Narito ang karaniwang problema ng mag-asawa na maaaring magdulot ng tuluyang pagkasira ng pagsasama.
Mga karaniwang problema ng mag-asawa
Ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa journal na Evolutionary Psychology, may 12 karaniwang problema ang nararanasan ng mga mag-asawa. Ang mga problemang ito kung mapapabayaan at hindi mapaguusapan ay maaaring magdulot ng tuluyang pagkasira ng relasyon. Natuklasan sa pag-aaral matapos magsagawa ng 40-minute survey sa 123 na Greek adults na may ka-relasyon.
Base sa resulta ng ginawang pag-aaral, ito ang mga 12 karaniwang problema ng mag-asawa na maaaring magdulot ng tuluyang pagkasira ng kanilang pagsasama. Ito’y nakasunod-sunod base sa pinakamadalas hanggang sa pinakamadalang na isyu na pinagtatalunan ng magkarelasyon.
1. Kawalan ng gana o enthusiasm sa isa’t isa.
Base sa resulta ng ginawang pag-aaral, ang nangunguna sa karaniwang problema na dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa ay ang kawalan nila ng interes o enthusiasm sa kanilang relasyon sa pagdaan ng panahon. Habang tumatagal ay nakikita umano nila ang relasyon nila sa asawa na boring at nakakapagod na. Kasunod nito ang unti-unti rin nilang kawalan ng malasakit o pagmamahal sa kanilang kapareho. Upang maiwasan ito ay panatilihing exciting ang inyong relasyon. Laging iparamdam sa iyong asawa ang pagmamahal mo kahit sa pamamagitan ng maliliit lang na bagay. Gaya ng pagsasabi pa rin sa kaniya ng salitang I love you o mahal kita. Sumubok din ng mga bagay na hindi ninyo pa nararanasan. Ito man ay sa pamamagitan ng isang activity o sa inyong pagtatalik. Pero mahalaga na bagong gawin ito ay ikonsulta muna sa iyong asawa o alamin muna ang gusto niya.
2. Mas mahabang oras sa trabaho kaysa makasama ang asawa.
Bagama’t kailangan nating magtrabaho para sa ating pamilya, isa ito sa karaniwang nagiging dahilan ng pagkasira ng pagsasama ayon sa pag-aaral. Dahil sa hindi mo napapansin, nawawalan ka na ng oras sa iyong asawa. Dahilan upang maramdaman niya na siya ay wala ng halaga sa ‘yo. Upang maiwasan ito ay huwag iuuwi ang trabaho sa bahay. O kaya naman balansehin ang iyong oras sa trabaho at pamilya. Tulad ng paglalaan ng weekends bilang work-free days at para lang sa quality time kasama ang iyong pamilya.
3. Kawalan ng personal time o space.
Pangatlo sa sinasabing dahilan o karaniwang problema na kinahaharap ng mag-asawa ay kawalan ng personal time o space ng isa’t isa. Ang epekto umano nito ay nasasakal ang isa sa magkarelasyon. Sapagkat sa laging nakabantay ang asawa nila sa lahat ng kanilang ginagawa. At lagi itong may nasasabi sa bawat aksyon nila.
Iwasan itong mangyari sa inyong relasyon sa pamamagitan ng pagrespeto sa mga activity o bagay na gustong gawin ng inyong asawa. Paminsan-minsan ay hayaan siyang lumabas kasama ang kaniyang mga kaibigan. O kaya naman ay hayaan siyang gumawa ng mga aktibidad na makakapagpasaya sa kaniya basta’t ito ay hindi nakakasama sa inyong relasyon.
4. Character issues o individual differences ng isa’t isa.
Isa rin sa sinasabihang karaniwang dahilan ng problema ng mag-asawa ay ang ugali ng isa’t isa na hindi nila gusto at matanggap. Dito nagsisimula ang mga pagtatalo na nauuwi sa mas malaking away sa pagdaan ng panahon.
Upang maiwasan itong makasira sa inyong relasyon ay maging open sa iyong asawa. Ipabatid sa kaniya ang ugali niyang hindi mo gusto at kung paano ito nakakaepekto sa pagsasama ninyo.
5. Labis na pagiging clingy ng isa sa mag-asawa.
Ang pagiging clingy ay palantandaan ng sweetness sa relasyon. Ngunit ito ay hindi dapat sumobra. Dahil ayon sa ginawang pag-aaral, ito’y isa rin sa pinagsisimulan ng problema ng mag-asawa. Palatandaan kasi ito na sobrang dependent sa relasyon ang isa sa mag-asawa. Ang epekto nito ay mas nagiging paranoid o takot siya na masira ang kanilang relasyon. Mas nagiging seloso ito o selosa na minsan ay sobra na at wala sa lugar.
