Upang makamit ang tagumpay, mahalaga ang pagpupursigi, at ang pagiging matiyaga sa anumang gawain. At napatunayan ito ng isang barangay tanod na hindi lang nagtapos ng kursong civil engineering, ngunit naging cum laude pa! Ating alamin ang kuwento ni Janryll Tan at ang kaniyang pinamalas na kasipagan sa pag-aaral.
Kasipagan sa pag-aaral, nagbubunga ng tagumpay
Para sa mga kaklase ni Janryll Tan, isa siyang mabuting ehemplo sa kasipagan at pagpupursigi. Tubong Cebu, si Janryll ay nagtatrabaho bilang isang barangay tanod habang sinasabay ang pag-aaral ng kursong civil engineering.
Binansagan pa nga siyang “Lodi” ng kaniyang mga kaklase, dahil sa kaniyang husay. Ang tatay ni Janryll na si Jerry ay nagtatrabaho bilang isang lupong tagapamayapa, at nagmamaneho ng habal-habal para mag-sideline. Pinagkakasya raw niya ang kaniyang kinikita para sa pag-aaral at pangangailangan ng kaniyang anak.
Ayon pa sa kaniyang ama, madalas ay nakikita niyang nag-aaral si Janryll habang nagbabantay sa kanilang barangay hall. Pero ayon kay Barangay Kalubihan chairman Rex Millan, kahit kailan raw ay hindi naging pabaya sa trabaho ang binata.
Bukod rito, SK treasurer rin daw si Janryll, at nakakabilib rin na binabalanse niya ang lahat ng kaniyang mga responsibilidad.
Kapag may tiyaga, may nilaga
At kahit mahirap ang buhay ni Janryll, at napagtagumpayan niya ito, at ngayon ay umaasa siyang maging isang lisensyadond civil engineer.
Nagmula raw sa broken family si Janryll, at may mga pagkakataon pa raw na natutulog ito sa barangay hall para makaraos sa araw-araw. Napakalayo na ng narating ni Janryll, dahil bukod sa pagtatapos sa pag-aaral, ay nagtapos siya na mayroong mga honors sa University of Cebu.
Hindi na rin ito nakakagulat, dahil kahit sa grade school at high school, valedictorian na raw si Janryll.
Ngayon, naka-focus siya sa pagpasa sa licensure exam sa civil engineering. Umaasa siyang kapag isa na siyang ganap na engineer ay makukuha na niya ang tagumpay na kaniyang pinagsikapan ng matagal na panahon.
Mahalaga ang paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak
Hindi maitatanggi na malaki ang epekto ng mga natututunan ng mga bata sa kanilang magulang sa magiging ugali nila paglaki. Kung ano ang kanilang mga ugaling nakikita sa kanilang mga magulang, kamag-anak, at kaibigan, ay kanilang gagayahin at dadalhin pag tumanda na sila. Kasama na rito ang pagiging masipag, masigasig, at pagpupursigi.
Kaya importante na bigyang-pansin ng mga magulang ang behavior ng bata. Ito ay upang hindi lang masiguradong magiging successful sila paglaki, ngunit upang lumaki silang mabuting mga tao.
Heto ang ilang mga tips upang magawa ito:
- Turuan silang maging matulungin sa kapwa, at huwag maging makasarili
- Ituro sa kanila ang halaga ng pakikipagkaibigan, at ang pagkakaroon ng pag-unawa sa kapwa
- Ipakita sa kanila na mas mabuting maging mabait sa kapwa, kaysa sa saktan o abusuhin ang iba
- Ilayo sila sa mga agresibong pag-uugali, at ang pisikal na komprontasyon
- Busugin sila ng pagmamahal, at huwag silang saktan, sigawan, o kaya iparamdam na hindi sila sapat
- Ituro sa kanila ang halaga ng pagsusumikap, at ang hindi mawalan ng loob
Source: ABS-CBN News, Cebu Daily News
Basahin: Why this graduate is proudly holding a WALIS will warm your heart!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!