Ang mga bata ay sadyang mahilig sa tag-ulan. Sino nga ba ang hindi natuwa na magtampisaw sa tubig at maligo sa ulan noong bata pa? Ngunit alam niyo ba na may dala ring panganib ang maglaro sa labas tuwing umuulan?
Ito ang leksyong natutunan ng isang bata nang siya ay muntik nang tamaan ng kidlat habang naglalaro sa labas mismo ng kanilang tahanan!
Hindi palaging ligtas ang maglaro sa labas kapag umuulan
Normal na kapag umuulan ay mayroong kasamang kidlat. Kadalasan, hindi natin ito binibigyang pansin, dahil napakaliit lang ng posibilidad na tamaan ka ng kidlat.
Ngunit dahil sa isang viral na video na kumalat sa internet, mabuting mas mag-ingat ang mga bata at ang mga magulang tuwing maglalaro sa labas at umuulan.
Sa simula ng video ay tuwang tuwa pa ang batang lalaki na naglalaro sa ulan. Nakapayong pa siya at nakatayo mismo sa baba ng alulod.
Matapos nito, siya ay tumakbo papunta sa kanilang bakuran upang magtampisaw.
Bigla-bigla na lang tumama ang napakalakas na kidlat, at muntik na siyang matamaan nito! Sa sobrang lakas ng kidlat, makikitang nag-aapoy ang lugar kung saan ito tumama.
Nang mangyari ito, biglang napasigaw ang ina ng bata na si Katarina Kotur, at nahulog niya ang kaniyang cellphone.
Buti na lang walang masamang nangyari sa bata.
Panoorin dito ang video:
Mga pag-iingat na kailangan kapag bumabagyo
Kahit na bihirang tamaan ng kidlat ang mga tao, mabuti pa rin na mag-ingat tayo. Walang masama sa pagiging ligtas sa panganib, lalo na pagdating sa iyong mga anak.
Kapag nasa labas:
- Maghanap ng masisilungan. Huwag tumayo sa gitna ng ulan dahil magdadala ito ng sakit.
- Kapag kumikidlat, mabuting huwag na lang lumabas. Nakamamatay ang matamaan ng kidlat. Siguraduhing nasa loob kayo ng bahay o gusali kapag may thunderstorm.
Kapag nasa loob:
- Huwag nang lumabas. Kapag masyadong malakas ang ulan at kidlat, ipagpaliban na lang ang mga plano para sa ibang araw.
- Mag-ingat sa tubig. Ang kidlat ay posibleng dumaan sa mga tubo sa inyong bahay. Kapag may thunderstorm, umiwas muna sa mga gripo, shower, etc.
- Dumadaan din ang kidlat sa mga telepono. Ang kidlat ay dumadaan din sa mga linya ng telepono. Kaya’t kapag may thunderstorm, posibleng dumaan ang kuryente mula sa kidlat patungo sa linya ng telepono. Iwasang gumamit ng telepono kapag may thunderstorm. Mas mainam na gumamit na lamang ng cellphone.
References: feedytv, New York Post, ViralHog
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
https://sg.theasianparent.com/precautions-to-be-taken-during-rainy-season
Basahin: Mahahalagang safety tips para sa bagyo!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!