Para sa maraming ama, ang araw ng panganganak ng kanilang asawa ang isa sa pinakamasayang araw sa buhay nila. Ngunit para sa isang ama, ito ay naging bangungot dahil sa komplikasyon sa panganganak ng kaniyang asawa.
Komplikasyon sa panganganak: Napilitang pumili ang isang ama
Si Frederick Connie, mula sa Colorado, USA, ay tuwang-tuwa nang malaman niyang buntis ang asawa niyang si Keyvonne. Matagal nilang inaabangan ang paglabas ng sanggol, at sabik na sabik silang dalawa na maging magulang.
At noong Nobyembre 30, malaking pagbabago ang nangyari sa buhay ni Frederick. Ito ay dahil biglang nagsimulang duguin si Keyvonne sa kanilang tahanan, ngunit sa Enero pa dapat siya manganganak. Dali-daling dinala ni Frederick ang kaniyang asawa sa ospital, kung saan kinailangang magsagawa ng mga doktor ng emergency C-section.
Pero ganoong kasimple ang pangyayari, dahil kung itutuloy ang C-section, posibleng mamatay si Keyvonne. Kung subukan naman ng mga doktor na sagipin si Keyvonne, posibleng ikamatay ito ng kanilang sanggol na premature pa lamang. Kinailangang magdesisyon agad ni Frederick; kung sasagipin ba niya ang kaniyang asawa, o kung sasagipin ang kanilang anak.
Sigurado si Frederick sa ginawang desisyon
Mahirap ang desisyon, pero para kay Frederick, naging malinaw kung ano ang dapat niyang gawin. Pinili niyang unahing sagipin ang kanilang anak, dahil aniya ito rin daw ang gugustuhin ni Keyvonne para sa kanila. Sadyang mahilig raw sa bata si Keyvonne, kaya’t siguradong uunahin daw nito ang kapakanan ng anak kaysa sa sarili.
Matapos niyang magdesisyon, isinagawa na ng mga doktor ang emergency C-section, at nailabas na nila ang anak ni Frederick at Keyvonne. Nakita pa raw ni Keyvonne ang mga letrato ng anak nila matapos ang operasyon, ngunit sa kasamaang palad, binawian siya ng buhay dahil sa komplikasyon sa puso.
Angelique Keyvonne Connie ang napiling pangalan ni Frederick para sa anak, katulad ng pangalan ng kaniyang ina. Binigyan na nga niya ng nickname ang bata, at tinatawag niya itong “Pooder.”
Dagdag pa ni Frederick na sisiguraduhin niyang ikukwento sa anak ang tungkol sa kaniyang ina, at mabubuhay ang alaala ni Keyvonne sa kanilang anak.
Kasalukuyan pang nasa ospital si Pooder, dahil premature siyang pinanganak. Marami ring nagdonate sa kaniya ng breastmilk, at dahil dito, bumuti na ang kaniyang kalagayan.
Ngayon, umaasa si Frederick sa mabuting buhay kasama ang kaniyang anak, at naghahanda na raw siyang matuto kung paano alagaan si Pooder. Gusto raw niyang maging full-time dad para sa kanilang anak.
Ang anak ni Frederick at Keyvonne na si “Pooder” | Source: Fox31 News/ Us Magazine
Anu-ano ang posibleng komplikasyon sa panganganak?
Bagama’t malayo na ang narating ng siyensa pagdating sa kaligtasan at kalusugan ng mga ina, may mga pagkakataon na sadyang nagkakaroon ng komplikasyon sa panganganak. Maraming dahilan kung bakit ito nangyayari, at posible itong maging mapanganib sa ina, o kaya sa anak.
Heto ang ilan sa mga posibleng maging komplikasyon na dapat paghandaan:
- Miscarriage o pagkalaglag ng bata.
- Preeclampsia, o pagkakaroon ng abnormal na high blood habang nagbubuntis.
- Mababang lebel ng amniotic fluid.
- Gestational diabetes, o diabetes na epekto ng pagdadalang-tao.
- Ectopic pregnancy, o ang pagkabuo ng sanggol sa labas ng matris.
- Placenta previa, o mababa masyado ang placenta sa iyong cervix.
Mahalaga ang buwanang checkup at pag-aalaga sa kalusugan upang maagapan ang mga komplikasyong ito. Mahalagang kausapin ang iyong doktor, at ipaalam sa kaniya kung mayroon kang mga takot o pag-aalala sa iyong pagbubuntis upang matulungan ka niyang maresolba ang iyong mga agam-agam.
Source: Us Magazine
Basahin: Ina namatay matapos hindi ginamot ang kaniyang preeclampsia!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!