Ang pag-aaway o hindi pagkakaintindihan ay tunay na hindi maiiwasan lalong-lalo na sa emosyon na dala nito. Ang isang napakahalagang bagay na dapat alalahanin sa lahat ng pagkakataon ay ang mga maaaring kahinatnatnan ng mga aksyon o salita ng isang tao laban sa isa pa. Isa sa mga pangkaraniwang resulta ng mga pagaaway na humahantong sa korte ay ang pagkakaroon ng kaso sa paninirang puri.
Alamin natin kay #AskAtty kung ano nga ba ang paninirang puri, ano ang mga parusa nito, at ano ang kailangang gawin upang matagumpay na makapagsampa ng kaso sa paninirang puri.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang defamation o paninirang puri?
Ang defamation ay paninirang puri sa reputasyon at karakter ng isang tao. Ito ay tinatawag na libel kung nakasulat, at slander naman kung naisagawa ng pasabi o sa pamamagitan ng mga salita (verbal).
Tama, anumang sabihin ng isang tao na nakakasira sa reputasyon ng iba ay mayroong karampatang kaso at parusa. Kaya naman laging pagingatan ang mga salitang ating binibitawan.
Paliwanag ni Atty. Ramon delas Alas, libel man o slander, kailangang may “publication”—o naisulat ang paninirang puri at may nakabasa nito maliban sa taong sinisiraan.
“Ang taong nakabasa ang siyang magiging witness at ang statement niya ang pangunahing ebidensiya na kailangan,” dagdag ni Atty. Delas Alas.
Tandaan din na sa ilalim ng batas, ang slander o oral defamation at libel ay magkaibang krimen, at may magkaibang parusa.
Sa ilalim ng Article 358 ng Revised Penal Code, maaaring makulong ang nagkasala ng defamation depende sa bigat ng kaso sa paninirang puri. Malalaman ang kaukulang parusa sa mga susunod na talata.
Kailan puwedeng magsampa ng kaso sa paninirang puri? Ano ang mga ebidensiyang kailangan?
Mga ebidensiyang kailangan para makapag-sampa ng kaso sa paninirang puri
Para mapatunayan ang prima facie defamation at makapagsampa ng kaso sa paninirang puri, ang isang plaintiff o complainant ay dapat magpakita ng 4 na sumusunod na bagay:
- Isang false statement o maling salaysay, kasinungalingan o walang katotohanang pahayag na ipinahatid na totoo;
- Isang publication o komunikasyon ng isang salaysay sa isa pang tao o third person;
- Kasalanan o sala na naging sanhi ng kapabayaan;
- Damages o pinsala na naidulot sa plaintiff, na siyang paksa ng statement o salaysay.
Para maituring na ito ay kaso sa paninirang puri, dapat ang paninira ay sinabi ng pasalita, sa publiko o higit sa isang tao, at may malisya, at patungkol sa isang taong nabubuhay, na maaaring maging sanhi ng pagkasira ng kaniyang pangalan at reputasyon. Lahat ng ito ito ay dapat na may ebidensiya.
Maaari ding gamiting ang social media posts tulad ng Facebook post or Tweet bilang ebidensya. Ngunit ito ay dapat na mapatunayan sa pamamagitan din ng mga testigo na nakakita nito.
Mayroon bang nakalaan na buwan o taon sa pagsampa ng kaso ng paninirang puri?
Sa isang artikulo, sinagot ni Atty. Aeron Aldrich B. Halos ang katanungan ng isang indibidwal kung maaari pa itong magsampa ng kaso ng paninirang puri matapos ang isang taon ng nangyaring paninira.
Ayon sa Article 90 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 4661, hindi makakapagsampa ng kaso ang indibidwal dahil anim na buwan lamang ang panahong nakalaan para sa pagsampa ng kaso laban sa oral defamation o paninirang puri.
Tatandaan na ang pagsampa ng kaso ng paninirang puri ay kinakailangang maihain sa loob ng 6 na buwan. Gayundin sa slander by deed. Binibigyan naman ng isang taon para sa mga kaso ng libel at mga katulad na pagkakasala.
Ano ang Article 360 ng Revised Penal Code?
Ang article 360 ng Revised Penal Code ay isa sa mga batas sa paninirang puri. Ayon muli kay Atty. Delas Alas, kung ang paninirang puri ay oral o pasalita, dapat ay may testigo ding nakarinig sa nasabing sitwasyon na pumapayag tumayo bilang testigo sa korte. Ang testigo na ito ay malaki at may importanteng ganap sa pagusad at paglaban ng kaso.
Sa ilalim ng Article 360 ng Revised Penal Code, na sinusugan ng Republic Act bilang 1289, ang sinumang mag-lathala o magpakalat ng paninirang puri ay dapat managot sa batas.
