Normal sa babae ang pagkakaroon ng vaginal discharge. Mayroon itong iba’t ibang kulay, lapot at dami depende sa kondisyon ng isang babae. Kadalasan ding mas madami ang discharge ng mga buntis. Subalit paano kapag mabahong vaginal discharge ang lumabas sa ‘yo?
Dapat bang ikabahala ito?
Upang malaman ang kasagutan, tayo ay tutulungan ng isang eksperto para sagutin ang inyong mga katanungan!
Usapang vaginal health
Nagsagawa ng live webinar ang theAsianparent Philippines at Sanofi na pinamagatang FamHealthy Flower Hour: Usapang Vaginal Health, sa pamumuno ni Dr. Geraldine Zamora, kasama ang kasalukuyang presidente ng Academy of Medicine of the Philippines na si Dr. Raul ‘Q’ Quillamor, tinalakay nila ang usaping vaginal health na hindi natatalakay parati ng karamihan.
Sa panimula ni Dr. Q, sa usaping vaginal infection, marami ang classification ang maaaring talakayin . Nandiyan ang sexually transmitted infection, non-sexually transmitted infection, viral infection, bacterial infection at fungal infection.
Ang pagkakaroon ng infection ay nakadepende sa edad ng babae. Ayon kay Dr. Q,
“Sa isang babae, depende sa age growth. May mga teenager, may mga mas younger than teenager nagkakaroon ng vaginal infection is by the fact na hindi pa sila sexually active.
Kasi ito ay related sa perineal hygiene. Kung minsan ang mga mommy ay nakakalimutan nilang turuan ang anak na babae kung paano maglinis ng puwerta.”
Isa sa dapat tinuturo ng mga magulang sa anak na babae ay ang tamang paghuhugas ng puwit. Kailangan ito ay malinis upang hindi magkaroon ng mabahong vaginal discharge na dala ng contamination.
“Dapat tuturuan ang bata na kapag nagpunas sila ng puwit, kapag dumudumi sila o after ng pagdumi, dapat balitan from the front going backwards. Ito ay para hindi ma-contaminate ‘yung vagina ng isang bata.”
Kapag sa reproductive age naman, dito na nagiging sexually active ang mga babae. Dito na rin posibleng magkaroon ng sexually transmitted disease katulad ng:
Vaginal infection sa mga diabetic o obese
Karaniwan sa ganitong edad ang pagkakaroon ng fungal infection. Ang impeksyon na ito ay dahil sa fungus at hindi kinikilala bilang sexually transmitted disease.
Maaaring magkaroon ng fungal infection kahit sexually active basta ikaw ay diabetic o mayroong poor perineal hygiene, ikaw ay maaaring magkaroon ng candidiasis.
“May mga babae na matagal rin silang mag-antibiotic. Kaya marami diyan ang nagse-self medicate ng antibiotics.
Hindi natin nare-realize na kapag nag-a-antibiotics madalas, namamatay ‘ypng natural vaginal floral ng isang babae kaya ang nag-te-take over diyan ay ‘yong mga pathogenic bacteria.”
Dagdag pa ni Doc Q na,
“Kasi ang vagina ay hindi sterile area but mayroong mga bacteria diyan na more commonly ay friendly bacteria. Like for example, ito ‘yong mga nagko-cause o nagme-mantain ng vaginal PH ng babae.”
Marami ang maaaring pagmulan ng vaginal infection. Gaya ng nabasa sa taas, nakukuha ito kapag mayroong “poor hygiene” ang isang babae at kapag sobrang linis din nito.
Kapag laging naghuhugas o gumagamit ng iba’t ibang sabon ang isang babae sa kaniyang ari, maaaring mamatay ang healthy bacteria sa loob nito at mapalitan ng bacteria na siyang nagdadala ng impeksyon.
“Kapag hugas tayo ng hugas sa loob ng vagina, na wi-wipe out ‘yung normal na bacteria ng vagina o vaginal floral.
Kaya hindi ‘yan maganda kasi kapag na-wipe out sila, magte-take over ngayon ‘ypng tinatawag nating bad bacteria o potentially pathogenic bacteria. So hindi rin maganda ‘yung naghuhugas sa loob.”
Hindi nirerekomenda ng mga doktor ang paghuhugas sa pinakaloob ng vagina gamit ang sabon. Maaari namang maghugas ng ari ngunit sa labas lamang. Gumamit ng malinis na tubig at mild soap.
Bukod pa rito, hindi nirerekomenda ang palaging paggamit ng pantyliner lalo na kung wala namang discharge. “Okay lang mag-liner kung mag-discharge pero kung wala naman, don’t use any pantyliner.”
Kailangan ding magpalit ng pantyliner kada apat na oras, madumi man o hindi.
Paano malalaman kung may vaginal infection?
Madali lang malaman kung may vaginal infection ang isang babae. Ito ay sa pamamagitan ng kulay at amoy ng kanilang discharge.
