11 life lessons na dapat ituro sa anak, alamin ito dito!
Araw araw, mayrong pagkakataon na maturuan ang ating mga anak ng mga mahahalagang aral na makakapagbago ng pagkatao at buhay nila.
Lahat ng nakikita nilang ginagawa at naririnig na sinasabi ng mga matatanda o ng kanilang mga magulang, ay naaalala nila hanggang paglaki. Iyon ang ginagaya nila. Ang halimbawa ng mga magulang ang gagayahin nila; ang hangad para sa kanila ang magiging hangarin nila.
Napakaraming mga kakayahan ang gusto nating matutunan ng mga anak natin para maging matagumpay sila sa buhay. Sabi ng iba, hindi naman posibleng magawa nila lahat nang ito. Imposible daw.
Naniniwala ako na kapag matibay ang pundasyon, walang hindi kayang gawin. Pero ang mga mas mahahalagang bagay na dapat matutunan ng mga bata lalo ngayong henerasyon na ito, at dapat manggaling sa mga magulang.
Ang mga life lessons at values na ito ang makakatulong sa mga bata na malagpasan ang mga pagsubok at problema sa buhay, nang may paninindigan at matibay na tiwala sa sarili.
Kung ako ang papipiliin, ito ang 11 life lessons na gusto kong maisapuso ng mga anak ko, mula pagkabata.
11 importanteng life lessons na dapat ituro sa anak
1. Life lessons na dapat ituro sa anak: Kagandahang-asal
Ito ang isang bagay na dapat ituro at ipakita mula pagkabata. Walang edad na napakaaga para simulan ang pagtuturo nito. Ito ang makatutulong sa mga bata sa pakikitungo nila sa kapwa, sa araw araw. Ito ang huhubog sa kanila sa pagiging mapagmahal at mabait na tao.
Huwag isaalang-alang o balewalain ang mga katagang “Please” at “Thank you” o “Salamat”, ang “Po” at “Opo” at ang tamang pakikiusap kapag may gusto.
Kahit pa nga hindi pa marunong magsalita, ginagamit na ito dapat ng mga magulang o nakatatanda para ito ang ilan sa mga unang matututunan nilang bigkasin.
Kahit walang nakakarinig na ibang tao, kahit kayo-kayo lang sa bahay, huwag iwawaksi ang maayos na pakikiusap at pakikipag-usap. Ang pagmamano, ang pag-akay sa mga nahihirapang maglakad, ang simpleng pagtatanong kung kumusta na o kung may nararamdaman bang hindi maganda ang kapwa—ito ay ilan lamang sa mga nagpapakita ng concern at empathy.
At kung ang epekto ng pagmomodelo ng magandang asal ay nananatili sa isip nila, ganundin ang pagpapakita ng masamang asal. Kapag palaging galit, pasigaw, o nagsasabi ng mga salitang nakakasakit sa kapwa.
Kahit pa hindi naman ang bata ang tinutukoy o sinasabihan, gagayahin ito ng bata. At sa kalaunan, parang natural na lang ito, at hindi maiintindihan ng bata na masama na pala ito.
Larawan mula sa Shutterstock
2. Life lessons na dapat ituro sa anak: Pagiging matapat o honesty
Kapag nakikita o naririnig ng bata na hindi nagsasabi ng totoo ang mga nakatatanda, lalaking walang pagpapahalaga sa katapatan ang mga bata. Kailangang idiin na ang pagsisinungaling ay may mga kahihinatnan na hindi rin mabuti.
Ipaliwanag sa bata ang value ng pagsasabi ng tapat at totoo, lalo na sa pamilya, dahil kapag nakilala ka ng kapwa na palaging nagsisinungaling, walang magtitiwala o rerespeto sa iyo.
Nagsisimula ang pagtuturo nito sa mga simpleng bagay. Kapag narinig ng bata na sinabi mo sa opisina na “Hindi ako makakapasok sa trabaho ngayong araw, kasi may sakit ako,” pero binitbit mo ang bata at nag-shopping kayo sa mall maghapon, tiwali ang halimbawang magigisnan niya.