“Any person who shall publish, exhibit, or cause the publication or exhibition of any defamation in writing or by similar means, shall be responsible for the same.”
Kasama dito ang may akda at editor ng isang libro o pamphlet na nagpahayag ng paninirang puri; pati na pahayagan o magazine kung saan inilathala ang paninirang puri ay may responsibilidad na dapat panagutan. Masasampahan din sila ng kaso sa paninirang puri.
Libel case naman ang tawag sa kasong maaaring isampa sa sino mang naninirang puri sa pamamagitan ng printed at written materials.
Samantala, nagiging mabigat ang kaso ng slander (grave slander), depende sa kanilang:
- Ginamit na mga salita;
- Personal na relasyon ng akusado at kaniyang nasaktan na tao; at
- Mga pangyayari o special circumstances ng kaso, pati na ang mga ebidensiya na magpapatunay at magpapakita ng intensiyon ng akusado laban sa plaintiff. Halimbawa, nagsampa ng kaso na Siyang biktima ng paninirang puri sa panahon ng paggawa ng krimen.
Ano ang dalawang uri ng Slander?
May dalawang uri ng slander: ito ay ang simple at grave.
Ang simple slander ay may mababang parusa, at ang grave slander naman ay may mas mataas na parusa.
Kung ang slander ay nangyari sanhi ng galit o init ng ulo ng akusado, at may ganting paghahamon o pagbabanta ng pananakit ang nag-aakusa o biktima ng slander, ito ay itinuturing na simple slander, at hindi mabigat ang parusa.
Sa ilalim ng Local Government Code of 1991, kailangang dumaan muna sa barangay para makapagsagawa ng mandatory conciliation kung ang isasampang kaso sa paninirang puri ay dahil sa simple slander.
Kung seryoso at malubha ang ginawang paninirang puri, at walang galit o iginanti ang biktima ng slander, na nakakasira ng reputasyon, ito ay grave slander.
Sa kasong ito naman ay maaaring diretso nang isampa sa fiscal o sa hukuman at hindi na nangangailangang dumaan pa sa barangay.
Ang simple slander ay mayroong karampatang parusa na “arresto menor or 1 day to 1 month or a fine not exceeding P20,000.”
Ang grave slander naman ay maaaring mapaparusahan ng “imprisonment of arresto mayor in its maximum period to prision correccional in its minimum period or 4 months and 1 day to 2 years and 4 months or a fine ranging from P20,000 to P100,000.”
May hiwalay pang kaso ng paninirang puri kung may kasamang pananakit sa plaintiff o nag-aakusa. Ito ay tinatawag na slander by deed.
Halimbawa, kung sa gitna ng nangyaring oral defamation ay ang isang biktima ay nasampal o nasaktan ng pisikal. Maaari rin itong magsampa ng kaso sa ilalim ng slander by deed.
Ayon sa Article 459 ng Revised Penal Code, ang slander by deed ay may kaparusahan na aabot ng “arresto mayor maximum to prision correccional minimum or four (4) months and one (1) day to two (2) years and four (4) months or a fine ranging from P200. 00 to P1,000.00”.
Laging may lamang ang may alam. Kaya naman sa bawat sitwasyon, nakakabubuti ang pagkakaroon ng kaalaman sa kung ano ang maaaring mangyari sa iba’t ibang kaso tulad ng paninirang puri. Ikaw man ay biktima nito o isang nasasakdal.
Paninirang puri sa social media
Ayon sa Republic Act No. 10175 o kilala rin sa tawag na Cybercrime Prevention Act of 2012, ang cyber libel ay paninirang puri sa pamamagitan ng social media. Maaaring sampahan ng kaso sa paninirang puri ang isang taong nanira ng reputasyon o nagsabi ng mga paninira sa pamamagitan ng pagpo-post sa social media tulad ng Facebook, Twitter, at Instagram.
Kailangang may nakalagay umanong pangalan o pagkakakilanlan ang taong sinisiraan sa social media post. Subalit, pwede pa ring magsampa ng kaso sa paninirang puri ang isang tao kung hindi man nabanggit ang kaniyang pangalan pero malinaw na siya ang tinutukoy sa mga ebidensya at kabuuan ng post o comment sa social media.
Ang mga taong mapatutunayang lumabag sa cyber libel ay may karampatang parusa na:
- Pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon
- 200 to 6,000 pesos na penalty bilang karagdagan sa civil action na inihain ng offended party.
Kung magsasampa ng kaso ng paninirang puri sa social media, kailangan ng screenshot ng post o comment. Magsisilbi itong ebidensya sa kasong nagawa ng suspek.