Ang normal na itsura ng discharge ay malabnaw, paminsan-minsan ay malagkit, walang kulay at walang amoy. Saka lang hindi ito magiging normal kapag kulay dilaw o berde na ang lumabas sa iyong discharge.
“Ibig sahinin ‘non ay may on-going infection. Kapag greenish ‘yan, maaaring bacterial vaginosis. Kasi ngayon, ‘yung infection naghalo-halo na eh.
Dahil sa sexual activity ng mga kababaihan ngayon lalo na sa mga teenager, naghalo-halo na ang mga infection.”
Minsan, nahihirapan silang tukuyin ang infection na ito dahil sa paghahalo-halo. Ngayon, kapag napansin mong kakaiba na ang amoy ng discharge mo na may pagkakatulad sa amoy ng isda, ito ay maaaring bacterial infection. Kapag naman kulay dilaw o berde na sinamahan pa ng bula, ito ay maaaring parte ng trichomoniasis.
Mabahong discharge | Image from iStock
Paano maiiwasan ang impeksyon na ito?
Paalala ni Doc Q, importante na ugaliin ng bawat babae ang kalinisan sa katawan lalo na sa ari para maiwasan ang impeksyon na ito. Narito ang iba pa niyang paalala sa pag-iwas:
- Maligo araw-araw.
- Hugasan ang ari ng malinis ng tubig at mild soap. Tandaan na sa labas lamang ng ari ang paglilinis at iwasang linisan ang loob.
- Panatilihin na tuyo o dry ang ari. Dahil mabilis na mabuo ang bacteria kung moist ito.
- Iwasan ang paggamit madalas ng pantyliner kung wala namang discharge.
- Iwasan ang paggamit ng t-back o iba pang uri nito.
- Piliin ang cotton na tela para sa iyong underwear at iwasan ang paggamit ng nylon.
Para sa mga babaeng mahilig magsuot ng tight jeans, ‘wag itong dalasan para maiwasan ang anumang impeksyon.
“‘Yong mga babae na mahilig mag tight jeans, lalo na kung may history sila ng current vaginal infection, i-avoid muna ninyo ang tight jeans.
Mag-skirt na lang muna kayo o ‘di kaya kapag nag-pants kayo, maluwang na pants. Avoid niyo muna ‘yung denims na masisikip.”
Gamot sa mabahong discharge ng babae
Sa lumang paniniwala, marami ang nagsasabi na maaaring gamitin ang tubig na may suka (vinegar) bilang gamot dito. Ngunit paglilinaw ni Dr. Q, hindi ito makabubuti lalo na kung ang sanhi ng infection mo ay fungi.
“Hindi ito advisable lalo na kung may fungal infection. Kasi ang fungal infection nag ta-thrive ‘yan sa non-acidic medium.” Bago gumamit nito, kailangan ay kumunsulta muna sa iyong doktor. “Kung fungal infection ‘yan, hindi pwede ‘yan dahil acidic masyado.”
Kapag ikaw ay nasa bahay at nangangati na ang iyong impeksyon, ang payo ni Dr. Q, panatilihin itong malinis at tuyo. Saka lang uminom ng gamot na reseta ng iyong doktor katulad ng antihistamine tablet o capsule. Paalala ni Doc Q, ‘WAG lalagyan ng alcohol o ointment. Mas lalo lang nitong pinapalala ang iyong nararamdaman.
Para sa gamot ng impeksyon, ito ay nakabase sa iyong kondisyon. Kung ito ay sanhi ng bacterial infection, maaaring gumamit ng suppository o oral antibiotic.
Ganito rin kapag fungal infection, maaaring uminom ng tablet, gumamit ng suppository o maglagay ng oitment. Ngunit maaari lamang itong gamitin kapag tuyo ang apektadong bahagi.
Iba pang sanhi ng mabahong discharge ng babae
Bakit mabaho ang discharge ng babae? Hindi palaging mabaho ang amoy ng discharge ng babae. Ang amoy, kulay, at lapot ng discharge ng babae ay maaaring indikasyon ng kalagayang pangkalusugan.
Bukod sa mga nabanggit sa webinar, Ilan pa sa mga posibleng sanhi kung bakit mabaho ang discharge ng babae ay ang mga sumusunod:
- bacterial vaginosis o overgrowth ng bacteria sa ari ng babae
- poor hygiene sa ari
- tampon na nakalimutang alisin
- sexually transmitted infection
Puwede ring maging sanhi ang mga sumusunod kaya lamang ay ‘di ito pangkaraniwang dahilan ng vaginal odor:
- vaginal cancer
- cervical cancer
- rectovaginal fistula
Mahalagang magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng mabahong amoy ng discharge para malaman kung bakit ka nagkaroon nito.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Laker
Mga sexually transmitted infection na nagdudulot ng mabahong discharge
Pang karaniwan sa mga lalaki ang STI na Gonorrhea. Sa babae naman, kadalasang walang sintomas ang gonorrhea bukod sa hindi usual na dami ng vaginal discharge at sa amoy nito. May mga kaso rin naman na may iba pang sintomas na kasama tulad ng:
- pananakit ng ari o pakiramdam na mahapdi tuwing umiihi
- rectal discharge o discharge mula sa puwet
- pagdurugo between periods
Ito ay uri ng viral infections na naipapasa sa pakikipagtalik. Nagdudulot ito ng mabahong discharge sa ari ng babae. Bukod pa rito, maaari ding makaramdam ng paghapdi tuwing umiihi ang babaeng may genital herpes.
