Ang thunderstorm, na may kasamang kulog at kidlat, ay natural na mga pangyayari na maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian. Bilang magulang, mahalaga ang pagiging handa upang masiguro ang kaligtasan ng buong pamilya, lalo na ng mga bata. Narito ang ilang mahahalagang tips upang manatiling ligtas kapag may thunderstorm.
Maging ligtas mula sa kulog at kidlat
Maghanda ng emergency kit
Isa sa mga pangunahing hakbang sa pag-iwas sa panganib dulot ng thunderstorm ay ang pagkakaroon ng kumpletong emergency kit. Dapat itong naglalaman ng sumusunod:
- Flashlight at ekstrang baterya
- First aid kit
- Mga pagkaing hindi madaling masira at tubig
- Radyo na may baterya upang makinig sa mga balita at anunsyo
- Mga personal na gamot at mahahalagang dokumento
Kulog at kidlat safety tips: Manatili sa loob ng bahay
Kapag nagsimula na ang kulog at kidlat, pinakamainam na manatili sa loob ng bahay. Ang paglabas sa gitna ng thunderstorm ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay dahil sa posibilidad ng tamaan ng kidlat. Tiyakin na nakasara ang mga bintana at pintuan upang maiwasan ang pagpasok ng tubig-ulan at hangin.
Iwasan ang mga elektrikal na kasangkapan o gadget
Iwasang gumamit ng mga elektronikong kasangkapan gaya ng telepono, computer, at iba pang appliances habang may thunderstorm. Ang kidlat ay maaaring magdulot ng power surge na maaaring makasira sa mga ito o magdulot ng sunog. Tanggalin ang mga plug ng mga hindi ginagamit na appliances upang maging ligtas.
Kulog at kidlat safety tips: Huwag tumayo sa malalapit sa matataas na estruktura
Kapag nasa labas ng bahay, iwasang tumayo sa malalapit sa matataas na estruktura tulad ng puno, poste ng kuryente, at mga tore. Ang mga ito ay madalas tamaan ng kidlat. Kung walang matatakbuhan, humanap ng mababang lugar at manatili roon hanggang matapos ang thunderstorm.
Alamin ang kung saan ligtas kapag nasa labas
Kung nasa labas at walang ligtas na lugar na mapupuntahan, huwag tumakbo o magtago sa ilalim ng mga puno. Mas mainam na lumuhod at yumuko sa lupa, ilagay ang mga kamay sa tuhod at panatilihin ang ulo sa pagitan ng mga tuhod. Ito ay upang mabawasan ang posibilidad na tamaan ng kidlat.
Mag-ingat sa baha
Ang thunderstorm ay kadalasang nagdudulot ng malakas na pag-ulan na maaaring magresulta sa pagbaha. Alamin ang mga ruta ng paglikas at huwag subukang tawirin ang mga bahaing lugar. Ang tubig-baha ay maaaring magdala ng malalakas na agos na kayang tangayin ang mga sasakyan at tao.
Kulog at kidlat safety tips: Iwasan ang paglalaba at paghuhugas ng plato
Habang may thunderstorm, mahalagang iwasan ang paghawak sa tubig. Ang kidlat ay maaaring maglakbay sa pamamagitan ng mga tubo at mga linya ng tubig, kaya’t iwasang gumamit ng mga gripo at shower habang may thunderstorm. Huwag ding maghugas ng pinggan o maglaba.
Makinig sa mga anunsyo
Panatilihing nakikinig sa mga balita at anunsyo mula sa mga lokal na awtoridad. Ito ay makakatulong upang malaman kung kailan ligtas nang lumabas at kung may mga karagdagang hakbang na dapat gawin. Makipag-ugnayan din sa mga kapitbahay upang magtulungan sa oras ng pangangailangan.
Edukasyon para sa mga bata
Bilang magulang, mahalagang turuan ang mga bata tungkol sa mga panganib ng kulog at kidlat at kung ano ang dapat nilang gawin kapag may thunderstorm. Narito ang ilang tips kung paano turuan ang mga bata:
- Ipaliwanag ang mga panganib: Sabihin sa kanila na ang kidlat ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala o kamatayan.
- Ituro ang mga ligtas na lugar sa bahay: Turuan silang manatili sa loob ng bahay at lumayo sa mga bintana, pintuan, at electrical appliances.
- Gumawa ng mga drill: Magpraktis ng mga thunderstorm drills para alam ng mga bata ang gagawin sa oras ng bagyo.
- Gawing positibo ang karanasan: Sa halip na takutin, ipaliwanag na ang pagsunod sa mga alituntunin ay makakapagpanatili sa kanilang ligtas.
Pagkatapos ng thunderstorm
Pagkatapos ng thunderstorm, suriin ang paligid para sa anumang pinsala. Huwag agad-agad bumalik sa mga apektadong lugar hangga’t hindi tiyak na ligtas na. Iwasang hawakan ang mga naputol na linya ng kuryente at i-report agad ito sa mga kinauukulan.
Ang pag-iingat at pagiging handa ay mahalaga upang masiguro ang kaligtasan ng pamilya sa panahon ng thunderstorm. Sa pamamagitan ng mga nabanggit na tips, maiiwasan ang mga aksidente at masisigurong ligtas ang bawat isa sa inyong tahanan. Bilang magulang, ang inyong kaalaman at gabay ang magsisilbing proteksyon ng inyong mga anak sa gitna ng kalamidad.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!