Kahit pa sa pakikipag-usap sa bata, iwasan ang pagsasabi ng hindi totoo. Tulad halimbawa ng pagsasabing kapag hindi siya kumain ay huhulihin siya ng pulis. Ang pananakot na ito ay may malaki at malalang kalalabasan pagkalaunan.
3. Life lessons na dapat ituro sa anak: Ang kahalagahan ng pagkatuto at pag-aaral
Ang pagkatuto ay panghabambuhay at magbubukas ng maraming pagkakataon—endless possibilities, ika nga. Hikayatin ang mga batang magbasa, o maging mahilig sa libro, kahit hindi pa marunong magbasa.
Ipakita rin ang napakaraming paraan ng pagkatuto o life lessons, hindi lang sa pagbabasa. Mag-isip ng iba’t ibang activities habang bakasyon na magtuturo sa mga bata ng mga skills sa pamamagitang ng discovery, exploration, at experiments.
Ang mayamang karanasan na makukuha sa pagpunta sa iba’t ibang lugar, pagsubok ng mga bagay o gawain na hindi pa nagagawa, pagkatuto ng mga bagong kakayahan tulad ng pagbibisikleta, sports, at iba pa, at pakikisalamuha sa iba’t ibang tao.
Kahit pa bakasyon sa eskwela, hindi dapat tumitigil sa pagkatuto, kaya’t maghanap pa rin ng mga pagkakaabalahan at pag-aaralan ngayong summer.
4. Life lessons na dapat ituro sa anak: Pagkakaron ng lakas ng loob na sabihin ang nasa isip o saloobin, lalo’t may maling nakikita
Hindi natin mapoprotektahan ang mga bata sa mundo at sa mga taong may masamang hangarin o gawain. Kaya nga kailangang maturuan silang ipagtanggol ang sarili sa abot ng makakaya nila.
Kailangan nilang matutong magsalita kung nakikita nilang may mali o pang-aabuso, at huwag mahiya o mag-alinlangan na magsalita at ipagtanggol ang sarili.
Marami sa atin ang lumaki na sinabihang huwag sumagot sa nakatatanda o manahimik na lang dahil nakakahiyang magsalita tapos ay mali ang sasabihin.
Ang bawat bata ay dapat matutunan na may karapatan silang magsalita at magsabi ng saloobin, nang hindi nakakabastos sa kapwa. Magbibigay ito ng lakas ng loob sa mga bata na magtanong kung may hindi naiintindihan o hindi malinaw, at magtanong para lubos na maintindihan ang isang bagay.
Tulungan silang magkaron ng kumpiyansa sa sarili at tapang na ipahatid sa iba, kahit pa sa mga nakatatanda, ang mga ideya at nasasaisip. Turuan siyang may boses at dunong siya na dapat marinig ng iba.
5. Life lessons na dapat ituro sa anak: Paghawak ng pera
Sinasabi ng iba na hindi mahalaga ang pera o yaman dahil materyal lamang ito. Ang nakakalimutan ng iba ay ang kahalagahan ng kakayahang humawak ng pera, para hindi ito mawaldas o mapunta sa wala.
Kung anu-ano ang ginagawa natin para matuto ang mga bata na magbasa, magsulat, maglaro ng sports, at iba pa, at nasasantabi ang pagtuturo ng money management.
Sa oras na nagsimulang makatanggap ng baon o allowance para sa eskwela ang inyong anak, kaakibat na nito ang pagtuturo ng pag-iipon, pag-dedesisyon kung paano gagamitin ng tama ang perang hawak, kung paano pagkakasiyahin para hindi maubos agad, at ang pag-iwas sa paghiram o pangungutang ng pera mula sa iba.
Ang mahusay na paggamit ng pera ay magtuturo sa mga bata ng pagiging responsable sa pinansiyal na aspeto ng buhay sa kanilang paglaki.