Samantala, kung ang paninirang puri ay ginawa sa pamamagitan ng pagse-send ng private message sa social media o text, ay hindi ito tinuturing na cyber libel. Kailangan kasing mayroong ibang nakabasa, o isinapubliko ang paninira para maituring itong cyber libel case.
Subalit, maaari pa ring gamiting ebisensya ang paninirang puri sa private message para makapagsampa ng kasong unjust vexation.
Ang unjust vexation ay tumutukoy sa hindi makataong pang-aasar o pang-iinis sa pamamagitan ng salita o kilos na maaaring makaapekto sa tao. Ito ay itinuturing ding paglabag sa batas sa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code.
Maaaring makulong ng isa hanggang 30 araw ang sino mang mapatunayang nagsagawa ng unjust vexation. Pwede ring pagbayarin ito ng multa na lima hanggang 200 piso.
Republic Act (RA) 10627: Paninirang puri sa mga paaralan
Kung ang paninirang puri ay ginawa ng estudyante o grupo ng mga estudyante laban sa kapwa estudyante, saklaw ito ng RA 10627 o ng Anti-Bullying Act of 2013.
Pinoprotektahan ng nasabing batas ang mga mag-aaral laban sa bullying. Maaaring ang bullying ay sinagawa sa pamamagitan ng paninirang puri o pananakit nang pisikal at emosyonal sa isang estudyante, sa porma na nasusulat, sinalita, o ipinost sa social media.
Kalimitan ng case ng paninirang puri ay maaaring mag-ugat sa mga estudyante at batang nakakaranas din ng abuso at paninirang puri mula sa ibang tao, lalo na sa kanilang tahanan.
Ang mga case na tulad na ito ay mahigpit dapat na ipinapatupad at idinidiin sa Prefect of Discipline. Dagdag pa, kailangan itong mabasa at mailagay sa student handbook ng mga mag-aaral.
Maaaring sampahan ng kaso sa paglabag sa RA 10627 ang sino mang mag-aaaral o grupo ng mag-aaral kung sila ay:
- Pisikal na nanakit ng kapwa estudyante. Halimbawa ay nanuntok, nanulak, nanipa, nanampal, at iba pa.
- Kung gumawa ng mga aksyon at nagsalita nang nakaaapekto sa emotional well-being ng biktima.
- Nagpahayag ng paninirang puri na nagdudulot ng emotional distress sa biktima.
- Pinagmumura, tinawag ng kung anu-ano (name calling), at nilait ang pananamit, itsura, at katawan ng biktima.
- Cyberbullying o ano mang bullying na ginawa sa pamamagitan ng teknolohiya. O kaya naman electronic means tulad ng social media at text messages.
Sa usapin ng antas o lebel ng mag-aaral, legal na magka-kaso o pwedeng sampahan ang mga nasa legal age. Kalimitan, sa mga antas kolehiyo nagiging mabisa ang legal na pagsasampa ng kaso na pasok sa R.A. o Republic Act 10627 o paninirang puri.
Mga kaso na pwedeng isampa sa paninirang puri
Tulad ng mga nabanggit sa taas, may iba’t ibang halimbawa ng paninirang puri ayon sa law. Nakadepende sa kung paano isinagawa ang paninirang puri, ang case na pwedeng isampa laban sa may sala.
Kung ang iyong anak ay dumanas ng anomang case ng paninirang puri sa paaralan, maaari kang magsampa ng kaso. Ito ay ang paglabag sa Anti-Bullying Act of 2013.
Kapag ang naranasan naman ay paninirang puri sa pamamagitan ng mga sumusunod ito ay sakop ng libel case o paglabag sa Article 355 ng Revised Penal Code.
- Painting
- Theatrical exhibition
- Writing
- Printing
- Engraving
- Cinematographic exhibition
Kapag ang paninirang puri ay isinagawa naman sa pamamagitan ng pagpapaskil sa social media. Ito ay paglabag naman sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Habang unjust vexation naman ang kasong maaaring isampa sa paninirang puri sa pamamagitan ng private message.
Samantala, kapag ang paninirang puri ay ginawa sa pamamagitan ng pagsasalita, slander case o oral defamation ang maaaring isampang kaso sa may sala.
Maaaring gawing testigo ang sarili kung direktang sinabihan ng paninirang puri ang biktima. Pwede rin namang humingi ng tulong sa mga nakakita at nakarinig ng ginawa ng may sala.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Atty. Ramon delas Alas, attorney-at-law; De Leon v. People, G.R. No. 212623, January 11, 2016, 779 SCRA 84; PhilStar; Manila Times; Supreme Court E-Library; Nicolas and De Vega Law Offices; The LawPhil Project, e-lawyers online, Attorneys of The Philippines, Official Gazette of the Republic of the Philippines
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.