Para maiwasan ito ay dapat magkaroon pa rin ng oras ang mag-asawa sa sarili nila. Kailangan ding huwag tumigil ang bawat isa sa paggawa ng mga bagay na ikakaunlad ng kaniyang sarili o pagkatao. Higit sa lahat kailangang panatilihin ng mag-asawa ang tiwala sa isa’t isa.
6. Kawalan ng satisfaction sa pakikipagtalik.
Ayon sa isang pag-aaral, hindi basehan ng masayang relasyon ang dalas ng pagtatalik. Pero hindi dapat ito mawala at sa oras na gawin ng mag-asawa ay dapat pareho silang masa-satisfy o masisiyahan. Ito rin ang natuklasan ng ginawang pag-aaral tungkol sa 12 karaniwang problema ng mag-asawa na tampok sa artikulong ito. Kung wala umanong sexual chemistry ang mag-asawa ay mas nahihirapan silang i-maintain ang intimacy sa isa’t isa.
Kaya naman panatiliihin ang init sa inyong pagsasama. Maging open sa iyong asawa sa mga bagay na gusto mong subukan sa inyong sex life. Ngunit, dapat ang pinakaimportante sa lahat ay maglaan kayo ng oras sa isa’t isa.
7. Pagtataksil o pananakit sa asawa.
Ang pagtataksil sa asawa ang isa rin sa mga dahilan kung bakit nasisira ang isang relasyon. Ganoon din ang pang-aabuso o pisikal na pananakit. Ngunit ang mga ito ay epekto ng mga naunang nabanggit na dahilan ng problema ng mag-asawa. Ito rin ay isa sa palatandaan na ang relasyon ay wala ng respeto o hindi na masaya para sa bawat isa.
8. Hindi pagkakasundo sa paraan ng pagpapalaki ng anak.
Ayon pa rin sa pag-aaral, ang hindi pagkakasundo ng mag-asawa sa kung paano palalakihin ang kanilang anak ang isa sa mga problemang nagdudulot ng pagkasira ng pagsasama. Mayroon din namang nagsabi na mas lamang ang oras na ibinibigay ng asawa nila sa anak nila. At hindi napapansing unti-unti na pala nitong napapabayaan ang kanilang relasyon.
9. Hindi pagpapakita ng effort sa pagsasama.
Nagiging dahilan din ng problema sa pagitan ng mag-asawa ang hindi pagpapakita ng effort ng isa sa kanila. Dahil sa ito ay nagpapahiwatig umano na hindi sila mahalaga pati na ang nararamdaman nila.
10. Social circle issues o problema sa mga taong nakapaligid sa mag-asawa.
Maaari ring maging dahilan ng pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa ang mga taong nakapaligid sa kanila. Tulad ng mga kaibigan o in-laws na hindi nila nakakasundo at nakakaapekto sa desisyon o choices nila sa buhay.
11. Hindi pagiging kontento sa isa o paghahanap ng iba.
Ito rin ay may kaugnayan sa pagtataksil. Subalit sa dahilang ito ay hindi lang basta nagkakaroon ng affair ang isa sa mag-asawa sa ibang babae o lalaki. Maaaring ito rin ay kanilang ginagawa sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang asawa sa kanilang ex o kaya naman sa ibang tao na wala namang kinalaman sa kanilang relasyon.
12. Mga behavioral issues ng mag-asawa tulad ng pagbibisyo.
Ang pagkakaroon ng bisyo o psychological problem ng isa sa mag-asawa ay isa rin sa karaniwang problema ng mag-asawa. Dahil sa ito ay nagiging ugat ng mas marami pang problema. Kabilang na rin rito ang labis na pagde-depend ng isa sa mag-asawa sa iba. Isang bagay na hindi dapat. Sapagkat bilang mag-asawa ang inyong concentration ay dapat sa iyong partner, relasyon at pamilya lamang.
Ang mga nabanggit na karaniwang problema ng mag-asawa ay dapat pilitin ninyong maiwasan. Kung sakali mang isa sa mga ito ay inyo ng nararanasan, masosolusyonan lamang ito sa isang paraan. Ito’y sa pamamagitan ng pag-uusap upang magkaalaman ng inyong nararamdaman at kayo ay magkaintindihan.
Source:
BASAHIN:
EXPERT: Hindi pag-gamit ng cellphone pagkasama ka—senyales na mahal ka ng asawa mo
6 na epekto ng stress na pumapatay sa relasyon ng mag-asawa