Narito ang 10 tips na maaaring gawin upang lumaking isang lalaking may respeto sa babae ang iyong anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Tips para lumaking isang lalaking may respeto sa babae ang iyong anak.
- Ang mahalagang papel mo bilang magulang sa magiging ugali at kilos ng iyong anak.
Bilang isang magulang, lahat ng mabuting gawi at asal na ipinapakita ng ating anak ay isang napakalaking accomplishment na sa atin. Dahil sa paggawa niya nito ay sumasalamin ang maayos nating pagpapalaki sa kaniya.
Ganoon din kapag kasalungat naman nito ang kaniyang ginawa na sinasabi ng iba na produkto rin ng mali nating pagpapalaki. Kaya naman, habang maliit pa sila ay dapat dinidisiplina na at tinuturuan ng magandang asal. Ito ay para makasanayan nila ito na magiging ugali na nila hanggang sa paglaki.
Sa mga batang lalaki, isa na ata sa goal ng mga mommies na maituro sa kanilang mga anak na lalaki ay lumaking silang may respeto sa mga babae. Paano ito gagawin? Narito ang ilang tips na makakatulong para lumaking isang lalaking may respeto sa babae ang iyong anak.
Tips para lumaking isang lalaking may respeto sa babae ang iyong anak
1. Simulan ito habang sila ay bata pa.
Sa gulang na lima pababa, maaari ng simulang turuan ng pagrespeto sa mga kababaihan ang iyong anak na lalaki. Gawin ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga tamang salita sa pakikipag-usap sa mga babae.
Ganoon din ang mga dapat tamang ikilos niya sa tuwing kaharap sila. Kung ito ay kaniyang magagawa ng tama ay purihin siya at ituwid din ang mga maling gawi na ipinapakita niya.
Photo by RODNAE Productions from Pexels
2. Ituro sa iyong anak na pantay ang mga babae at lalaki.
Para matutunan ng iyong anak na magpakita ng respeto sa mga babae, dapat ay sa bata niya pang edad ay maituro na sa kaniya na pantay o equal ang mga lalaki at babae.
Gawin ito halimbawa sa pamamagitan ng pagbibigay kalayaan sa kaniya ng paglalaro ng mapababae man o lalaki. Hayaan siyang i-explore ang kaniyang paligid. Huwag itatak sa isip niya na ang mga mabibigat na gawain o roles ay panglalaki lang.
3. Ituro sa kaniya ang kahalagahan ng consent o pagsang-ayon.
Para makapagpakita ng respeto sa iba, kailangan matutunan ng iyong anak ang kalahagahan ng consent. Ipaunawa sa kaniya kung bakit mahalagang hingin ito sa iba lalo na sa mga babae.
Bilang isang magulang mahalaga na ito ay maisagawa mo sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa. Gaya na lamang sa tuwing kinikiliti mo siya. I-encourage siyang gumamit ng salita kung ito ay gusto niyang itigil na.
O kaya naman sa pagpapalit ng damit niya, tanungin pa rin ang iyong anak kung ikaw ba ang gusto niyang magsuot ng damit sa kaniya o kaya niya ng mag-isa.
Lalo na sa mga edad na siya ay nasa 5-12 taong gulang na, ang tamang edad na kung saan maaari mo ng simulan ang pagtuturo sa kaniya ng tungkol sa consent.
4. Kausapin ang iyong anak tungkol sa pornography.
Sa oras na tumungtong sa edad na 12 pataas ang iyong anak ay magiging curios na siya tungkol sa sex. Imbis na magtanong siya sa ibang tao o manood ng porno ay mas mabuting ikaw na ang umalalay sa kaniya.
Kausapin siya tungkol sa pornography. Ipaintindi sa kaniya na bagamat parte ng curiosity niya ang panonood ng porno, may mga eksena dito na hindi makakabuti sa kaniya.
Kaya naman imbis na manood nito ay ipaalam sa kaniya na willing kang sumagot sa mga tanong niya, sa abot ng iyong makakaya.