Kung mapapahalagahan niya ang perang pinaghirapan ng mga magulang, mapapahalagahan niya din ang trabaho niya sa pagtanda niya, at ang perang kikitain niya mula dito.
Kahit bakasyon, bigyan siya ng pagkakataon na humawak ng pera, Maaaring mag-isip ng mga maliit na pagkakakitaan tulad ng Garage Sale o ukay ukay, o pagtitinda ng meryenda sa kalye ninyo.
Larawan mula sa Shutterstock
6. Pahalagahan ang sarili
Simulan ito sa pagkain ng masustansiyang pagkain, at pag-aalaga sa sarili. Isa rin ito sa nakakaligtaan ng maraming magulang, lalo na habang lumalaki ang mga bata.
Tandaan na ang eating habits at lifestyle ng mga bata ay nakukuha nila sa mga magulang, mula sa murang edad. Kung nakikita nila na puro junk at hindi masustansiya ang kinakain ng mga magulang, hindi mo rin sila mapipilit na kumain ng gulay at prutas.
Pagsikapang maipaghanda sila ng masustansiyang pagkain sa araw araw, at matutong pumili ng pagkaing mabuti para sa kalusugan.
Imbis na puro tsokolate at foiled snacks ang baon sa eskwelahan, bakit hindi magpabaon ng iba’t ibang prutas tulad ng mansanas, saging, berries, o gulay tulad ng carrots at pipino.
Imbis na puro white rice, ipakilala sa kanila ang quinoa, barley o brown rice. Kasama na din dito ang pagkain ng tama lang, at hindi sobra sobra, o maya’t maya.
Iwasan ang matatamis at matatabang pagkain. Turuan ang mga bata na maghanda ng mga meryendang masustansiya at sagana sa nutrisyon.
Magkasama ninyong pag-aralan ang epekto ng sobrang pagkain, o ang pagkonsumo ng mga fats at sugar nang walang limitasyon. Ipaliwanag ang buting dulot ng protein, good carbohydrate at fibre, sa katawan.
7. Life lessons: Lahat tayo ay nagkakamali; magpakumbaba at magpatawad
Tao lang, di ba? Bata man o matanda, lahat ay haharap sa di-pagkakaunawaan. Mabuting maituro sa mga bata kung paano maging kalmado, kahit pa sa pinakamahirap na sitwasyon, o sa pinakamainit na pagtatalo.
Lahat ay nadadaan sa mabuting usapan at hindi dapat pairalin ang init ng ulo. Kahit pa ang isang batang 2 taong gulang ay kailangang matutong kumalma at huminga nang malalim at mag-isip, bago pa magbitiw ng salita, o makipag-away.
Turuan ang bata na tingnan ang lahat ng panig at problema at pakinggan ang paliwanag ng kausap. Mabuting matutunang iwaksi ang mga negatibong emosyon tulad ng galit at matutunang kontrolin ito, upang hindi lalong lumala ang problema.
Huwag parusahan ang sarili kung nagkamali. Move on, ika nga, at imbis na sisihin ang sarili o kung sino pa man, magpatawad at planuhin ang susunod na hakbang.
Hayaan ang mga batang magtalo at gabayan sila kung paano bibigyan ng solusyon ang isang alitan. Huwag makialam, bagkus, hayaan muna silang mag-usap at pag-usapan ang gagawin sa isa’t isa at sa sitwasyon.
8. Life lessons: Tumulong, sa abot ng makakaya, sa mga nangangailangan
Isa na siguro sa pinakamahalagang maituturo sa inyong mga anak ay ang pagtulong sa kapwa. Mula sa pinakamaliit o simpleng bagay tulad ng pagtulong sa gawaing bahay, pag-akay sa mga matatanda, o pagliligpit ng sariling laruan o gamit sa kuwarto, ang bawa tulong ay may impact.
