4-taong gulang patay matapos magkaroon ng trangkaso

Matapos ang 4 na araw, namatay ang isang 4-taong gulang na batang babae matapos magkaroon ng pneumonia dahil sa komplikasyon ng flu.

Hindi dapat binabalewala ng mga magulang ang pagkakaroon ng flu o trangkaso ng kanilang mga anak. Ito ay dahil ang mga komplikasyon ng flu ay nakamamatay, lalong-lalo na para sa mga bata.

At ganito na nga ang nangyari sa isang 4-taong gulang na batang babae nang siya ay magkaroon ng trangkaso. Ito ay dahil 4 na araw matapos magkaroon ng flu ay binawian na siya ng buhay. Paano kaya ito nangyari, at ano ang magagaw ng mga magulang upang hindi ito mangyari sa kanilang mga anak?

4-taong gulang na batang babae, namatay dahil sa komplikasyon ng flu

Masayahin at masiglang bata raw ang 4-taong gulang na si Ashanti Grimage na mula sa Garland, Texas, USA. Ayon sa kaniyang mga magulang, hindi naman raw siya madalas na magkasakit, kaya’t nagulat sila nang bigla siyang magkaroon ng trangkaso.

Agad naman nilang dinala si Ashanti sa ospital, dahil napansin nila na tumataas lang ang kaniyang lagnat. Nang bumaba ang lagnat ng bata ay pinauwi na siya, at sinabihang uminom ng lemon at honey para sa kaniyang masakit na lalamunan. Ayon sa mga isinagawang tests, mayroon raw siyang Flu Type A, at hindi raw siya nabigyan ng flu vaccine bago nagkasakit.

Di nagtagal ay bumaba na ang lagnat ni Ashanti, at dahan-dahang nawala na ang ibang mga sintomas ng trangkaso. Ngunit nagulat na lang ang kaniyang ina nang mapansin na sobrang tamlay bigla ni Ashanti. Ayon sa kaniyang ina, mabilis raw na nanghina ang kaniyang anak, kaya’t dinala ulit nila ang bata sa ER.

Na-diagnose ng mga doktor na nagkaroon ng pneumonia si Ashanti, na isang komplikasyon na nagmumula sa pagkakaroon ng flu. Noong araw din na iyon, namatay si Ashanti. 4 na araw lang siya nagkaroon ng flu, ngunit naging matindi ang epekto nito sa kaniyang katawan.

Labis ang pagsisisi ng kaniyang magulang

Dahil sa insidente, lubos ang panghihinayang at pagsisisi ng mga magulang ni Ashanti. Ayon sa kaniyang ama na si Martell Grinage, sinabi pa raw niya sa kaniyang anak na hindi niya hahayaang may masamang mangyari sa kaniya. Ngunit hindi niya napigilan ang pagkamatay ng kaniyang anak.

Kuwento pa niya na noong araw na namatay si Ashanti, ay inabutan pa niyang nirerevive ng mga doktor ang anak niya. Aniya, umasa siyang kung marinig ng kaniyang anak ang boses niya, baka raw ay magising ito at gumaling. Ngunit sa kasamaang palad, hindi na kinaya ng bata ang kaniyang naging karamdaman.

Sabi pa niya ay hindi raw inalam ng mga doktor kung mayroong pneumonia si Ashanti noong una silang nagpunta sa ospital. Sana raw ay naisip niyang tanungin kung puwedeng i-test ang kaniyang anak, at sana raw ay nagkusa ang mga doktor sa pagsusuri.

Ngayon, umaasa siyang sana ay magsilbing aral ang kanilang karanasan upang maging mas maingat ang mga magulang.

Anu-ano ang sintomas ng trangkaso sa bata?

Mahalaga sa mga magulang na mailayo sa sakit at karamdaman ang kanilang mga anak. Kaya’t heto ang listahan ng mga sintomas ng trangkaso na dapat malaman ng bawat magulang.

  • Hindi pag-inom ng sapat na tubig o iba pang fluids
  • Pag-iyak ng walang luha
  • Hindi paggising o hindi paglalaro
  • Hindi pagkain
  • May lagnat na may kasamang rashes
  • Hirap sa pag-ihi

Kapag mayroong ganitong sintomas ang inyong anak ay huwag mag-atubiling dalhin sila kaagad sa doktor upang masuri at magamot ang kanilang karamdaman.

 

Source: Fox 26

Basahin: 6-taong gulang na bata, namatay dahil sa flu

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara