Dumating na ba sa punto ng iyong buhay na ikaw ay nagmukmok at nagnais na maging mapag-isa dahil sa labis na kalungkutan? Marahil ay oo dahil lahat tayo ay may iba’t-ibang mabibigat na pinagdadaanan sa buhay.
Ngunit alam mo bang may masamang epekto pala sa kalusugan ang labis na kalungkutan? Isang pag-aaral sa Estados Unidos ang nagpatunay na nakakapagpaiksi ng buhay ng tao ang kalungkutan kung hindi ito maaagapan.
Epekto ng labis na kalungkutan sa kalusugan ng tao
Itinuturing na isang epidemya sa mundo ang labis na kalungkutan sa mga tao. Lumabas sa isang survey ng American Association of Retired Persons (AARP) noong 2018 na higit one third ng mga adult na may edad 45 pataas ay kinokonsiderang malungkot.
Iniuugnay ang kalungkutan sa pagkakaroon ng mahinang kalusugan. May physiological effect ito ayon sa pag-aaral ng University of Chicago kung saan lumabas na nababago ng labis na kalungkutan ang istruktura ng mga cells sa katawan ng tao na nagiging dahilan ng pagkakasakit nito.
Sinang-ayunan din ito ng isa pang pag-aaral na ginawa sa National Academy of Sciences kung saan napatunayan na ang stress dulot ng labis na kalungkutan ang siyang nagpapahina sa immune system ng tao at nagsasapanganib ng pagkakaroon ng inflammations sa iba’t-ibang parte ng katawan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng sakit sa puso, type 2 diabetes, rayuma at alzheimer’s disease.
Nagbubunsod din ang kalungkutan ng paggawa ng mga maling desisyon sa buhay at pagkakaroon ng unhealthy lifestyle ng isang tao gaya ng paglalasing, paninigarilyo, pagkain ng hindi masusustansiyang pagkain, at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.
Sa madaling salita, kinakailangan ng bawat tao ng mahihingahan ng kanyang loob upang mailabas ang kalungkutan na nararamdaman nito.
Paano nakakatulong ang pamilya at mga kaibigan upang maiwasan ang labis na kalungkutan
“Having a reliable support system goes a long way to decrease stress in our lives, and less stress means that we are happier and healthier overall,” sabi ni Nathalie Theodore, isang licensed clinical social worker at therapist sa Chicago, Illinois.
Nailathala sa Journal of Health and Social Behavior na ang pagkakaroon ng positibong relasyon sa kapwa ay nagdudulot ng kapanatagan sa isang tao. Napapababa ng pakikisalamuha ang blood pressure, stress hormones at nagiging normal ang heart rate ng isang tao.
Bilang paalala, may mga kaibigan o kamag-anak na ‘toxic’ sa ating buhay na kailangan nating iwasan kaya tulad ng payo ng ating mga magulang, pumili ng mabubuting kaibigan na may mabuti ring impluwensiya sa iyo.
Bagaman madali na ang pakikipag-usap ngayon sa ibang tao sa pamamagitan ng social media at Internet, ipinapayo ni Theodore na mas mainam pa rin ang harapang interaksyon sa kapwa.
“Communicating with friends online doesn’t fulfill our needs for connection and intimacy the same way that socializing in person can,” aniya.
“However, that alone may not be sufficient to prevent friendships eventually dying naturally if they are not occasionally reinforced by face-to-face interaction.” dagdag niya.
Ikaw, kailan ka huling lumabas kasama ng iyong pamilya at mga kaibigan? Subukang makipag-bonding muli sa kanila upang maiwasan ang pagkakaroon ng labis na kalungkutan sa buhay.
Source: Livestrong, University of Chicago
Images: Shutterstock
BASAHIN: Mental Health Law: Mga benepisyo para sa may postpartum depression