Nalalapit na naman ang pagsalubong natin sa panibagong taon. Bilang mga magulang, mahalagang isama natin sa ating paghahanda kung paano ba sasalubungin ang bagong taon nang ligtas para sa ating mga anak at sa buong pamilya.
Tips para sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon
Dahil sa paniniwalang maitataboy nito ang malas at masamang espiritu, hindi nawawala tuwing bagong taon ang paggamit ng paputok ng mga Pilipino. Ganoon din ang pagsisindi ng fireworks na nagpapaliwanag at nagpapakulay umano ng papasok na bagong taon.
Pero ang paggamit nito ay may kaakibat na banta sa ating kaligtasan. Lalo na sa mga maliliit na bata na wala pang muwang sa peligrong maaring maidulot nito. Para maiwasan ang hindi kanais-nais na epekto at peligrong dulot ng paputok sayo at kay baby, narito ang ilang tips para sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon na kasama siya.
Mga dapat tandaan para sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon kasama si baby
1. Iiwas siya sa malakas na tunog ng paputok hangga’t maari.
Ang mga tenga ng baby ay sensitive pa kaya naman ang mga malalakas na tunog ay madaling makakapagdulot ng damage sa eardrums nila. Pero syempre tuwing bagong taon ang malalakas na tunog ay hindi mo maiiwasan. Ngunit maari namang mabawasan ang impact nito sa tenga ni baby sa pamamagitan ng paglayo sa kaniya sa lugar kung saan nagpapaputok. O kaya naman ay pagsusuot ng earbuds o earmuffs sa mga tenga niya. Hindi lang nito pinoprotektahan ang tenga niya laban sa malakas na tunog. Kung hindi pati narin sa lamig ng hangin ngayong season.
Kung pakiramdam mo ay malakas pa rin ang tunog, ay manood kayo ni baby sa loob ng kotse ng fireworks display. Dahil dito ay siguradong enclosed at limited lang ang tunog na makakapasok sa loob.
2. Huwag alisin sa iyong paningin si baby.
Ang mga batang nagsisimulang maglakad ay sadyang napaka-active at kulit. Kaya naman hindi natin napapansin kung minsan na wala na sila sa ating tabi o kung anong bagay na ang hawak nila. Para maiwasan ito lalo na ngayong bagong taon na nagkalat ang mga paputok sa paligid ay huwag aalisin sa iyong paningin si baby hangga’t maari. O kaya naman ay isama siya sa tuwing ikaw ay aalis o iiwan siya sa kaibigan o miyembro ng pamilya na maaring tumingin at magbantay sa kaniya.
3. Suotan ng safety goggles si baby kung kayo ay manonood ng fireworks sa labas.
Ayon kay Louie Domingo, isang emergency professional ang pagsusuot ng safety goggles sa tuwing manonood ng fireworks o magpapaputok ay nagsisilbing proteksyon ng mata mula sa mga shrapnel na maaring pumasok dito nang hindi sinasadya. At kung sa oras naman na walang suot na goggles ay may pumasok na debris sa mata ay banlawan ang mata gamit ang running water. Ito ay upang matanggal ito at malinis narin ang mata.
4. Pagsuotin si baby ng long sleeves na gawa sa cotton.
Ang pagsusuot ng long sleeves o jacket kay baby sa darating na pagsalubong sa bagong taon ay hindi lang magiging proteksyon niya sa lamig. Mahalaga rin ito sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon. Makakatulong ito upang maiwasang siya ay mapaso ng mga tumatalsik na baga mula sa paputok. At ayon parin kay Louie Domingo, dapat ang long sleeves na susuotin niya ay gawa sa cotton at hindi sa telang gawa sa synthetic material.
“Magsuot ng long sleeves. At advisable dapat cotton kasi kahit masunog powderized siya hindi siya didikit sa balat. Hindi tulad ng synthetic na matutunaw parang plastic. At yung plastic na yun didikit sa ating balat at it will cause more burn.”
5. Maghanda ng tubig o fire extinguisher na malapit lang sa inyo pati na rin ng first aid kit
Kung sakaling magsimula ng sunog ang paputok na sinindihan, mas madaling maapula ito kung may tubig o fire extinguisher na malapit lang sa’yo.
Dapat ay mayroon ding first aid kit na madali mong makukuha at magagamit. Lalo na ang mga gamot para sa paso o sugat na madalas na natatamo tuwing bagong taon.
6. Huwag pagamitin ng paputok ang myembro ng pamilya na nakainom
Kung mag-iinom si daddy o sino mang miyembro ng pamilya, tiyaking huwag ito pagagamitin ng paputok. Kapag lasing kasi ang isang tao at gumamit ng paputok, posibleng maihagis niya ito sa kung saan-saan. Iwasan na lang ang magpaputok kung mayroon ding inuman sa inyong bahay.
Larawan mula sa Shutterstock
7. Pumili ng bibilhing paputok
Tiyaking hindi expired o walang problema sa paputok o fireworks na bibilhin. Sundin din ang instructions sa label ng paputok para maiwasan ang disgrasya. Dagdag pa rito, huwag na huwag kalilimutang sa labas lamang ng bahay dapat magpaputok para maiwasan ang aksidente at sunog.
Ang mga tips na ito ay makakatulong para sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon. Sa oras naman na tapos na ang putukan mabuting ipaumaga nalang ang paglilinis ng mga kalat ng paputok. Ito ay upang mas makita mo kung ito ba ay gamit na, hindi pa o nagbabaga pa. Dahil maaring ito ay biglang pumutok ng hindi inaasahan. Paalalahanan rin ang mga bata na huwag mamulot ng paputok upang ito ay maiwasan.
Updates by Jobelle Macayan
Basahin: DOH warns the public to avoid Piccolo, the most dangerous firecracker for kids
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!