Natagpuang wala nang buhay ang 10-buwang gulang na baby na si Mary sa kaniyang kuna sa kanilang bahay sa Michigan. Ang diumanoy rason: kapabayaan ng magulang.
Dehydration at malnutrisyon
Tumawag sa 911 ang ama ni Mary na si Seth Welch nang matagpuan niyang patay na ang bata sa crib nito. Nang dumating ang mga first responders, napansin nilang lubog ang mga mata ng bata at tila payat ito. Ayon sa autopsy report, namatay ang baby dahil sa dehydration at malnutrisyon.
Nakapag-post pa ang tatay sa kaniyang Facebook at sinabing, “Heart is about shattered right now. Woke up to Mary dead in her bed this morning…” (Durog ang puso ko ngayon. Nagising ako na patay na si Mary sa kaniyang kama kaninang umaga.)
Ayon sa ulat ng Daily Mail Online, napansin ng mga magulang ni Mary—sina Sam Welch at Tatiana Fusari, parehong 27 anyos—na tila payat ito at underweight. Mahigit na isang buwan na nilang diumano pinaghihinalaan na hindi maayos ang lagay ng kanilang anak.
Ayon sa imbestigasyon, inamin ni Sam na napag-desisyunan nilang hindi ipatingin ang kanilang anak sa ospital dahil takot silang kunin ng Child Protective Services si Mary sa kanila. Hindi rin daw siya naniniwala sa kakayahan ng mga duktor at inilista rin ang “religious reasons” kung bakit hindi pina-check-up ang bata.
Facebook posts
Sa Facebook account ni Sam, madalas siyang mag-post ng kaniyang mga pananaw. Proud niyang sinabi na hindi niya pinapabakunahan ang kaniyang mga anak. (Bukod kay Mary, mayroon pa siyang dalawang anak na may edad na 2 at 4.)
Saad nito na sa teorya ng ebolusyon, mayroong “survival of the fittest” kung saan ang mga malalakas lamang ang nabubuhay para mapabuti ang lahi.
“It didn’t seem smart to me that you would be saving people who weren’t the fittest. If evolution believes in survival of the fittest, well then why are we vaccinating everybody? Shouldn’t we just let the weak die off and let the strong survive?”
(Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan i-salba ang mga mahihina. Kung ang ebolusyon ay nakadepende sa pag-survive ng mga malalakas, bakit natin kailangan bakunahan lahat ng tao? Hindi ba dapat hayaan na lang natin na mamatay ang mahihina at mabuhay ang malalakas?)
Tinawag din niya ang mga duktor na “priesthoods of medical cult.”
Bukod pa sa paniniwalang ‘yan, sinabi rin niya na, may kontrol ang Diyos sa lahat ng bagay, kasama na ang mga sakit at kamatayan. Naniniwala siyang kailangan magtiwala ang mga tao dito.
Hinihinala ng mga awtoridad na isa ang matinding paniniwala sa Diyos na dahilan kung bakit hindi dinala ng mag-asawa ang anak nila sa duktor.
Kasong murder
Laking gulat ni San at Tatiana nang kasuhan sila ng murder.
Dahil sa diumanong kapabayaan ng magulang na hindi ipatingin ang anak nila, nahaharap ngayon sa kasong murder ang mag-asawang Sam at Tatiana. Laking gulat nila nang marinig ang ihinaing kaso sa kanila.
Kasalukuyan namang tinanggal sa kustodiya ng mag-asawa ang kanilang mga natitirang anak. Nakatira ang mga ito sa lolo’t lola nito. Pinagbawalan si Sam at Tatiana na kontakin ang mga anak nila.
SOURCE: Daily Mail Online, Washington Post
Basahin: 11-buwan baby, namatay matapos madaganan ng yaya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!