Para sa mga bagong kasal, lalong-lalo na yung mga nasa tinatawag na ‘honeymoon phase,’ tugmang tugma ang sex drive ng mga mag-asawa. Siyempre, dahil bagong kasal pa lamang sila, maraming kakaibang experience, at may excitement pa sa kanilang pagsasama. Ngunit para sa mga matagal nang mag-asawa, nakakaranas sila ng pagkakaroon ng magkaibang sex drive.
Minsan kapag nag-aya si mister, ay wala sa mood si misis. At kung nasa mood naman si misis, si mister naman ang hindi interesado sa sex. Ano ba ang dahilan ng ganitong pangyayari, at may magagawa ba ang mga mag-asawa tungkol dito?
Masama ba ang pagkakaroon ng magkaibang sex drive?
Ang katotohanan ay wala namang mali o masama kung magkaiba ang inyong sex drive. Normal lamang ang ganitong bagay, at sadyang nagiging iba-iba ang mga mood ng mag-asawa.
Siguro natatanong ninyo, “bakit kapag honeymoon, tila mataas ang aming sex drive?” Ito ay dahil excited pa ang mga mag-asawa, at nagkakaroon sila ng heightened na sexual desire. Ito ang dahilan kung bakit kapag bagong kasal pa lang kayo ay parang madalas kayong nakakapagtalik ng iyong asawa.
Habang tumatagal kayo sa inyong relasyon ay bumabalik na sa normal levels ang inyong sex drive. Kaya kung ikukumpara sa inyong honeymoon phase, tila parang mas mababa ang inyong sex drive, at hindi na ganoong ka-active ang inyong sex life.
Nakakaapekto rin sa sex drive ang pagkakaroon ng anak. Siyempre, dahil pagod kayo sa pag-aalaga ng bata, posibleng mawalan na kayo ng interes sa sex, at gustuhin niyo na lang na makapagpahinga.
Minsan, sa mga araw na parehas gusto niyo talagang magsex, hindi niyo ito magawa dahil nakabantay kayo sa inyong anak. Pagdating naman ng sunod na araw, baka nawalan na ng interes ang isa sa inyo, kaya’t kahit dumating ang pagkakataon, ay umaayaw na lang.
Paano ninyo ito dapat pag-usapan?
Pagdating sa pagkakaroon ng magkaibang sex drive, ang pinakamagandang solusyon ay ang pag-uusap tungkol dito.
Mahalagang mayroon kayong bukas na komunikasyon bilang mag-asawa, at napag-uusapan ninyo ang ganitong mga bagay. Kung sa tingin mo ay matagal na kayong hindi nakakapagsex ng iyong asawa, bakit hindi subukang sabihin sa kanila ang iyong saloobin?
Puwede niyo namang gawan ito ng paraan, tulad ng pag-schedule ng isang gabing para sa inyo lang dalawa. Mahalagang magkaroon kayo ng pagkakaunawaan tungkol dito, upang malinaw sa iyo at sa iyong partner ang inyong mga pangangailangan sa isa’t-isa.
Mahalaga rin ang pagiging magbigay sa mga mag-asawa. Hindi naman tama na isa lang sa inyo ang nasasarapan sa sex. Mahalaga ang aspetong ito upang hindi maramdaman ng isa sa inyo na ‘ginagamit’ lang sila para sa sex.
Kapag ikaw naman ay pinagbibigyan ng iyong asawa, huwag kalimutang magpasalamat. May mga pagkakataon na kahit wala sa mood ang iyong asawa, ay pinagbibigyan ka niya sa sex upang ma-satisfy ka. Sa mga ganitong pagkakataon, mahalagang ipaalam sa asawa mo na pinapahalagahan mo ang kaniyang ginagawa, at lubos ang iyong pasasalamat.
Kung ang asawa mo naman ang gusto ng sex, at ikaw ay wala sa mood, puwede mo ring ibalik ang pabor sa kaniya sa pamamagitan ng pakikipagsex. Mahalaga ang ‘bigayan’ sa mga mag-asawa.
Source: Psychology Today
Basahin: Alam niyo ba na mayroon ding mga sexual New Year’s resolutions?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!