Maraming mga magulang ang nais bawasan ang screen time sa mga bata. Ito ay dahil madalas nauubos ito sa paglalaro ng games, at may panganib pa na baka magdulot ito ng paglabo ng mga mata ng bata.
Ngunit ayon sa isang pag-aaral, nirekomenda ng Canadian Pediatric Society na okay lang raw ang pagkakaroon ng screen time sa mga bata. Basta’t siguraduhin ng mga magulang na nagagamit raw ito upang matuto.
Mahabang screen time sa mga bata, okay lang raw
Napag-alaman ng Canadian Pediatric Society (CPS) na maraming mga magulang ang nag-aalala tungkol sa screen time ng kanilang mga anak. Ito ay dahil bukod sa paglilibang, nagagamit rin ang mga gadgets sa school work.
Maraming mga pagkakataon na ibinibigay ng mga guro ang assignments online, at dahan-dahan na ring nilipipat ang mga assignments mula sa papel, patungo sa mga computer.
Madalas, ang ginagawa ng mga magulang ay bawalan ang kanilang mga anak na gumamit ng mga gadgets. Ngunit ayon sa CPS, hindi naman raw dapat orasan ng mga magulang ang screen time.
Ano ang kanilang rekomendasyon?
Base sa isinagawang pag-aaral ng CPS, mas mabuti raw na huwag orasan ng mga magulang ang screen time. Sa halip, siguraduhin raw na nagagamit ito sa mga productive na bagay.
Bukod rito, importante rin daw na maglaan ng oras ang mga magulang upang makapag-socialize at gumawa ng ibang activities ang kanilang mga anak. Sa ganitong paraan raw ay hindi na nanaisin ng mga bata na gumamit ng mga gadgets.
Ibinahagi nila ang mga tips na ito sa pamamagitan ng 4 M’s:
Manage
Mahalaga raw na i-manage ng mga magulang ang screen time ng kanilang mga anak. Dapat ay puwede lang nila itong gamitin sa mga specific na oras, at hindi kung kailan nila nais gumamit ng gadget. Nakakatulong ito para magkaroon pa ng oras sa ibang activities ang mga bata, at hindi lang nakatutok sa kanilang mga gadget.
Meaningful
Ang pangalawang tip ay dapat gawing meaningful o may halaga ang paggamit ng screen time. Bagama’t okay lang mag-games, hindi dapat puro games ang inaatupag ng mga bata sa gadget. Mas mabuti kung nagagamit ito para sa school work, o kaya ay nagagamit ng mga bata upang sila ay matuto.
Model
Mahalaga rin na magsilbing model ang mga magulang pagdating sa screen time. Ito ay dahil ginagaya ng mga bata ang habits ng kanilang mga magulang, kaya’t importanteng ipakita ng mga magulang na responsable sila sa paggamit ng mga gadgets.
Monitor
At huli, mahalagang i-monitor ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak online. Ito ay upang gabayan sila, at hindi mapunta sa mga websites o lugar sa internet na hindi angkop para sa mga bata.
Sa pamamagitan ng mga tips na ito, masisiguradong magiging mas healthy ang paggamit ng mga gadgets, at hindi masyadong malululong sa gadgets ang mga bata.
Source: CPS
Basahin: Hindi raw dapat bigyan ng screen time ang babies, ayon sa WHO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!