Isang yaya ngayon ang nakakulong dahil sa kasong manslaughter matapos niyang mapatay ang inaalagaang 11-buwan na baby. Ayon sa pabayang yaya, hindi naman raw niya sinadya ang pangyayari, at sinusubukan lang patulugin ang sanggol.
Ngunit base sa CCTV footage, posibleng sinadya ng yaya ang pangyayari. Ating alamin ang mga detalye ng kasong ito.
Pabayang yaya, napatay ang inaalagaang baby
Nangyari raw ang insidente sa isang daycare center sa Taipei, Taiwan.
Batay sa CCTV footage, makikitang dinaganan ng yaya ang baby habang nasa higaan. Matapos ang ilang minuto ay makikitang tila pinipilit ng sanggol na pumakawala, ngunit dinadaganan pa rin siya ng yaya.
Ilang minuto pa ang nakalipas, at tumigil na sa paggalaw ang sanggol. Pinuntahan naman ng yaya ang isa pang bata, at nakipaglaro dito.
Ayon sa yaya, sinusubukan lang raw niyang patulugin ang sanggol. Nang mapansin raw niya na hindi na ito gumagalaw, inakala niyang tulog na ang bata.
Nadala pa sa ospital ang sanggol, ngunit sa kasamaang palad ay idineklarang dead on arrival. Bukod dito, wala na rin daw vital signs ang bata habang dinadala sa ospital.
Kakasuhan ng manslaughter ang yaya
Dahil sa nangyari, ikinulong ang yaya dahil sa kasong manslaughter, ngunit pinakawalan rin matapos magbayad ng piyansa.
Magsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang mga awtoridad, at isasailalim sa autopsy ang sanggol upang malaman kung ano ang cause of death nito.
Panoorin dito ang video:
Mahalagang pumili ng mabuting yaya
Importante sa mga magulang ang makahanap ng yaya na kanilang mapagkakatiwalaan. Hindi lang sapat ang pagkakaroon ng kakayanan na mag-alaga ng bata, mahalaga rin na mayroong malasakit ang yaya sa inaalagaan niya.
Ngunit sa kasamaang palad ay hindi lahat ng yaya ay mayroong ganitong pag-uugali. May mga pagkakataon na wala talagang pakialam ang yaya sa bata, at binabalewala lang niya ang kapakanan nito.
Upang makaiwas sa ganitong klaseng yaya, heto ang ilang tips:
- Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation para maturuan at mapaalalahan ang yaya sa mga dapat niyang gawin at sa mga karapatan niya. At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang yaya na mag-aalaga sa isang bata. Ang pagdaan din ng isang yaya sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.
- Kailangan nyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.
- Kung kukuha naman ng yaya ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na yaya sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.
- Mabuti ring kumuha ng yaya na angkop ang edad sa aalagaang bata. Ayon parin sa Maid Provider Incorporated, kung ang aalagaan ay baby pa, mabuting kumuha ng matatanda ng yaya na may higit ng karanasan sa pag-aalaga ng isang baby. Kung ang aalagaan naman ay toddler na, maari ng kumuha ng mga yaya na edad bente anyos pataas na may lakas para matingnan at maalagaan ang mga batang napaka-active sa ganitong edad.
- Mabuti ring kumuha ng isang yaya na may anak na, bagamat sinasabing maaring mahati ang oras nito sa iyong anak at sa mga anak niya. Ngunit mas magiging maganda ito dahil higit na alam niya kung paano mag-alaga ng isang bata sa paraan na ginagawa ng isang magulang.
- Maganda rin na kumuha ng yaya na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya na kung saan madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong kasama sa iyong bahay.
Source: Daily Mail
Basahin: Bata, napatay ni Yaya dahil sa away nila ng boyfriend bago ang Valentine’s Day
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!