Hindi nawawala sa listahan ng mga pinoy appetizer ang lumpiang togue recipe na ibabahagi ko sa inyo ngayong araw. Madalas itong inihahanda sa anumang pagdiriwang o piging. Kasama rin ito sa menu ng mga pagkaing inihahain sa mga canteen at lugawan.
Sa artikulong ito malalaman natin:
- Ang pinagmulan ng lumpiang togue recipe
- Mga sangkap sa paggawa nito
- Ang proseso sa pagluluto ng lumpiang togue
Ang pinagmulan ng lumpiang togue recipe
Impluwensya ng mga dayuhang Tsino ang pagkain natin ng lumpia. Dinala ito sa atin ng mga mangangalakal na Tsino noong 17th century. Mula noon, naging parte na ng ating Pinoy dish ang pagkain ng lumpia.
Gawa ang lumpia wrapper sa pinaghalong harina at tubig o pinaghalong gawgaw, itlog at tubig. Ito’y iniluluto sa isang flat na kawali at ipinapahid nang manipis at pabilog upang mabuo. Isang mala-crepe na lumpia wrapper ang nabubuo dito. Pinatutuyo ito sa isang mesh bago isalansan at ibenta sa mga pamilihan.
Pinatutuyo sa mga mesh ang lumpia wrappers bago isalansan at ibenta sa mga pamilihan. | Larawan mula sa iStock
Hango ang salitang lumpia sa wikang Hokkien na lun pia na ang ibig sabihin ay “soft cake”. Ibinabalot ang lumpia wrapper sa iba’t ibang pagkain gaya ng karne, gulay at prutas bago i-prito o steam. Maaari rin itong kainin ng sariwa, depende sa nais ng mga kumakain nito.
May iba’t ibang uri ng putahe ng lumpia sa Pilipinas. Ito’y ang lumpiang togue, lumpiang gulay, lumpiang sariwa at lumpiang shanghai. Mayroon ding tinatawag na dynamite na naglalaman ng siling haba at keso. Mayroon ding tinatawag na turon na naglalaman naman ng saging na saba, asukal at langka. Ang mga ito’y madalas na ginagawang appetizer sa mga handaan o piging. Ibinebenta rin ito bilang meryenda.
Sa araw na ito, ibabahagi ko sa inyo ang lumpiang togue recipe na natutunan ko pati ang sawsawan para rito.
BASAHIN:
Subukan ang aming easy-to-follow Afritada chicken recipe
Munggo Recipe: Ang Ilocano version ng ating ‘Friday ulam’
Chopsuey Recipe: Ang healthy all-veggie ulam ng pamilyang Pilipino
Mga sangkap sa pagluluto ng lumpiang togue
- 1 cup cooking oil
- 1 medium sibuyas, chopped
- 3 cloves ng bawang, minced
- 1 cup fried tokwa, cubed
- 1/2 cup ground pork (giniling)
- 1 tablespoon patis
- 1 cup hipon, chopped
- 4 cups togue, cleaned
- 1 large carrot, julienned
- 1 cup green beans, cut thin and diagonal
- 12 piraso ng lumpia wrapper, pinaghiwa-hiwalay na
- Salt and pepper to taste
Larawan mula sa iStock
Sangkap para sa sawsawan:
- 1/4 cup suka
- 1/4 cup toyo
- 1 teaspoon ng asukal (puti o pula)
- 1 sibuyas, chopped
- 2 pirasong siling labuyo (optional)
- Salt to balance the taste
Ang proseso sa pagluluto:
- Sa isang malaking kawali, i-prito muna ang mga tokwa. Kapag luto na ito, ihango at palamigin saka hatiin into cubes. Itabi. Sa parehong kawali, maglagay ng 2 tablespoon ng mantika, igisa ang bawang at sibuyas sa loob ng 30 segundo. Idagdag ang giniling na baboy at haluin ito hanggang maging light brown ang kulay. Sunod na ilagay ang hipon at muling haluin. Kapag naging pink na ang kulay ng hipon, ibalik sa kawali ang tokwa. Lagyan ng patis upang magkalasa ito.
- Ilagay ang togue at lutuin sa loob ng 2 minuto. Idagdag ang carrots at green beans at lutuin ng 2 minuto. Lagyan ng asin at paminta saka haluin. Patayin ang apoy sa kalan, hanguin ang togue mixture sa isang malaking mangkok. TIP: Huwag lutuin ng matagal ang togue mixture dahil muli itong ipi-prito. Maluluoy ang mga gulay sa loob.
- Salain ang togue mixture sa isang colander para matanggal ang anumang tubig nito. Kailangang dry ang ating togue mixture. Pagkatapos nito, ilagay sa mangkok at hayaang lumamig.
- Kapag malamig na ang togue mixture, ibalot na ito sa lumpia wrapper. Kapag naibalot na ang lahat ng mixture sa lumpia wrapper, handa na itong iprito.
- Sa isang kawali, ilagay ang mantika at isalang sa medium heat na apoy. Tiyakin na nasa 1-2 inches ang dami ng mantika upang ma-deep fry ang mga lumpiang togue. Kapag mainit na ang mantika, ilagay ang mga lumpia at i-prito ito. Lutuin ang magkabilang side ng lumpia sa loob ng 2 minuto o hanggang maging golden brown ang kulay nito. TIP: Per batch ang gawing pagluluto ng lumpia upang hindi ito masunog.
- I-drain ang mga nalutong lumpiang togue sa isang wire rack upang maalis ang sobrang mantika. Maaaring ilagay sa isang lalagyan na may kitchen towel o tissue kung walang wire rack. I-serve na ito at kainin.
Para sa sawsawan:
Pagsama-samahin lang ang suka, toyo, asukal, asin at sibuyas. Puwedeng maglagay ng siling labuyo kung nais ng maanghang na sawsawan. Enjoy!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!