Katangian ng asawa mo mahalagang maging attractive para sa ‘yo. Alamin dito kung bakit ayon sa mga psychology at relationship experts.
Kung bakit dapat attracted ka sa katangian ng asawa mo
Crush mo ba ang asawa mo bago naging kayo? Kung oo, ayon sa mga marriage at relationship experts, mataas ang posibilidad na maging matibay at masaya ang inyong relasyon. Dahil sa ang physical attraction umano ang unang requirement para mas lumalim ang pagmamahal ng magka-partner sa isa’t isa.
Unang paliwanag nga rito ay ang resulta ng isang 2005 study. Ayon sa pag-aaral, ang physical attractiveness ang nagsisilbing gatekeeper para mapunta tayo sa healthy, age-appropriate at kayang mag-reproduce na partner sa buhay. Dahil ito umano ang madalas na ginagawa nating batayan sa pagpili ng ating makakarelasyon.
Pero ang pagiging physically attractive ay hindi lang binabatay sa good looks o itsura ng isang tao. Iniiugnay rin ito sa mga positive qualities na taglay niya. Maaaring ito’y dahil sa kaniyang edukasyon, humor, kindness at intelligence. Ang mga positive na katangian na ito ang maaaring magsilbing gabay para mas tumibay ang relasyon. Ito’y dahil sa sumusunod na dahilan at paliwanag:
Ang kawalan ng physical attraction sa pagitan ng mag-asawa ay maaring mauwi sa bad sex o hindi nakaka-satisfy na pagtatalik.
Ayon sa psychology, ang pagkakaroon ng physical attraction sa pagitan ng magkarelasyon ay sekreto sa pagkakaroon ng good sex o masarap na pagtatalik. Ito’y dahil kapag physically attracted ka sa isang tao ay laging excited ka sa tuwing kasama siya. Mas ginaganahan kang maging intimate o makipagtalik sa kaniya. Sa isang relasyon ay napakahalaga nito, sapagkat maraming relasyon ang nauuwi sa hiwalayan dahil sa kawalan ng ganang makipagtalik sa kanilang asawa.
Katumbas ng kawalan ng attraction sa iyong asawa ang kawalan ng affection sa kaniya.
Kapag hindi ka attracted sa iyong partner o asawa ay mababa ang tiyansa na magpakita ka ng affection sa kaniya. Tulad ng paghawak sa kaniyang mga kamay, paghalik at pagyakap sa kaniya na mga paraan nang pagpapakita ng pagmamahal.
Ayon pa sa mga relationship expert, ang mga magkarelasyon na walang attraction o affection sa isa’t isa ay bihira lang din nag-uusap. Kaya naman ang pagreresolba at pag-uusap tungkol sa kanilang problema ay mahirap para sa kanila.
Ang kawalan ng attraction sa katangian ng asawa mo ay maaaring maging dahilan upang ma-attract ka sa iba.
Base pa rin sa psychology, ang kawalan ng attraction sa katangian ng asawa sa isang magkarelasyon ang madalas na nagiging simula o dahilan ng pagkakaroon ng 3rd party sa pagsasama. Ito’y dahil ang attraction o affection na hinahanap nila ay nakikita nila sa iba at hindi sa kanilang asawa. Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nasisira ang isang relasyon o pagsasama.
Ang kawalan ng attraction sa pagitan ninyong mag-asawa ay maaaring maging dahilan ng kawalan ninyo ng respeto sa isa’t isa.
Kapag walang attraction sa pagitan ng mag-asawa mataas din ang posibilidad na mawalan sila ng respeto sa isa’t isa. Ito’y dahil hindi nila pinapahalagahan ang nararamdaman at iniisip ng bawat isa. Wala silang pakialam kung madi-disappoint o madidismaya nila ang isa’t isa. Kaya naman mas dumadalas ang hindi pagkakaintindihan at tumataas ang tiyansa ng pagpapalitan ng masasakit na salita.
Ang pagkakaroon ng attraction sa pagitan ninyong mag-asawa ay nag-iinspire at nag-momotivate sa isa o sa inyong dalawa.
Kapag attracted ka sa isang tao, ang gusto mo lang ay gumawa ng mga bagay na magpapa-impress sa kaniya. Kaya naman siya’y ginagawa mong inspirasyon at motibasyon upang maabot mo ang goals mo sa buhay. Isang magandang epekto o hakbang para sa iyong self-development at pagboboost ng iyong self-confidence.
Mas nababawasan ang tiyansa ng pag-aaway kapag physically attracted o attractive ka sa asawa mo.
Ayon pa rin sa psychology, ang pagtingin sa magagandang bagay ay nakakatulong upang maibsan ang mga negative feeling na ating nararamdaman. Tulad na lang kapag tayo ay nagagalit sa oras na umuwi ng late ang ating asawa o partner. Noong wala pa siya tayo ay galit-galit, pero sa oras na makita na natin ang kaniyang poging mukha ay parang may kumukurot sa ating puso. Hindi natin namamalayan tayo ay napapangiti at nawawala na ang galit na ating nararamdaman. Ang resulta nito nababawasan ang tiyansa ng pagtatalo o pag-aaway sa pagitan ninyong dalawa.
Sa mga nabanggit na dahilan saan ka pinaka-nakakarelate? O lahat ba ng nabanggit ay applicable sa relasyon ni mister? Kung oo, ay siguradong malayo at malalim pa ang maabot na inyong relasyon. Basta’t siguraduhin lang na ang inyong pagtingin sa isa’t isa ay nanatiling matamis. Ang mga katangian ng asawa mo na minahal mo sa kaniya ay patuloy mong mamahalin hanggang sa inyong pagtanda.
Source:
Psychology Today, Medium, PsychCentral
BASAHIN:
STUDY: Mga tatay na medyo mataba, mas mabubuting ama at asawa
STUDY: 12 common mistakes na nakakasira sa relasyong mag-asawa