Emosyonal ang bagong post sa Facebook account ni Lyca Gairanod, ang kampeon sa unang season ng The Voice Kids sa Pilipinas, dahil na-confine sa ospital ang kanyang ama na nagkaroon ng mild stroke.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- Lyca Gairanod may mensahe sa ama na nasa ospital
- Family background ni Lyca
Lyca Gairanod may mensahe sa ama na nasa ospital
Naantig ang mga netizens nang biglang naging emosyonal ang 17 taong gulang na singer na si Lyca Gairanod sa mga pinost na videos nito sa kanyang Facebook account. Binahagi ng The Voice Kids champion ang video kung saan makikitang nasa hospital bed ang ama na may mga nakakabit na apparatus.
Hiniling niya sa caption ang pagpapabuti ng kalagayan ng ama dahil sa labis na niya itong namimiss na kasamang kumanta.
“Papa pagaling na miss na miss na po kita. mag kakantahan pa tayo diba.”
Sa video, makikitang sobra-sobra ang ligaya ni Lyca Gairanod nang makitang dumilat ang ama. Ayon naman sa dalagang singer, sa ngayon naman ay medyo maganda na ang kalagayan ng ama.
Hindi tulad noong unang pagsugod sa kanya sa ospital. Sa ngayon daw ay unti-unti na itong nagrerecover sa mild stroke na naranasan.
“Medyo okay-okay na po siya and nagpapahinga na lang siya ngayon. Nagpapa-recover. Medyo nakakagalaw-galaw na rin si Papa hindi tulad nung una.”
Naunang nalaman ng publiko ang pagsugod sa ospital ng kanyang ama ng mag-post si Lyca noong April 22 ng video habang siya ay nasa ospital kasama ang pamilya.
Mapapanood sa video na mula sa labas ng room ng tatay niya ay emosyunal at maluha-luha niyang pinapanood ang amang nakahiga lamang sa hospital bed. Habang ang ina naman niya ay inaalagaan at binabantayan ito sa loob.
Sa parehong araw, nag-post muli siya ng video kung saan gising ang ama ang kinakausap nila ng pamilya.
Agad niyang kinawayan ito at tila nawala ang pagiging emosyonal niya nang masaksihang tumingin sa kanila ang tatay. Mapapanood sa video na sinusubukan ng ama ni Lyca na bumangon na sa pagkakahiga.
Sa kanilang bahay, hindi raw sila sanay na wala doon ang ama.
“Hindi kami sanay na nakikita namin si Papa na ganyan.”
“He’s a very strong man, na parang hindi kami sanay na ganyan siya. Kasi lagi ‘yang siya si ano eh, si gulo sa amin. ‘Yong ‘pag gigising ka sa umaga siya may nanggugulo sa’yo.”
Masaya niya ring ibinhagi sa kasama na pareho sila ng ugali ng ama dahil sa kakulitan nilang dalawa.
Pagbibiro niya pa, kung makikita raw siya ng ama paggising ang una raw sasabihin nito ay, “Ganda! Ganda naman nitong anak ko na ‘to!”
Lumakas pa lalo ang loob nila nang makitang ginalaw nito ang kanyang paa. Ayon kay Lyca, paborito raw ng ama ang “pagkukuyakoy” nito na para bang nagbi-beat.
“Gising ka na diyan magkakantahan pa tayo. Magbubudots pa tayo.”
Noong mga panahon din ito ay hindi ba nagagawang makakain ng tatay ni Lyca dala ng stroke. Bumuhos naman ang dalangin at suporta sa singer dahil sa pinagdadaanan niya ngayon.
“Never give up Lyca. Maraming nagmamahal sayo, maraming nananalangin para gumaling ang papa mo. ‘Wag mag-alala, God is always in control of everything. “
“Get well soon para sayong Papa Lyca we are praying for his healing.”
“Marami kami nagmamahal sayo Lyca basta wag kang magbabago.”
BASAHIN:
What happens when you have a stroke? Here’s everything you need to know
Baron Geisler naka-graduate na ng college: “It is never too late.”
Kris Aquino lampas 1 taong mawawala sa Pilipinas para magpagamot
Family background ni Lyca
Unang nakilala si Lyca Gairanod nang maging champion ito sa singing competition na The Voice Kids noong unang season nito.
Naninirahan siya kasama ng pamilya sa probinsya ng Cavite. Bago pa man sumikat ang pangunahing pinagkukuhanan ng income ng kanilang pamilya ay pangongolekta ng bote, materyales na gawa sa plastic, at iba pang bagay na maaaring i-recycle. Mangingisda ang nanay at tatay niya noon, at ito ang pangunahin nilang kabuhayan.
Nag-viral noon si Lyca Gairanod noong makuhanan siya ng video habang siya ay nangangalakal. Sa naturang viral post ng isang netizen, maririnig ang magandang tinig ni Lyca bago pa siya sumikat.
Kwento ng netizen na nag-post ng video, madalas mapadaan sa kanilang tahanan si Lyca sa Tanza, Cavite. Nag-iipon sila ng mga kalakal para ibigay kay Lyca noong ito’y nangangalakal pa.