“Anak, mahulog ka diyan!” paalala ni Liz Uy sa kaniyang 11-buwang gulang na anak na si Xavi habang kausap namin siya sa telepono.
Kuwento niya sa amin na malapit nang mag isang taong gulang ang kaniyang baby boy next month, “kaya malikot na!” Patuloy pa rin ang fashion stylist sa pag-breastfeed sa kaniyang anak. Sa katunayan, nagpapadede ito nang makausap namin. Dagdag pa niya na nahihilig siya ngayon sa mga damit na button-down at may zipper sa harap dahil mas madaling mag-breastfeed.
Kinamusta namin si Liz matapos ang eksklusibong panayam niya sa Philstar kung saan nagsalita na siya tungkol sa kaniyang pagbubuntis, pagiging ina, at sa kontrobersyal niyang relasyon sa partner niyang si Raymond Racaza.
Kinumpirma niya sa amin na totoo ang nailathala sa pahayagan. “Wa echos yan,” pabiro niyang reply sa amin. Sa panayam niya, sinagot niya lahat ng katanungan—pati ang sensitibong paksa tungkol sa pagkakaroon ng asawa ng ama ng anak niya.
A post shared by Liz Uy 🇵🇭 (@lizzzuy) on
Raymond Racaza
Ayon sa panayam niya sa Philstar, nakilala ni Liz ang businessman na si Raymond Racaza noong May 2016. Aminado siyang malapit na siyang mag-give up sa ideya ng pagpapakasal dahil 34 years old na siya at parati siyang busy sa kaniyang trabaho na dinadala siya sa iba’t ibang parte ng mundo. Naisip niya na habangbuhay na lang niyang makakasama ang kaniyang gay friends.
“Naging hopeless rin ako eh,” pag-amin niya. “Kung hindi ako bigyan ng partner, okay na rin. Mabubuhay naman ako with the bekis.”
Hindi niya alam na nang mga panahon na iyon, makikilala na pala niya ang lalaking magbabago ng buhay niya.
Habang nasa isang business meeting, kaswal na ipinakilala ng aktres na si Isabelle Daza si Liz sa businessman na si Raymond Racaza. Mabilis silang naging magkasundo at nag-enjoy sa kanilang usapan. Naikuwento ni Liz na kakagaling lang niya sa isang relasyon; si Raymond naman ay hiwalay sa asawa at may isang anak na babae. (Annulled na ngayon ang kasal ni Raymond sa dating asawa.)
Ngunit kahit nagkaroon sila ng chemistry, hindi sila nagkita o nag-usap matapos ang gabing ‘yon. Lumipas ang buwan bago sila pormal na nagkaroon ng pormal na relasyon.
PHOTO: screenshot mula sa interview ni Raymond sa programang “The Boardroom” ng CNN
Pagbubuntis
“I cried,” ani Liz. “I wasn’t ready.”
Tatlong araw bago ang kaniyang 35th birthday nang malaman niyang siya ay nagdadalang-tao. Wala sa plano nila ni Raymond na magkaroon ng anak bilang pareho silang busy sa kaniya-kaniyang karera. Nagulat si Raymond sa balita ngunit masaya ito. Si Liz naman ay aminadong may mga pangamba sa kaniyang sitwasyon.
Dagdag niya, “At 35 ang kapal ng mukha ko to not be ready, ’di ba? But I wasn’t. I was being selfish. I was just thinking of my career.”
Tumawag si Liz sa kaniyang nanay upang humingi ng payo. Ang pag-uusap nila ang nagpa-kalma sa kaniya. Sinabihan siya ng kaniyang ina na blessing ang baby at siniguro nito na malalampasan nila ni Raymond ang kung ano mang pagsubok ang kanilang haharapin dahil sa pagmamahalan nila.
Bukod sa pagbubuntis nito, lingid sa kaalaman ng karamihan na nagkaroon si Liz ng Hyperemesis Gravidarum o ang matinding klase ng morning sickness kung saan maya’t maya ang pagsusuka at pagkahilo. Kung karaniwang nawawala ang morning sickness sa mga buntis, sa may karamdaman nito, umaabot hanggang third trimester ang sintomas na ito.
Bagaman hindi naging madali ang pagbubuntis niya, nagawa pa rin ni Liz na matupad ang kaniyag mga responsibilidad sa kaniyang trabaho bilang stylist at style curator. Nagtrabaho siya hanggang ika-6 buwan ng kaniyang pagbubuntis.
Pagdating ng kaniyang ika-7 buwan, lumipad na siya patungong Los Angeles upang paghandaan ang panganganak. Inamin niyang sinadya niyang doon lumagay para malayo siya sa intriga at ma-enjoy ang kaniyang pagbubuntis in peace.
Baby Xavier
A post shared by Liz Uy 🇵🇭 (@lizzzuy) on
Ipinanganak si Baby Xavier, na binigyang palayaw na Xavi, noong Setyembre 20, 7:30 ng umaga. Nahirapan man siya sa kaniyang pagbubuntis dahil sa Hyperemesis Gravidarum, hindi naman siya nahirapan sa contractions bago manganak. Nakapag-paganda pa siya bago at nag-photo shoot pa kasama ang kaniyang kapatid, ang blogger na si Laureen Uy, bago siya nagpunta sa ospital.
“I just kept staring at him,” pahayag niya nang makita ang kaniyang baby. “I couldn’t believe I had a baby.”
Aminado siya na takot na takot siya nung una na alagaan si Baby Xavi, mas lalo na sa pagpapaligo nito. Pero kinailangan niyang gawin dahil ayaw niyang ipahawak ang kaniyang anak sa ibang tao.
Hindi rin daw naging madali ang breastfeeding journey niya. Mahina daw ang pag-produce niya ng gatas nung una kaya nag-suggest ang pedia ni Baby Xavi na bigyan ni Liz ng formula ang bata.
“Grabe ‘yong iyak ko kasi I felt so inadequate,” aniya. “I wanted to give Xavi my 100 percent.”
Naghanap si Liz ng lactation consultant na makakatulong sa kaniya. Pinayuhan siya nito: “Producing milk is 90 percent believing and 10 percent doing.”
Kuwento ni Liz: “Alam mo after just one session, the milk came. As in gusto ko siyang i-hug! I hope this tip helps other struggling moms out there.”
Kontrobersya
Nang ipinakilala ni Liz ang kaniyang anak sa mga tao sa isang post sa kaniyang Instagram account noong Marso, nagkaroon ng maraming katanungan kung sino ang ama ng bata, bakit niya itinago ang pagbubuntis, at kung anu-ano pa. Pinili niyang manahimik sa lahat nang ito.
Balang araw daw kasi mababasa ng anak niya ang mga masasamang nasabi tungkol sa kanilang sitwasyon at mababasa daw nito ang panayam sa Philstar. Gusto raw niyang matutunan ng anak niya na piliin parati ang “love over hate.”
SOURCE: Philippine Star
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!