Kasong parricide ngayon ang hinaharap ng isang ina sa Batangas matapos gilitan ang leeg ng isang taong gulang niyang anak.
Inang nahaharap sa kasong parricide
Patay ang isang taong gulang na batang lalaki matapos gilitan ang leeg niya ng sarili niyang ina.
Kwento ng mga pulis nadatnan nalang nila ang bata na duguan na. Habang ang ina naman nito ay tuliro at wala sa sarili sa inuupahan nilang apartment sa Mataasnakahoy, Batangas.
Nang kanilang suriin ang sanggol ay nagtamo ito ng mga sugat sa leeg. At ang mga sugat nito ay tumutugma sa nakitang gulok sa kanilang apartment na may bahid din ng dugo.
Ang ina ng bata ang pangunahing suspek dahil sila lamang ng bata ang naiwan sa apartment ng maganap ang krimen. Abot-abot din ang paghingi ng tawad ng ina na sinabing pinagsisihan ang nangyari.
” Wala po ako sa sarili, pinagsisihan ko naman po e”, pahayag ng suspek na ina.
Ayon naman sa mga pulis ay wala daw sintomas na gumagamit ng illegal na droga ang suspek. Ngunit may paulit-ulit lang itong sinasabi.
“Wala naman po kami nakikitang sintomas na gumagamit siya ng illegal na droga. Sa ngayon po ang paulit-ulit niyang sinasabi ay nandilim lang ang paningin niya.”
Ito ang pahayag ni P/Cpt. Prince Palma ng Mataasnakahoy Police Station.
Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong parricide dahil sa kaniyang nagawa.
Mga inang naiugnay sa krimen o pagpatay ng sarili nilang anak
Ang nangyaring insidente ay isa lamang sa mga kaso ng mga inang pinatay ang sarili nilang anak o tinatawag na maternal filicide.
Ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa journal na World Psychiatry, ang mga inang nasangkot sa maternal filicide ay naitalang nakaranas ng depression, psychosis, mental health treatment at suicidal thoughts bago nila gawin ang krimen.
Sinuportahan naman ito ng isang unpublished compilation ng 800 na published cases ng filicide. Na kung saan 65 sa mga ito ang dahil umano sa postpartum psychosis na naranasan ng mga ina sa loob ng isang taon matapos silang makapanganak.
Postpartum psychosis
Ang postpartum psychosis ay ang mood episode na nararanasan ng isang babaeng bagong panganak. Ilan sa sintomas nito ay paranoid thoughts, hallucinations o disorganized thinking.
Ayon sa American Psychiatric Association, ang postpartum psychosis ay nararanasan ng isa o dalawa sa kada 1,000 na babaeng bagong panganak. Bagamat hindi lahat sa mga ito ay nauwi sa pagpatay nila sa kanilang mga sanggol, ang iba ay naiulat na sinaktan ang kanilang sarili o kaya naman ay ang anak nila.
Dahil sila ay nawawala sa kanilang sarili at maaring makapanakit, ang mga eksperto ay itinuturing ang kondisyon na isang clinical emergency. Lalo pa’t ang hindi nalunasan na postpartum psychosis ay nauuwi sa 4% risk ng infanticide o pagpatay sa sanggol na 12 buwan pababa at 5% risk ng suicide.
Natuklasan rin ng mga medical researchers na ang postpartum psychosis ay may kaugnayan sa major-depressive order na si schizophrenia at bipolar disorder. Ang mga ito ang itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng postpartum psychosis ng mga babae. Bagamat ilan sa mga babaeng nakaranas nito ay walang naitalang history ng kahit anong mental illness.
Ang postpartum psychosis ay madalas na simulang nararanasan ng isang babae dalawang linggo matapos makapanganak.
Sintomas ng postpartum psychosis
Ang mga sintomas nito ay ang sumusunod:
- Delusions o strange beliefs
- Hallucinations o pagkakita o pagdinig ng mga bagay na wala namang katotohanan
- Pakiramdam ng sobrang pagiging irritable
- Hyperactivity
- Hirap na makatulog
- Paranoia o pagiging mapaghinala
- Madalas at mabilis na mood swings
- Hirap makipag-usap o sabihin ang kaniyang nasa isip
Kung mapapansin ang isang ina lalo na ang mga bagong panganak na nagpapakita ng mga nasabing sintomas, mabuting dalhin na siya agad sa isang doktor. Ito ay upang malaman ang tunay niyang kalagayan at malunasan ang kaniyang sitwasyon. Para ito ay hindi na lumala at humantong pa sa pananakit o karumaldumal na insidente.
Source: GMA News, NCBI, NCBI, The Atlantic, Postpartum Support International, NHS
Basahin: Mental Health Law: Mga benepisyo para sa may postpartum depression
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!