Kidnap for ransom talamak ngayon sa bansa. Seguridad sa paaralan hinihimok na mas paigtingin para maprotektahan ang mga kabataan mula sa masasamang loob.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Kwento ng isang kidnap for ransom victim.
- Pagsisiguro ng seguridad ng iyong anak sa eskwelahan.
Kwento ng isang kidnap for ransom victim
Mainit na balita ngayon ang kwento sa pagkakakidnap ng isang foreign student na nag-aaral sa international school sa Taguig. Ang naturang estudyante dinukot at matagumpay na nailigtas matapos ang isang operasyon ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group (AKG).
Base sa reports, ang naturang estudyante naputulan ng isang daliri. Ito ay matapos hindi magbigay ang mga magulang niya ng hinihinging ransom ng mga kidnappers. Ang demand na ramsom ng kidnappers nagkakahalaga ng P20 milyon.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ang batang biktima ay huling nakita noong Pebrero 20, 2025. Ito ay matapos siyang sunduin ng kanilang family driver gamit ang isang Ford Everest SUV. Kinabukasan, natagpuan ang bangkay ng family driver sa loob ng ibang sasakyan sa San Rafael, Bulacan. Base sa imbestigasyon, may mga natuklasang mga ebidensyang na naglalaman ng impormasyon ukol sa sindikato. Kabilang ang mga larawan, mensahe, numero ng telepono, at estratehiya sa krimen.
Biktima naputulan ng darili matapos hindi magbigay ng ransom money ang magulang niya

Matapos hindi magbigay ng ransom money ang pamilya ng biktima ay nagpadala ang sindikato ng isang video kung saan pinutol ang bahagi ng kanang daliri ng bata. Noong sumunod na araw, humingi ng proof of life ang mga magulang ng biktima. Ang sunod na pinadala ng mga kidnapper ay isa pang video kung saan makikitang kumakanta ang bata ng paboritong awitin ng kanyang nakababatang kapatid.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Sec. Remulla na ang insidente ay may kaugnayan sa isang sindikatong binubuo ng mga dating kasapi ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“Ang mga kidnaper ay ginamit ang kanilang dating kasamahan mula sa POGO operations, kabilang ang ilang dating bodyguard na AWOL mula sa AFP at PNP.”
Ito ang sabi ni Remulla sa isang panayam.
Kidnappers gumagamit na ng makabagong teknolohiya
High tech narin daw ang mga gamit ng mga kidnappers ngayon. Kaya nahirapan silang agad na matunton ang mga ito. Gayunpaman, gamit ang advanced tracking technology ay natukoy at nailigtas ng PNP-AKG ang biktima na ayon sa isang hiwalay na report ay edad 14-anyos palang.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang sindikato sa likod ng pagdukot, at tiniyak ni Remulla na hindi titigil ang operasyon hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng nasa likod ng krimen.
Kaugnay ng insidente, nagbigay babala si Sen. Sherwin Gatchalian pagdating sa seguridad ng mga estudyante sa eskwelahan.
“Ito ay isang matinding babala sa ating mga paaralan na paigtingin ang seguridad at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga estudyante.”
Ito ang sabi pa ni Gatchalian.
Pagsisiguro ng seguridad ng iyong anak sa eskwelahan

Narito ang ilang mahahalagang tips upang masiguro ang seguridad ng iyong anak sa eskwelahan at maiwasan sila sa mga masasamang loob:
-
Siguraduhin ang ligtas na hatid-sundo.
- Pumili ng pinagkakatiwalaang driver o guardian para sa pagsundo at paghatid ng iyong anak.
- Turuan ang bata na huwag sumama kaninuman na hindi awtorisado ng pamilya.
- Gumamit ng code word sa pagitan ng magulang at bata upang makilala kung sino ang ligtas na sundo.
-
Ipaalam ang mahahalagang numero o emergency contact numbers.
- Turuan ang bata ng mahahalagang contact numbers tulad ng sa magulang, guro, o pulis.
- Ipakita sa kanila kung paano tumawag sa emergency hotlines.
-
Bantayan ang aktibidad ng bata sa eskwela.
- Siguraduhin na may sapat na security personnel sa eskwelahan.
- Alamin ang school policies tungkol sa seguridad at emergency protocols.
- Hikayatin ang bata na huwag lumayo sa school premises nang walang paalam.
-
Magturo ng awareness at self-defense.
- Turuan ang bata na maging mapagmatyag sa paligid at lumayo sa mga kahina-hinalang tao.
- Ipaalala sa kanila na huwag basta-basta tumanggap ng anumang bagay mula sa hindi kilalang tao.
- Mag-enroll sa basic self-defense classes kung posible.
-
Limitahan ang pagbabahagi ng impormasyon sa social media.
- Huwag i-post ang mga detalye ng daily routine ng bata online.
- Ingatan ang pagpo-post ng school uniform o location upang maiwasan ang masamang elemento.
-
Turuan ang bata ng tamang response sa panganib.
- Kapag may naramdamang panganib, turuan silang lumapit sa guro, security personnel, o opisyal ng paaralan.
- Ipaalala ang pagsigaw ng “Tulong!” o “Hindi kita kilala!” kung may nagtangkang lumapit sa kanila nang may masamang intensyon.
-
Makipagtulungan sa eskwelahan at kapwa magulang.
- Makipag-ugnayan sa ibang magulang upang magtulungan sa pagbabantay sa mga bata.
- Sumali sa mga school meetings at events na may kaugnayan sa seguridad.
Ang mga hakbang na ito ay makakatulong upang mapanatiling ligtas ang iyong anak at mabawasan ang panganib ng anumang insidente sa eskwelahan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!