Ayon sa isang pag-aaral, karamihan ng mga batang mag-aaral sa Pilipinas ay mahina sa Math at Reading. Basahin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- STUDY: Karamihan ng Pinoy students hindi magaling sa Reading at Math
- Isang sanhi kung bakit mababa ang performance ng mga mag-aaral
- Paano mahihikayat ang iyong anak na huwag matakot sa Math.
Nakakabilib ang mga batang magaling sa Math. May kilala akong magulang na lumalaban pa sa ibang bansa ang anak dahil sa kaniyang galing sa subject na ito.
Gayundin, mayroon din namang mga batang magaling magbasa. May mga bata na 3-taong gulang pa lang ay marunong nang magbasa. O kaya naman ay nakakabasa na ng mahahabang kwento at libro sa edad na 7.
Subalit sa kasamaang palad, bihira pala ang mga batang ganito at dito sa ating bansa. Mas umanong maraming bata ang kulang ang kaalaman sa mga paksang ito.
Study: Mga Pinoy students, mahina sa Math at Reading
Ayon mga huling pag-aaral na isinagawa ng World Bank, 80 porsiyento ng mga mag-aaral dito sa Pilipinas ay hindi sapat ang kakayanan sa mga subject na Reading at Math.
Noong 2018, sa kauna-unahang pagkakataon ay lumahok ang Pilipinas sa Program for International Student Assessment (Pisa), at noong 2019, sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) (pagkatapos ng 16 na taon) at sa pinakaunang cycle ng Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM).
Bawat isa sa mga pag-aaral na ito ay sumusukat at tinitingnan ang kakayahan at kaalaman ng mga estudyante. Sa mga subject na Reading, Math at Science. At sa bawat isa sa mga pag-aaral na ito, nakakuha ng mababang resulta ang mga mag-aaral dito sa bansa.
Napag-alaman nga rito na isa sa apat na mag-aaral sa Grade 5 ay walang sapat na reading at mathematical skills na angkop paras sa Grade 2 o 3.
At apat sa limang 15-year old students ay mahina sa math at hindi nakakaintindi ng mga basic mathematical concepts gaya ng fractions at decimals na dapat ay na-master na ng mga estudyante sa Grade 5.
Ayon sa World Bank, maari itong ituring na krisis sa laranang ng edukasyon.
“There is a crisis in education—which started pre-COVID-19. But will have been made worse by COVID-19. As more than 80 percent of children do not know what they should know in school.”
Mga posibleng dahilan ng mababang performance
Sa tatlong global assessments, 10 hanggang 22 porsyento lang ng mga Pinoy na mag-aaral sa Grade 4, 5 at 9 ang nakakuha ng mga score na “at or above minimum proficiency” para sa kanilang baitang.
Isa sa mga tinitingnang dahilan nito ay ang wika na ginagamit sa pagtuturo. Dito sa bansa, wikang Ingles ang ginagamit sa pagtuturo ng subjects na Math at Science.
Napag-alaman din sa mga pag-aaral na laganap sa Pilipinas ang bullying. Isa rin itong tinuturong dahilan ng mababang performance ng mga bata.
Sa pag-aaaral ng TIMMS, nakita na halos 45 porsyento ng Grade 4 students sa bansa ang nakakaranas ng bullying halos linggo-linggo. At 2 sa bawat 5 estudyante ng Grade 9 ang nakakaranas ng pambu-bully sa paaralan.
Sa kasamaang palad, parang hindi naman nakakarating ito sa mga guro at principal ng eskuwelahan. Sapagkat mababa lang ang naiulat na insidente ng mga away at intimidation sa mga paaralan.
Isa pang problemang napansin ay ang mababang “growth mindset” ng mga mag-aaral na Pilipino. Ayon sa World Bank, one-third lang ng mga estudyante ang naniniwalang pwede pa silang tumalino at magkaroon ng karagdagang kakayahan.
Paniniwala ng World Bank, kung tataas ang growth mindset ng mag-aaral, maaaring gumanda rin ang kanilang performance sa Reading.
Hindi rin maiaalis ang kakulangan sa tamang nutrisyon at mahinang kalusugan bilang sanhi ng kakayahan ng bata na matuto at mag-aral nang mabuti.
Sa pag-aaral ng TIMMS, napag-alaman na malaking porsyento ng Grade 4 students ang nagsabing dumadating sila ng kanilang paaralan na pagod (33 porsyento) at gutom (29 porsyento) halos araw-araw.
BASAHIN:
STUDY: Mas mataas ang grades ng mga bata na mayroong physical activity
Mga benepisyo ng pagbabasa sa mga bata ayon sa mga pag-aaral
Paano mahikayat ang anak na huwag matakot sa Math
Wala namang magulang ang gustong lumaking mahina sa Math at sa pagbabasa ang anak.
At bagama’t malaki ang papel ng mga guro para maging maganda ang performane ng bata sa eskwelahan, mahalaga rin na hikayatin natin ang ating mga anak na mag-aral nang mabuti.
Pagdating sa Reading at Math, mas makakabuti kung sa maagang edad pa lang ay tuturuan mo na ang iyong anak na ma-appreciate o magustuhan ito. Narito ang ilang paraan na pwede mong gawin:
- Para mahikayat ang bata na magbasa, bigyan siya ng mga libro sa halip na puro laruan. Hindi kailangang mahal, kahit second-hand books lang ay ayos na. Habang nag-aaral pa lang magbasa ang bata, siguruhin na ang babasahin ay angkop sa kaniyang edad at level.
- Ugaliin ring basahan si baby ng isang maiksing libro gabi-gabi bago matulog. Okay lang kung paulit-ulit ang gusto nilang kuwento. Makakatulong pa rin ito kahit ilang beses na niyang narinig.
- Maging mabuting modelo sa iyong anak. Sa halip na magbabad sa iyong cellphone, ipakita sa iyong anak na pwede ring magbasa para malibang at hindi lang para sa eskwelahan ang mga libro.
Panoorin ito!
- Takot at mahina ka ba sa Math, mommy? Kahit hindi ito ang paborito mong subject noon, iwasang ipakita sa iyong anak na ayaw na ayaw mo ito. Maari kasi itong maka-apekto sa kanilang pananaw at isipin rin agad nila na mahirap ang Math. Sa halip, ito ang isipin mo: “Math ka lang, nanay ako!”
- Humanap ng mga pagkakataon para maipakita sa iyong anak ang iba’t ibang mathematical concepts sa ating kapaligiran. Mula sa pagbibilang ng kaniyang mga laruan hanggang sa pamimili ng pagkain sa supermarket, at paghahanap ng iba’t ibang hugis sa kalsada. Pwede rin ito gawing laro para mas ganahan ang bata.
- Kung tuturuan mo ang iyong anak ng kaniyang takdang-aralin sa Math, iwasang magalit kapag hindi niya agad nakukuha ang paksa. Kailangan ng mahabang pasensya at oras para masigurong naiintindihan ng iyong anak ang mga dapat gawin para ma-solve ang isang Mathematical equation.
Bilang magulang, sa atin nakakasalalay ang pagkakaroon ng ating anak ng growth mindset na kailangan nila para magtagumpay hindi lang sa paaralan, kundi pati na rin sa buhay.