Isang bagong panganak na sanggol ang na-rescue ng mga pulis matapos siyang tangayin ng isang babae. Ayon sa ina ng kinidnap na sanggol, sinabi raw ng suspek na hihiramin lang daw niya ang bata. Ngunit huli na ng malaman nilang tinangay na pala ito.
Kinidnap na sanggol, ‘hiniram’ lang daw ng suspek
Nagsimula ang kwento nang makakita raw ng post sa Facebook ang ina ng sanggol. Sa post na ito, naghahanap raw ang suspek na si Richelle Acuno ng isang batang puwedeng ampunin, kapalit ng pera. Dahil gipit ang pamilya sa pera, nagdesisyon siyang tanuning ang suspek kung may kakilala daw ba itong mauutangan ng 20,000.
Sabi ng suspek na siya na raw ang magbibigay ng pera sa ina. Ngunit ang kapalit ay ang bagong silang nitong sanggol.
Binigyan raw ni Richelle ng 12,000 pesos ang ina, ngunit nagdesisyon ang pamilya ng kinidnap na sanggol na huwag na lang ituloy ang plano. Sabi ng ina, plano na raw nilang ibalik ang pera sa suspek at huwag nang tumuloy sa pagpapaampon.
Noong January 3, pumunta si Richelle sa bahay ng pamilya, ngunit sinabihan na nila siyang hindi na nila gustong tumuloy. Nakiusap raw ang suspek at napapayag silang ipahiram na lamang ang sanggol sa halip na ipaampon ito.
Ngunit ng babawiin na nila ang anak sa suspek, nagulat sila nang makitang hindi na pala nakatira sa address na iyon si Richelle. Doon na sila dumulog sa pulisya, upang mabawi ang kinidnap na sanggol.
Nagsinungaling daw ang suspek sa kaniyang asawa, kaya nagawa ang krimen
Nahanap ng mga pulis ang suspek at sinabi nitong wala sa kaniya ang sanggol. Nasa San Juan, Batangas, raw ito kung saan niya itinago.
Isinama ng mga pulis ang pamilya ng sanggol sa Batangas, at doon natunton din nila kung nasaan ang sanggol.
Ayon kay Richelle, nagawa lang daw niya ang krimen dahil gustong-gusto niyang magkaroon ng baby. “Gusto ko lang po kasing magka-baby. Kasi nagsinungaling ako sa asawa ko na buntis ako. Tapos nakunan kasi ako, ‘di ko alam anong nangyari.”
Posible raw kasuhan ng kasong “failure to return a minor” at “illegal detention” ang suspek kung sakaling magsampa ng kaso ang ina.
Gawing priority ang kaligtasan ng iyong mga anak
Heto ang ilang mga kailangang tandaan ng mga magulang upang masiguradong ligtas palagi ang kanilang anak.
- Kung nakakapagsalita na ang bata, turuan itong sabihin ang kaniyang buong pangalan, pangalan ng magulan, at ang kaniyang tirahan.
- Parating bantayan ang bata. Huwag hayaan na mawala sa paningin ang bata mas lalo na sa mga pampublikong lugar.
- Paalalahanan ang bata na huwag kumuha ng kahit ano mula sa strangers.
- Huwag mag-post ng sensitibong impormasyon tungkol sa mga anak sa social media—lalo na ang lugar ng tirahan, paaralan, at kung saan parating pumupunta.
- Magkaroon updated picture ng bata. Ugalihing kuhaan ng picture ang bata mas lalo na kung lalabas sa pampublikong lugar. Para kung mawala man siya, alam agad kung ano ang suot at ang itsura. Alamin din ang kaniyang mga natatanging features (balat o nunal), tangkad at timbang para madaling ma-identify kung siya nga ba ito.
- Kung pupunta sa abroad, alaming mabuti kung safe ba ang lugar o kung may mga insidente rin ba ng kidnapping. Maging mapagmasid. Alertuhin ang pamilya kung saan puwedeng magkita in case magkawalaan o may emergency.
- Kapag nawala ang bata, ipagbigay alam agad sa awtoridad. Huwag mag atubili.
- Huwag na huwag ipapaalaga ang iyong anak sa taong hindi mo kakilala.
Source: GMA News
Basahin: Huli ng CCTV kung gaano kadali at kabilis ma-kidnap ang bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!