagbabago ang nangyayari sa katawan ng isang babae kapag siya ay nagbubuntis. Matindi rin ang pinagdaraanan nito dahil sa labor at panganganak. Kaya naman asahan na hindi agad babalik sa normal ang kaniyang katawan at kailangan ng oras para maka-recover ito.
Ayon kay Dr. Laranang, ang recovery period ng isang babae ay nakadepende sa paraan ng kaniyang panganganak.
Para sa mga nanay na nagsilang sa pamamagitan ng normal delivery, kadalasan ay nakakalakad na siya isang araw matapos manganak, at naghihilom na ang sugat o ang kaniyang pwerta sa loob ng isang linggo.
“Generally kasi within the first week matapos manganak ay ang period of recovery. So ito nagrerecover ng physically, emotionally at mentally ang isang bagong panganak.
Also in this period kailangan talaga na magkaroon ng sapat na pahinga si Mommy. So majority ng nag-normal delivery within one week nakaka-recover na sila.” ani Dr. Laranang.
Dagdag pa niya, masasabing tuluyan nang naka-recover ang katawan ng isang babae mula sa panganganak sa loob ng 6 na linggo.
Para naman sa mga babaeng sumailalim sa cesarean delivery o CS, inaasahang mas matagal ang kanilang recovery period. Pagpapaliwanag niya,
“Kapag cesarean delivery kasi since this is a major operation, mas matagal iyong recovery niya compare mo with normal.
Iyong mga patients namin na na-admit is usually admitted within 48-72 hours for observation tapos kung wala namang complication dinidischarge na namin sila.
Within one week naghihilom narin ang sugat nila, actually maganda na iyong paghilom. And completely na maghihilom ang sugat hanggang 6 weeks postpartum.”
Sa loob ng panahong ito, inaasahan na bukod sa pag-aalaga kay baby, magkakaroon din ng sapat na oras ang ina para makapagpahinga at magpalakas ng kaniyang katawan para makaiwas sa mga komplikasyon at tuluyan nang maghilom ang kaniyang sugat.
Subalit kahit masasabi mong magaling na ang kaniyang sugat, gaya nga ng nabanggit ni Dr. Laranang, ang sagot sa tanong na kailan pwedeng magtalik ang bagong panganak ay depende pa rin kung handa at kumportable na siyang makipagtalik uli.
Epekto ng panganganak sa pakikipagtalik
Maaaring handa ka nang makipagtalik ulit, pero huwag magugulat kung parang iba na ang pakiramdam ngayon kumpara kapag nakikipagtalik ka noon.
Dahil nga sa mga pagbabago sa katawan ng isang babae kapag siya’y nagbubuntis, kabilang na rito ang kaniyang sex hormones, asahan na mayroon ring mga pagbabago sa kaniyang sex drive at sa kaniyang ugali patungkol sa pakikipagtalik matapos niyang manganak.
Narito ang ilang pagbabago na maaaring mapansin ng mga kababaihan tungkol sa pakikipagtalik:
-
Maaaring maging masakit ang unang beses na magtalik pagkatapos manganak
Iniisip ng karamihan na ang sakit ay galing sa sugat sa puwerta dala ng panganganak, subalit hindi ito ang totoong dahilan.
Ilang araw pagkatapos manganak ng isang babae, ang kaniyang hormones na estrogen ay babalik sa pre-pregnancy levels. Kung siya ay nagpapadede, lalo pa itong bababa.
Nakakatulong ang estrogen para maging madulas ang iyong puwerta, kaya naman ang pagbaba ng mga hormones na ito ay maaaring magdulot ng vaginal dryness. Kapag walang natural vaginal lubrication, maaaring magkaroon ng sakit at pagdurugo habang nakikipagtalik.
-
Bababa ang iyong sex drive
Bakit parang wala kang masyadong ganang makipagtalik kumpara dati? Dahil ba ito sa pagod at puyat ng pag-aalaga kay baby?
Posibleng nakakadagdag ang stress at puyat sa pag-aalaga sa iyong anak kung bakit mababa ang iyong sex drive, subalit isa pang dahilan ay kapag mababa ang estrogen, ibig sabihin nito ay mababa rin ang sex drive ng isang babae.
Bukod dito, kapag nagpapadede ang isang nanay, naglalabas ang katawan ng kemikal na oxytocin, na nakakatulong para maging malapit ang mag-ina, subalit nakakapagpababa ng libido ng isang babae.
