Mayroon nanamang bagong naiulat na insidente ng kidnapping sa bansa. Sa pagkakataong ito, 2 bata ang muntik nang ma-kidnap sa isang barangay sa Camarines Sur. Ating alamin kung paano napigilan ang kidnapping attempt at nadakip ang mga suspek.
Kidnapping attempt, napigilan ng mga awtoridad
Pauwi na raw ang 2 bata na edad 11, at 16 nang sila raw ay harangin ng isang itim na pick-up truck ng mga alas-6 ng gabi. Ayon sa isa sa mga bata, na si “Ana,” hinawakan raw sila ng mga lalaki na nasa pick-up at ipinipilit silang pumasok sa sasakyan.
Tinadyakan raw niya ang isa sa mga lalaki, at dahil dito ay nakatakas sila at nakahingi ng tulong. Sa kabutihang palad, nakita ng residenteng si Rodolfo Caratao ang mga bata, at tinulungan sila. Sinundan raw niya ang sasakyan gamit ang kaniyang motorsiklo at humingi ng tulong mula sa mga pulis.
Hinarang naman ng mga awtoridad ang sasakyan ng suspek, na nahuli na nila sa kabilang bayan. Ayon sa mga suspek, naroon raw sila sa lugar para sa isang nature trip.
Kakasuhan naman sila ng abduction in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law dahil sa tangkang pangingidnap sa mga bata.
Paano masisigurado ang kaligtasan ng iyong mga anak?
Para sa mga magulang, ang mga sunod-sunod na nairereport na kaso ng kidnapping attempt ay labis na nakakatakot at nakakaalarma. Ito ay dahil tila walang pinipiling oras o lugar ang mga kidnapper na ito, kaya’t kahit sinong magulang ay natatakot na baka ma-kidnap ang kanilang anak.
Kaya heto ang mga tips para sa mga magulang upang masigurado nilang palaging ligtas ang kanilang mga anak:
- Siguraduhing natatanaw parati ang mga anak, lalo na sa pampublikong lugar.
- Makakatulong na pagsuotin ng makulay o matingkad na damit ang bata para madali itong makita sa mataong lugar.
- Huwag pabayaang gumala ang mga anak nang mag-isa. Siguraduhing parati silang may kasamang bantay.
- Magdala ng pito at gamitin ito para tumawag ng atensyon para humingi ng tulong.
- Siguraduhing alam ng bata ang mga importanteng impormasyon katulad ng pangalan niya, pangalan ng magulang, address, at numero ng telepono.
- Kapag nasa labas, turuan silang kumilala ng mga katiwa-tiwalang mga tao na puwede nilang lapitan sakaling sila ay mawala, tulad ng mga pulis at guard.
- Ituro sa kanila ang lugar na puwede nilang puntahan, tulad ng bahay ng kamag-anak o kaibigan.
- Kapag nasa mall, ituro sa kanila kung nasaan ang mga information counters.
Heto naman ang tips para sa mga bata:
- Ituro na hindi masamang sumigaw o humiyaw kapag nararamdaman nila na sila ay nasa panganib.
- Kailangan malaman nila kung paano tumawag ng pansin at magsalaysay ng pangyayari sa mga nakakatanda sa kanilang paligid.
- Tulungan silang magkaro’n ng kumpiyansa sa sarili. “Ang batang may kumpiyansa ay ang batang ligtas,” ayon kay Ernie Allen ng National Center for Missing and Exploited Children. Sa kanilang pag-aaral, ang mga batang nakakatakas sa tangkang pag kidnap ng bata ay ang mga batang nagsisisigaw at nagsisisipa—mga bagay na hindi nagagawa ng mga mahiyain. Hindi rin daw madaling impluwensiyahan at lokohin ang mga batang may kumpiyansa sa sarili.
Source: ABS-CBN News
Basahin: UPDATE: Lola na “nanguha ng bata,” hindi raw kidnapper ayon sa apo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!