BASAHIN:
6 parenting mistakes kung bakit lumalaking walang respeto ang isang bata
Paano ang tamang paraan ng pakikitungo sa mayabang na magulang
4 parenting mistakes kung bakit hindi nagiging successful ang bata paglaki niya
5. Turuan sila tungkol sa sexual violence at kung bakit hindi ito dapat ginagawa.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
Para mas maintindihan ng iyong anak ang tungkol sa sexual violence ay makakatulong ang paggamit ng mga halimbawa. Tulad na lamang sa mga balitang mapapanood sa TV kaugnay dito.
Ipaliwanag sa kaniya kung bakit hindi ito dapat ginagawa. Ganoon din ang mga salita o birong hindi dapat sinasabi sa mga babae.
Sapagkat hindi lang ito makakasakit o offensive sa kanila. Ito ay maaaring grounds din para siya mareklamo siya. Kung may mga hindi siya naiintindihan ay ipaalam sa kaniya na puwede siyang lumapit at magtanong sayo kahit anong oras.
6. I-discuss sa iyong anak ang tungkol sa intimacy.
Sa oras na nagbibinata na ang iyong anak, marapat lang na turuan siya ng tungkol sa pakikipagrelasyon at intimacy. Maaaring ito ay sa pamamagitan sa kung paano ba ang tamang panliligaw.
O kung paano niya maipapakita at maipaparamdam sa babaeng gusto niya ang feelings niya. Sa puntong ito, mahalaga na ipaintindi sa kaniya ang kahalagahan ng consent. Ganoon din ang pakikipag-communicate na mahalaga sa pagkakaroon ng healthy at masayang relationship.
7. Turuan ang iyong anak tungkol sa affirmative consent.
Tulad ng nauna ng nabanggit, napakahalaga na ituro sa iyong anak ang konsepto ng consent habang siya ay bata pa. Ito ay para sa oras na siya ay magbinata na ay mapapraktis niya na ito.
Lalo na pagdating sa pagtatalik na mahalagang ipaintindi mo sa kaniya na dapat ay parehong ginusto nilang gawin ng kapareho niya. Hindi dahil sa ito ay pinilit niya o kaya naman ay pinilit siya.
Pero mas mabuting ipaliwanag sa iyong anak na kung maaari ay huwag na muna itong gawin. Dahil sa ito ay may kaakibat na malaking responsibilidad na sa kaniyang batang edad ay hindi niya pa kakayanin.
8. Ipaliwanag ang negatibong epekto ng pag-inom ng alak at paggamit ng bawal na gamot sa kaniya.
Food photo created by freepik – www.freepik.com
Maliban sa maaaring maging masamang epekto sa kalusugan, ang pag-inom ng alak at paggamit ng bawal na gamot ay may kaugnayan din sa sexual violence.
Sapagkat karamihan ng mga krimen o rape na naitala ay isinagawa sa ilalim ng impluwensiya ng mga ito. Kaya naman mahalagang ituro sa iyong anak na hangga’t maaari ay iwasan ang mga ito.
O kaya naman ay huwag itong gagamiting paraan para mag-take advantage sa ibang tao lalo na sa mga kababaihan.
9. Turuan ang iyong anak na maging mabuting halimbawa sa iba.
Ito ay iyong magagawa sa pamamagitan ng pag-i-encourage sa kaniya na itama ang mga maling gawi na nakikita o naririnig niya. Halimbawa, kapag may nakita siyang babaeng binibiro o binabastos ng kaklase niya.
Ipaliwanag sa kaniya kung anong laking tulong o pagbabago ang magagawa niya kung sasawayin niya ang mga ito at tuturuan ng tamang paraan ng pakikipag-usap sa mga kababaihan.
10. Maging mabuting halimbawa sa iyong anak.
Syempre para mas matutunan ng iyong anak na lumaking may respeto sa babae ay dapat ito ay ipinapakita mo rin sa kaniya. Kayo sa lahat ng oras bilang magulang ay ito ang dapat na ipinapakita. Maliban sayong mag-asawa ay dapat paalalahanin rin ang iba pang mga tao o miyembro ng pamilya na maging mabuting halimbawa sa iyong anak. At iwasang ma-expose siya sa mga palabas o pangyayari na maaring mag-encourage sa kaniya na magsagawa ng sexual violence.
Source:
Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!