Dagdag pa riyan, posibleng magkaroon ng mga blisters o maliliit na sugat sa ari, sa anus, o sa bibig kapag mayroong ganitong infection.
Chlamydia
Sexually transmitted infection ito na ang sanhi naman ay bacteria. Ilan sa mga sintomas nito sa babae ay:
- pangangati at iristasyon sa ari
- pananakit ng tiyan at puson
- discomfort tuwing nakikipagtalik at umiihi
- hindi usual na vaginal discharge na may mabahong amoy
Trichomoniasis
Dulot ng parasite ang sakit na ito. Ang mga babaeng nakararanas ng trichomoniasis ay maaaring magkaroon ng mga sintomas na:
- pangangati at paghapdi ng ari
- pamumula ng balat sa paligid ng ari
- pagbabago sa vaginal discharge
- discomfort tuwing umiihi
Kung nakararanas ng ano man sa mga nabanggit na sintomas ng iba’t ibang STI, mahalagang magpa-check sa doktor. Nakadepende sa uri ng sexually transmitted infections ang posibleng gamot sa mabahong discharge ng babae.
Maaaring antiviral, antifungal, o antibacterial medications ang ibigay sa iyo ng doktor. Kapag nagpositibo sa STI ang babae kakailanganin din ng kaniyang partner na magpagamot dahil posible na nahawaan na rin ito ng sakit.
Kung mayroong hindi magandang amoy ang ari ng babae at hindi naman sexually transmitted disease ang dahilan, narito ang ilang maaaring gawin para ito ay maiwasan:
Iwasan ang paghuhugas ng loob ng vagina
Ang paghuhugas sa loob ng vaginal canal lalo na kung gagamit ng fragrance soap ay nakasasama sa balanse ng natural bacteria at ph sa ari ng babae.
Kapag naging imbalance ng natural bacteria sa ari ng babae ay mas tataas ang risk na magkaroon ng impeksyon dulot ng pathogenic bacteria.
Maligo araw-araw
Ang regular na paliligo at pagpapanatili ng maayos na hygiene ay makatutulong para maiwasan ang pagkakaroon ng di magandang amoy sa ari ng babae. Kung hindi naman makakapaligo ay tiyaking mahugasan ang iyong ari araw-araw.
Manatiling hydrated
Uminom ng sapat na dami ng tubig para manatiling hydrated. Makakatulong ito para maging healthy ang balat. Ma-eencourage din nito ang healthy sweating at fluid release sa iyong vagina.
Kumain ng masustansyang pagkain
Mahalagang kumain ng balanced diet na mayaman sa prutas, gulay, protina at iba pa.
Makatutulong ito para mapanatiling malakas ang immune system at maiwasan ang ano mang infections sa katawan.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ivan Babydov
Mga dapat iwasan
Maraming kumakalat sa internet na home remedy umano sa mabahong vaginal discharge. Pero ayon kay Dr. Felice Gersh na nabanggit sa artikulo ng Healthline, karamihan sa mga “natural remedy” na kumakalat sa internet ay dapat na iwasan. Tulad ng mga sumusunod:
Paglalagay ng pagkain sa ari ng babae
Hindi makatutulong ang paglalagay ng food tulad ng bawang, cottage cheese, at yogurt sa inyong vaginal canal. Imbes na makatulong ay makasasama lamang daw ito sa vaginal microbiome.
Mga femine products na may fragrance
Dapat umanong iwasan ang paggamit ng fragrant toilet papers, perfumed tampons at sanitary pads. Delicate ang balat ng ari at maaaring makasama ang fragrance sa balanse ng bacteria sa vagina.
Douches at scrubs
Iwasang gumamit ng douches at scrubs na ginagamit umano para linisin ang vagina internally. Hindi lang odor-causing bacteria ang nawa-washout sa paggamit nito kundi maging ang infection-fighting bacteria. Mas lalo lang tataas ang risk na magkaroon ng mabahong discharge ang babae kapag gumamit ng douches at scrubs.
Kung nais mapanood ang buong live webinar, i-click lamang ito.
Maaari ring i-like ang aming official Facebook page, theAsianparent Philippines upang masubaybayan pa ang mga susunod na educational live webinar!
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!