Ang pagtulong sa kapwa ay nagtuturo ng compassion ing hand whenever the opportunity arises. This teaches them values such as compassion at empathy, at nagpapakita ng kabutihang loob at pagmamalasakit sa kapwa, at pagpapahalaga sa kapakanan ng iba higit sa sarili.
Mag-volunteer, magbigay sa nangangailangan, tumulong sa komunidad. Ilan lamang ito sa pwedeng gawin nang magkasama ngayong bakasyon para maipakita kung paanong tumulong nang walang hinihintay na kapalit.
9. Life lessons: Maging maligaya at positibo
Hindi lahat ng panahon ay masaya ang tao. Mahalagang matutunan ng mga bata na hindi rin puro saya at laro ang buhay. Pero hindi rin kailangang malugmok sa kalungkutan.
Ang bawat pagsubok ay kayang masolusyunan, ang bawat pagkakamali ay pwedeng itama, kung gugustuhin at kung pag-iisipan. Ang lahat ng pagkakamali, lungkot at nakakalungkot na pangyayari, ay tutulong sa ating maging matatag.
Tingan ang positibong panig ng isang pangyayari, count your blessings, at tandaan na mas maraming kabutihan sa paligid, kasya masama. Dapat magpasalamat sa mga mabubuting pangyayari sa buhay, kaysa sayangin ang oras sa pag-angal o pag-iyak.
Sa pagkakaron ng positibong pananaw sa buhay, natututo ang batang maging matatag at kayang harapin ang anumang pagsubok. Kung matalo man sa final game ng summer basketball league na sinalihan.
Ipakita sa bata na kahit hindi nanalo, marami naman siyang natutunang skills at nasanay siya sa paglalaro, at marami pa siyang nakilalang bagong kaibigan.
Larawan mula sa Shutterstock
10. Life lessons na dapat ituro sa anak: Ang magmahal ng tapat at walang takot—at mahalin ang sarili
Kahit bata pa, hindi maagang turuan ang mga anak na magmahal at magpakita ng pagmamahal sa kapwa, lalo sa pamilya at kaibigan. Huwag mag-alinlangan na ipakita ang pagmamahal sa anak at kapamilya.
Kasama na dito ang pagtanggap sa mga pagkakamali at pagpapatawad, pagtanggap sa mga kapintasan, at pag-intindi sa mga kakulangan ng iba. Naituturo nito na kailangan nating igalang ang desisyon ng ibang tao at mga choices nila.
Higit sa lahat, kailangang matutunan ng mga bata na mahalaga ang magmamahal sa sarili, na ang ibig sabihin ay aalagaan mo ang iyong kalusugan, papahalagahan mo ang sariling kaligayahan, at hindi mo ikahihiya ang sarili at ang pinanggalingan. Bago pa magmahal ng iba, kailangang matutong mahalin ang sarili.
Ang pagmamahal na ito ay nagsisimula sa pamilya. Ngayong bakasyon, maglaan ng oras para sa buong pamilya, para sa mga anak. Kasama dito ang pagpapahalaga sa mga kaanak, sa malapit man o malayong lugar.
Dalhin ang mga bata sa mga lolo at lola, tiyuhin at tiyahin, mga pinsan, at iba pang kamag-anak. Magdasal nang magkasama, magluto at kumain nang magkasama, maglaro, magsaya bilang isang pamilya.
Ang mga masayang ala-ala nang pagkabata at pamilya ang paghuhugutan ng lakas at paninindigan ng isang bata paglaki niya.
11. Magpasalamat
Gratitude at appreciation ang dalawang salitang Ingles na tinuturo ko sa mga anak ko. Kapag may nagbigay na materyal na bagay sa kanila, pinapaalala kong magpasalamat palagi.
Kung may tumulong sa kanila, kailangan ding magpasalamat, at ipahatid ang pasasalamat sa anumang paraan. Yung kasabihang No man is an island, ay korny para sa iba, pero totoo para sa lahat. Hindi lahat ng tao ay dapat tumulong sa iyo, pero ginawa pa rin nila, kaya’t dapat magpasalamat.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!