Basahan o panoorin ng kwentong bayan ang iyong anak! Ito ay siguradong ma-ienjoy niyang marinig habang kapupulutan niya ng mabuting aral at asal.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga uri ng kwentong bayan.
- Halimbawa ng kwentong bayan at mga aral na mapupulot mula sa mga ito.
Ano ang kwentong bayan?
“Ang kuwentong-bayan o folklore sa salitang Ingles ay mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip na mga tauhan na kumakatawan sa mga uri ng mamamayan.
Katulad ng matandang hari, isang marunong na lalaki, o kaya sa isang hangal na babae. Karaniwang kaugnay ang kwentong-bayan ng isang tiyak na pook o rehiyon ng isang bansa o lupain.”
Malaki ang ginagampanang papel ng kwentong bayan sa mayamang panitikan nating mga Pilipino. Dahil ang mga ito ay tumutukoy sa ating kaugalian at tradisyon. Masasalamin rin rito ang ating pananampalataya at mga problemang madalas nating kinakaharap.
Mula sa pangalan nito ang kuwentong bayan ay madalas na tumutukoy sa kasaysayan ng isang lugar. Kung paano at saan nagsimula ang pangalan nito.
Ganoon din sa ilan sa mga bagay na nakikita natin ngayon, tulad ng bakit pula ang palong ng tandang at bakit maraming mata ang prutas na pinya.
Bagamat kakatwa at minsan ay hindi kapani-paniwala ang mga kuwentong bayan, ito naman ay laging may kaakibat na aral. Aral na hindi lamang para matutunan ng mga bata kung hindi pati narin ng matatanda.
Uri ng kwentong bayan
Mayroong apat na uri ang kwentong bayan. Ito ay ang sumusunod:
1. Alamat o legend
Ang alamat ay nagsasalay ng mga kwento kung paano nabuo o kung ano ang pinagmulan ng isang bagay, pook, tao o hayop.
2. Mito o myth
Ang mito ay mga kwento tungkol sa mga diyos at diyosa at kung ano ang kanilang papel sa mga nilalang o mga tao.
3. Parabula o parable
Ang mga parabula ay mga kwentong maaring totoong nangyari at kinapupulutan din ng aral. Sa Biblia ay maraming kwentong parabula.
Kwentong bayan | Image from Freepik
4. Pabula o fable
Ang mga pabula ay kinatatampukan ng mga kwentong ang mga tauhan ay hayop o mga bagay na nagsasalita at binigbiyang buhay na parang tao. Ito ay mga kwentong may aral kung saan ipinapakita ang pag-uugali ng isang tao o ng kanilang katangian.
Para sa ating mga magulang, ang pagbabahagi ng kuwentong bayan sa ating mga anak ay isang paraan upang siya ay maturuan ng mabuting asal.
Sa paraan na maiintindihan, hahangan at magugustuhan niya. Ilan nga sa kuwentong bayan na maari mong ibahagi sa kaniya ay ang mga sumusunod na halimbawa:
Mga halimbawa ng kwentong bayan
1. Ang Inahing Manok at Lawin
Ang kuwentong ito ay tungkol sa kung bakit mahilig mangalahig ang manok sa lupa. Pati na kung bakit dinadagit ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok.
Layunin ng kuwentong bayan na ito na maturuan ang isang bata sa kung bakit dapat niyang pahalagahan ang kaniyang mga gamit. Lalo na kung ang gamit ay hiniram niya lang at hindi naman sa kaniya.
2. Bakit May Pulang Palong Ang Mga Tandang
Ang kuwentong ito ay tungkol sa mag-amang si Isko at Pedrito. Layunin ng kuwentong bayan na ito na maturuan ang isang bata sa kahalagahan ng pagsunod sa kaniyang mga magulang. At ang aral ay ipinabatid ng manunulat sa pamamagitan ng pagkukuwento kung bakit pula ang palong ng mga tandang.
3. Ang Punong Kawayan
Ang kuwentong bayan na ito ay tungkol sa kung paano nakakabuti ang pagiging magpakumbaba. Pati na kung bakit dapat irespeto natin ang ating kapwa, anuman ang itsura o estado nila sa buhay.
4. Mariang Mapangarapin
Ang kuwentong ito ay tungkol sa isang dalagang labis kung mangarap. Sa sobra niyang mapangarapin ay hindi niya iniingatan ang kung anumang bagay na mayroon siya. At kinalaunan ito ay nawala na naging sanhi ng pag-guho ng mga pangarap niya.
5. Si Pilandok Ang Bantay Gubat
Sa kuwentong ito ay matagumpay na naisagawa ni Pilandok na pangalagaan ang gubat mula sa mga mapagsamantalang kawal ng Datu.
Ipinakita ng kuwento kung bakit dapat respetuhin ang kalikasan dahil kung hindi ito ay maaring magalit at magdulot ng kapahamakan.