-
Mag-iiba ang pakiramdam ng iyong puwerta
Bukod sa vaginal dryness, maaari mo ring mapansin na parang mas maluwag ang pakiramdam habang nagtatalik kayo ni mister. Ito ay dahil ang pregnancy hormones ay nagpapalaki ng iyong pelvic rim.
Ito rin ang dahilan kung bakit lumalaki ang balakang ng buntis at nahihirapang magkasya sa kaniyang pre-pregnancy clothes kahit nakapanganak na.
Subalit hindi naman dapat ipag-alala ang mga pagbabagong ito dahil sa oras na tuluyang naghilom at naka-recover ang iyong katawan, unti-unti ring manunumbalik ang iyong sex drive at mae-enjoy mo na uli ang pakikipagtalik.
BASAHIN:
Hubby, ito ang 6 na rason kung bakit hindi mo dapat pinipilit makipagtalik si wifey
REAL STORIES: “Walang ganang makipagtalik ang asawa ko pagkatapos niyang manganak.”
Mga tips sa pakikipagtalik para sa bagong panganak
Kung sa palagay mo ay handa ka na talagang makipag-sex uli sa iyong partner, narito ang ilang tips para makaranas kayo ng kaaya-ayang pagtatalik:
- Hinay-hinay lang. Kahit sabihin ng iyong doktor na pwede na kayong magtalik uli ni mister, huwag biglain ang iyong sarili hangga’t sigurado kang handa ka na. Hindi kailangang sex kaagad. Pwede kayong magsimulang maging intimate muli sa pamamagitan ng pagmamasahe sa isa’t isa.
- Dagdagan ang foreplay. Tulungan ang iyong vagina na magkaroon ng natural lubrication. Subukang habaan ang foreplay at iba pang kaaya-ayang sexual activities bago ang aktwal na pakikipagtalik.
- Gumamit ng lubricant. Habang nag-aadjust pa ang iyong hormones, maaaring kailangan mo ng kaunting tulong para maging madulas uli ang iyong puwerta. Pumili ng water-based lubricant para maiwasang mairita ang iyong ari.
- Subukan ang Kegels. Nakakatulong ang Kegel exercises para lumakas uli ang iyong pelvic floor muscles para lumakas at manumbalik ang sensation sa iyong vagina at maging mas kaaya-aya ang sex.
- Magbigay ng oras para sa sex. Marahil ay gusto mong matulog na lang dahil sa iyong pagod sa pag-aalalga kay baby. Subalit importante rin ang sex para mas maging malapit kayong mag-asawa. Bigyan ng oras ang pagtatalik. Mag-relax at huwag magmadali habang ginagawa niyo ito para mag-enjoy kayo.
- Kausapin ang iyong partner. Maging open kay mister kung hindi ka nasisiyahan o nakakaramdam ng sakit habang nagtatalik. Ayon kay Dr. Laranang, dapat ay maintindihan ng lalaki kung hindi pa talaga handang makipagtalik ang kaniyang asawa.
“Ina-advise rin namin sa kanila na dapat maintindihan rin ng husband nila ang kalagayan ni mommy. So importante dito iyong communication ng husband and the wife.”
Kung gusto nang makipagtalik pero wala pang balak sundan agad si baby, kumonsulta sa iyong doktor at alamin kung anong birth control method ang pwede niyong gamitin.
Ang pagpapadede o exclusive breastfeeding ay isang natural form ng contraception. Ayon kay Dr. Laranang,
“Ito iyong tinatawag nating lactation amenorrhea o kung saan exclusively breastfed si baby. Ang mechanism kasi nito ay sinusurpress niya iyong hormone na inirerelease for ovulation.”
Gayundin, ipinapayo ng doktora na maghintay muna ng kahit dalawang taon bago magbuntis uli.
“Generally, ang birth spacing ay dapat at least 2 years. Ito rin iyong spacing na kung saan kaialngan mong ibuhos sa baby mo sa pagpapalaki sa pag-aalaga.
And also para sa mga health complications nga tulad ng may diabetes, highblood, ito rin iyong time for healing para ma-treat ka and also ma-prepare ka rin for next childbirth.”
Walang rason para hindi manumbalik ang sex life niyong mag-asawa. Basta siguruhin lang na handa na ang iyong isip at katawan bago makipagtalik ulit.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa pakikipagtalik pagkatapos manganak, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong OB-Gynecologist.
Source:
Healthline, Mayo Clinic, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.