Isang nakakaaliw na vlog ang ibinahagi ni Luis Manzano sa kaniyang YouTube Channel. Sa kaniyang vlog na pinamagatang “Daddy Duties ni Baby Peanut” si Luis Manzano ang nag-asikaso ng lahat ng dapat gawin sa pag-aalaga kay Peanut sa loob ng isang araw.
Luis Manzano hanga sa mga mommy at nanny sa pag-aalaga sa mga bata
Sa vlog ni Luis Manzano, siya ang nakatokang gumawa ng lahat ng gawain para kay baby Peanut. Buong araw na siya ang nag-asikaso sa kanilang anak ni Jessy Mendiola.
Larawan mula sa Instagram ni Luis Manzano
Biro ni Jessy, kinakabahan siya sa vlog na ito. Una ay pinaliguan muna ni Luis ang kanilang anak. Pagkatapos ay ginabayan nito sa tummy time si baby Peanut.
Nang kinailangan nang palitan ang diaper ng anak ay kinailangan na rin ni Luis ang tulong ng asawang si Jessy.
Kinagabihan ay balik daddy duty si Luis at binasahan nito ng story book si baby Peanut. Nakakaaliw din ang bungisngis ni baby Peanut sa tuwing nilalaro ito ng daddy.
Larawan mula sa Instagram ni Luis Manzano
Nang matapos ang araw ay hindi napigilan ni Luis na ipahayag ang paghanga sa mga nag-aalaga ng kani-kanilang mga anak.
“Hindi po biro ang ginagawa niyo. Sobrang nakakabilib,” saad ni Luis.
“Ngayon ko lang din naisip na times a million challenging kapag hindi mo pa anak ‘yong inaalagaan mo. Which I’m sure nararanasan ng napakaraming OFWs,” dagdag pa nito.
Hindi rin syempre nakalimutan ni Luis na pasalamatan ang asawang si Jessy sa mga sakripisyo nito bilang isang ina at asawa.
Larawan mula sa Instagram ni Luis Manzano
“I will never fail to appreciate this woman right here [Jessy Mendiola], dahil iba, best momma in the world.”
Kwento ni Jessy naranasan din niya na wala ang midwife nila na katuwang niya sa pag-aasikaso sa anak. Kaya naman bilib din siya sa mga nag-aalaga ng bata.
Saad ng aktres, “Bilib po ako sa lahat ng mga mommies or daddies na walang kaagapay kapag inaalagaan si baby. Naranasan ko siya ng ilang linggo. Ang hirap talaga.”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!