BASAHIN:
Biyayang Anghel habang pandemya – Kuwento ng isang Inang hindi inaasahan ang blessing na natanggap niya
7 benefits of writing by hand and how it makes children smarter
30 Bible verses for kids na nagtuturo ng magandang asal
6. Ang Alamat Ng Aso’t Pusa
Ang kuwentong ito ay nagpapaalala sa mga kapatid na dapat ay matutong magbigayan sa isa’t-isa. Hindi dapat nag-aaway at sa halip ay magmahalan at magkaisa sa lahat ng bagay.
7. Ang Kalabasa At Ang Duhat
Sa kuwentong ito ay ipinapakita kung bakit dapat tayo ay magpasalamat sa kung anong mayroon tayo. O kung ano ang ating itsura at anyo. Dahil ito ay binigay sa atin ng Diyos sa paniniwalang ito ang makakabuti para sa atin.
8. Ang Alamat Ng Pinya
Ang alamat ng pinya ay nagtuturo sa isang bata kung bakit mahalagang makinig sa itinuturo ng mga nakakatanda o kaniyang magulang. Ganoon rin sa tamang paggamit ng mga mata sa paghahanap ng bagay na kinakailangan bago ang bunganga.
9. Kung Bakit Umuulan
Ang kuwentong ito ay tungkol sa alamat ng ulan. At ang aral na gustong ituro nito ay ang kahalahagan ng pakikinig sa sinasabi o ninais ng taong malapit sa iyong puso.
Bagamat ang nais mo ay ang makakabuti sa kaniya, siya lang ang nakakaalam sa kung anong magpapasaya sa kaniya. Kaya dapat ay matutong pahalagahan ang nararamdaman ng iba at isaisip na hindi lang ikaw ang dapat nasusunod sa lahat ng oras.
10. Si Pagong at Si Matsing
Ang kuwento na ito ni pagong at matsing ay nagpapaala sa kahalagahan ng pagiging tapat sa kaibigan. Ganoon din ang hindi dapat samantalahin ang ipinapakitang kabaitan ng isang tao.
Hindi dapat mag-isip na makalamang sa kapwa. Dapat ay maging tapat at patas sa lahat ng bagay. Dahil ika nga ng matandang kasabihan, matalino man ang matsing, nalalamangan rin.
11. Ang Langgam at Ang Tipaklong
Ang kuwento ng langgam at tipaklong ay tungkol sa kung gaano kahalaga ang pagiging handa o pagtatabi para sa kinabukasan. Makikita rin sa kuwentong ito ang bunga ng pagiging masipag at matiyaga ng isang tao. Ganoon rin ang kahalagahan ng pagtulong o pag-respeto sa ating kapwa.
12. Ang Tatlong Biik
Sa kuwento ng tatlong biik ay makikita kung ano ang magandang kinalalabasan ng pagtutulungan ng magkakapatid. Matututunan rin ng isang bata sa kuwentong ito ng tatlong biik na hindi nasusukat ang tagumpay sa kung gaano kabilis mo itong makukuha.
Kung hindi sa oras at effort na ibinibigay mo dito na magiging pundasyon nito para mas tumagal at mas maging matibay. Makikita rin sa kuwento na sa panahon ng kagipitan ang unang mga taong malalapitan mo ay ang iyong pamilya.
13. Ang Kuwento Ni Tandang Sultan
Maraming matutunan ang isang bata mula sa kuwento ng Tandang Sultan. Ito ay tungkol sa isang matandang aso na palalayasin na sana ng kaniyang amo dahil sa paniniwalang wala na siyang silbi sa mga ito. Pero pinatunayan ng asong si Sultan na siya ay tunay na matapat at may silbi parin sa kanila. Nagawa niya ito sa tulong ng isang lobo na noong una ay nagpanggap na kaibigan niya ngunit mayroong masamang balak din pala. Sa kuwento ay makikita na hindi lahat ng tumutulong sayo ay malinis ang hangarin. May mga taong magpapanggap na kaibigan mo ngunit ang katotohanan ay may binabalak na masama sayo.
Makikita rin sa kuwento kung paano natulungan ng isang maliit na pusa si Sultan sa pagtatanggol sa kaniyang sarili mula sa lobo. Patunay ito na pagdating sa tagumpay hindi nasusukat ang laki o liit ng isang tao, o ang katayuan mo. Basta’t ikaw ay masigasig at focus sa goal mo magagawa mo ang gusto mo.
14. Ang Lobo at ang Pitong Maliliit na Kambing
Sa kuwentong ito ay matutunan ng isang bata ang kahalagahan ng pakikinig sa sinasabi ng kaniyang mga magulang. Ganoon rin ang walang maidudulot na mabuti ang panloloko at panglalamang sa kapwa.
15. Pinocchio
Ang kuwento ni Pinocchio ay isa sa mga halimba ng kwentong bayan tungkol sa isang bata na mahilig magsinungaling at sumuway sa mga bilin ng kaniyang magulang.
Ito ay hindi orihinal na kuwentong Pilipino ngunit isa sa pinakapaboritong ikinukwento sa mga bata dahil sa mahalagang aral na matutunan dito.
Ito ay ang hindi magandang naidudulot na epekto ng pagsisinungaling. Pati na ang kahalagahan ng pag-aaral at pagkatuto.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!