Kung ang fishball ang sinasabing hari ng streetfoods, ang kwek-kwek namang ang maituturing na reyna. Bukod sa mura at masarap, ang itlog ng pugo na siyang pangunahing sangkap nito ay mayaman sa protina at good cholesterol.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa pagluluto ng kwek-kwek recipe
- Paraan ng pagluluto ng kwek-kwek
Kwek-kwek, recipe na pwedeng-pwede niyong subukan
Hindi mawawala sa anumang umpukan ng mga nagtitinda sa kalsada ang tusok-tusok o mga pagkaing nabibili na niluluto ng lubog sa mantika at tinutusok sa pamamagitang ng stick. Kabilang na rito ang fishball, squidball, kikiam, hotdog, chicken balls, at iba pa. Syempre ang isa sa pinakamabentang tusok-tusok ay ang kwek-kwek na mas pinasasarap ng matamis na special sauce ni Manong.
Ang pugo ay isa sa uri ng ibon na inaalagaan sa mga poultry farm sa bansa. Sa kada isang inahing pugo, nangingitlog ito ng labing limang piraso kada araw. Ang karne nito maaaring pamalit sa mga putaheng ginagamitan ng manok. Ang itlog naman nito ay ginagamit na sangkap sa iba’t ibang lutuin tulad ng chopsuey, pancit, adobo, embotido, etc. Pero ang pinakapaboritong lutuin nating mga Pinoy sa itlog ng pugo ay ang kwek-kwek.
Maliit man ang kwek-kwek, huwag nyo itong ismolin dahil sa makukuhang nutrients buhat dito. Nagtataglay ito ng vitamin B12, riboflavin, selenium, choline, at iron na nakailangan ng ating katawan. (www.heathline.com)
Sa pagluluto ng Kwek-kwek, karaniwang mabibili sa mga palengke ang mga sangkap nito tulad ng itlog ng pugo, flour, at baking powder.
Ituturo ko rin dito ang paggawa ng Special Manong Sauce na magagamit na sawsawan hindi lamang ng kwek-kwek, maging ng iba pang tusok-tusok na maaari nating lutuin sa ating mga bahay.
Mga sangkap sa pagluluto ng Kwek-kwek recipe
Itlog ng pugo.
- 20 pirasong itlog ng pugo
- 2 ½ tasa ng all purpose flour (itabi ang ½ para sa coating)
- 2 kutsaritang baking powder
- ¼ kutsaritang asin
- ¼ chicken powder (optional)
- ¾ tasang tubig
- Mantika (deep frying)
- 4 patak ng liquid food coloring (orange)
- *maari ring gumamit ng gel based food coloring o atsuete na binabad sa tubig para sa pampakulay
BASAHIN:
Kropek: Ang Malutong na Tsitsiryang Pinoy
Leche Flan Recipe: Ang egg-cellent dessert na puwedeng ipang-negosyo
Buko salad recipe: Masarap na panghimagas sa salu-salo
Mga sangkap para sa special Manong Sauce
- 2 kutsarang cornstarch
- 1 kutsarang cassava starch o potato starch
- ¼ cup oyster sauce
- 2 kutsarang toyo
- ¼ cup brown sugar
- 6 na butil ng bawang (dinikdik)
- 3 tasang tubig
- Paminta
- Asin
Paraan sa Pagluluto ng Kwek-kwek recipe:
- Sa isang maliit na kaserola, hugasan at ilaga ang mga itlog ng pugo sa loob ng 5-6 na minuto. Itabi at palamigin. (Binababad ito sa pigakuluan hanggang lumamig upang madaling balatan.)
- Balatan kapag malamig na ang pinakulong itlog at itabi.
- Sa isang bowl, pagsama-samahin ang 2 tasang flour, baking powder, asin, chicken powder, at tubig. Haluin. Isunod na lagyan ng pampakulay. Itabi at i-rest sa loob ng samoung minuto upang mag-activate ang baking powder. Ito ang magsisilbing batter.
- Sa isang malalim na lutuan, ilagay ang mantika. Siguraduhing nasa 3 pulgada ang sukat ng mantika kapag nilagay sa lutuan. Painitin sa katamtamang apoy lamang.
- Ilagay ang mga nabalatang itlog ng pugo sa ½ tasang flour at pagulungin. Ginagawa ito upang kumapit ng husto ang batter sa pugo habang niluluto.
- Ilagay ang mga itlog ng pugo sa batter. Gawin ito ng batch by batch. Limang piraso kada batch. Gamit ang kutsara,siguraduhing nabalot ang mga itlog maigi ng batter. Iluto ng deep fry sa loob ng limang minuto kada batch.
- Ihain kasabay ng Special Manong Sauce.
Kwek-kwek with manong sauce. | Larawan mula sa iStock
Paraan sa Pagluluto ng Special Manong Sauce:
- Sa isang maliit na kaserola, ilagay lahat ng mga sangkap na cornstarch, cassava starch, oyster sauce, toyo, brown sugar, bawang, tubig, paminta, at pinch ng asin. Haluing mabuti hanggang matunaw ang cornstarch at cassava starch.
- Isalang sa mahinang apoy habang patuloy na hinahalo. Hayaang kumulo upang lumapot.
- Kapag luto na, palamigin ng bahagya at ilipat sa isang malinis na bote.
Paalala ng mga eksperto, hinay-hinay lang sa pagkain ng itlog ng pugo. Kahit ito ay masustansya, naglalaman pa rin ito ng cholesterol na kapag napasobra, ay hindi maganda sa ating katawan. Maaaring kumain ng itlog ng pugo ang isang malusog na indibidwal ng hanggang siyam na piraso lamang sa isang araw.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!