Ang tiyansa ng pagkakaroon ng kambal sa pamilya ay napakabihirang mangyari. Isa sa 30 pagsilang ay kambal o nasa 3 porsiyento lamang ng pangkalahatang populasyon sa mundo. Isa sa 700,000 naman ang pagsilang ng multiple set ng kambal, ayon sa pag-aaral na ginawa ng Royal College of Midwives sa United Kingdom.
Puro kambal sa pamilya
Isa sa mga pamilyang may mga kambal na anak ay ang pamilya Solis sa Pangasinan. Itinampok sila sa isang segment ng Kapuso mo, Jessica Soho at ibinahagi ang kwento ng kanilang pamilya.
Nagkaroon ng 2 set ng kambal na anak ang padre de pamilya na si Reynaldo sa 2 babae na kaniyang nakarelasyon. Nalayo sa kaniya ang kaniyang kambal na lalaki mula kay Aida habang nasa kaniyang poder naman ang kambal na babae mula sa asawang si Jesselle.
Lumipas ang panahon at yumao na si Reynaldo. Naging palaisipan sa kaniyang kambal na lalaki ang pagkakakilanlan ng kanilang ama at inusisa ito sa kanilang ina na si Aida. Sa pamamagitan ng Facebook, ay napagbuklod ang magkakapatid sa ama.
Sa isang nakakatuwang tagpo, ang isa sa mga kambal na babae ni Reynaldo ay nagkaroon rin ng sarili niyang kambal na anak.
Ang posibilidad ng pagkakaroon ng kambal sa pamilya
May dalawang uri ng kambal: ang identical twins at ang fraternal twins.
Ang identical twins ay ang pagkakaroon ng kambal na nanggaling sa iisang zygote o fertilized egg cell at nahati sa dalawa sa panahon na ito ay nagsisimulang mabuo, dahilan upang magkaroon ng dalawang indibidwal na embryos. Ito rin ang dahilan kung bakit magkapareho ang DNA ng mga identical twins.
Samantala, ang fraternal twins naman ay ang pagkakaroon ng kambal galing sa dalawang fertilized egg cell ng ina. Magkaiba ang kanilang mga DNA at kadalasang babae-lalake ang mga ipinapanganak na fraternal twins.
Namamana ng bawat henerasyon ng pamilya ang pagkakaroon ng fraternal twins at kabaligtaran naman ito ng pagkakaroon ng identical twins.
Hindi nadedetermina sa pisikal na anyo ng mga kambal kung sila ba ay fraternal o identical. Tanging sa DNA testing lamang ito nalalaman. Anuman ang maging resulta, ang mga bata ay parehong natatangi sa bawat isa.
Litrato ng mga kambal na anak ni Reynaldo Solis | Image source: Kapuso mo, Jessica Soho
Paano namamana ang pagkakaroon ng kambal?
Ang genetics ng isang ina ang pinakasusi sa pagkakaroon ng kambal sa pamilya. 3 beses na mas malaki ang tiyansa ng pagkakaroon ng kambal kung nasa lahi ng ina ang pagkakaroon nito.
Samantala, walang kakayahan ang genes ng isang ama upang mabuntis ng kambal ang kanyang asawa. Ito ay dahil nakasalalay sa egg cells ng ina ang pagkakaroon ng kambal na anak.
Ngunit, kung ang ama ang may lahi ng kambal sa pamilya, maaari niya itong maipasa sa kanyang anak na babae. Ang anak na babae ang may posibilidad na magsilang ng susunod na henerasyon ng kambal sa pamilya.
May kinalaman din ang paligid, lifestyle, nutrisyon, edad at kalusugan ng isang babae sa pagbubuntis ng kambal bukod sa pagkakaroon ng genes ng kambal. Kaya may ilang paraan din na maaaring gawin ang isang babae upang mapataas ang kanyang tiyansa na magbuntis ng kambal.
Source: NHS, Verywell Family, Healthy Children, BabyCentre, The Tech, KMJS
Images: Screenshots mula sa Kapuso mo, Jessica Soho Youtube page
BASAHIN: Mga paraan na nakakapagpataas ng chance na magbuntis ng kambal
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!