Patay ang apat na taong gulang na si Skyler Abatayo matapos matamaan ng ligaw na bala sa Cebu City kahapon, Hulyo 10. Aksidenteng nasawi ang bata matapos ang barilan sa pagitan ng mga suspek sa droga at mga pulis.
Ayon kay Carbon Police Station 5 commander, Senior Inspector John Escober, nakatanggap sila ng ulat na mayroong mga nagre-repack ng shabu at gumagamit ng ilegal na droga sa Sitio Bato, Baranggay Ermita—isang residensyal na lugar na may mga barongbarong. Nagpadala sila ng apat na pulis upang imbestigahan ang tip sa kanila.
Pagdating sa lugar, dalawang pulis ang naatasan na mag-imbestiga habang may dalawa pang naatasang magmasid.
Pahayag ni Escober sa panayam ng GMA News Online, “Bale nung pagdating ng mga officers natin sa area so sinilip nila yung bahay…sa second floor sinilip nila so nakita nila may apat na personalities, dalawa ang nagrerepack tapos dalawa ang gumagamit ng shabu.”
Nagkaroon raw ng shootout matapos makipag-agawan ng baril ang mga suspek sa mga pulis.
Dagdag pa niya, “May narinig silang putok ng baril coming from the suspects so biglang napatigil yung mga pulis natin tapos nagtakbuhan sa second floor yung mga drug personalities para makatakas.”
Ayon kay Escober, mabilis na nakatakas ang mga suspek at hindi na nahabol ng mga pulis dahil na rin sa hindi pamilyar ang mga huli sa lugar.
Nang bumalik ang mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen upang kumuha ng ebidensiya, iniulat sa kanila ng mga residente na mayroong natamaan ng ligaw na bala—si Skyler.
“Dinala immediately ng police officer natin yung bata doon sa pinakamalapit… Unfortunately pagdating pronounced dead na yung bata,” ani Escober.
Nadala si Skyler ng kaniyang mga magulang, sa tulong ng mga pulis, sa Cebu City Medical Center. Sa kasamaang palad, dead on arrival na ang bata dahil sa tama ng ligaw na bala sa dibdib.
Diin ni Escober na “definitely hindi galing sa pulis natin” ang balang pumatay sa pat na taong gulang na bata. Malamang daw ay sa mga suspek na nakipagbarilan. Pinapaimbistigahan ngayon ang scene of the crime upang makuha at ma-examine ang mga bala.
Ayon sa Sun Star, may nakuhang shabu na nagkakahalaga ng P85,000 at mga drug paraphernalia.
Samantala, nakikipag-coordinate ngayon sina Police Regional Office 7 Director Debold Sinas at Cebu City Police Office Director Royina Garmasa pamilya ni Skyler upang magpa-abot ng tulong.
SOURCE: GMA News, Rappler, Sun Star
Basahin dito ang mga safety tips upang mailayo ang iyong anak sa kapahamakan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!