Ang pagbabasa ng mga pambatang kwento ay maraming benepisyong naidudulot sa mga bata. Ito ang dahilan kung bakit 62% ng mga magulang na may anak na 3 hanggang 5 taong gulang ay binabasahan ng libro ang mga anak. Ngunit, anu-ano nga ba ang mga benepisyo nito at paano nakakatulong ang pagbabasa sa mga bata? Ating alamin ang mga kasagutan sa mga katanungang ito.
Bakit mahalaga ang mga pambatang kwento?
Sa 3rd Trimester ng pagbubuntis
Sa ikatlong trimester ng pagbubuntis pa lamang, natututunan na ng mga bata ang ritmo ng mga pambatang kwento. Ito ang natutunan ng mga mananaliksik sa isang pag-aaral na isinagawa nuong 1987.
Ang pag-aaral ay nilahukan ng mga nanay na sa panahon na iyon ay 7 buwang buntis. Kanilang binasahan ng The Cat in the Hat ang kanilang mga tiyan dalawang beses sa isang araw hanggang sa manganak sila. Nang naipanganak na ang mga sanggol, sila ay binigyan ng programmed na pacifier. Depende sa bilis ng pagsipsip sa pacifier, makakarinig sila ng iba’t ibang pambatang kwento.
Agad natutunan ng mga sanggol na nasa kanila ang kapangyarihan kontrolin kung ano ang papakinggan. Dahil dito, sila ay humigop sa tiyak na bilis kung saan kanilang maririnig ang pamilyar na kwento ng The Cat in the Hat.
15 hanggang 18 buwang gulang
Ayon sa isang pag-aaral noong 2008, may ilang mga salita ang natututunan ng mga bata mula sa mga libro. Sa pamamagitan ng mga larawan sa libro, naiuugnay na ng mga bata ang ilang mga salita sa mga bagay na nakikita. Nakakaya na nilang sabihin kung ano ang isang bagay sa totoong buhay matapos itong makita sa isang libro.
Natutunan din sa isa pang pag-aaral noong 2008 na magandang basahan nang malakas ang mga batang 18 buwang gulang. Nakita ng mga mananaliksik na ang mga 18 buwang gulang na madalas kinakausap ng mga magulang ay nagiging malawak ang bokabularyo pagdating ng 2 taong gulang. Dagdag pa dito, ang pagbabasa ng malakas sa mga bata ay nakakatulong na makilala ang mga salitang hindi madalas naririnig.
18 hanggang 30 buwan gulang
Mayroong pag-aaral na naisagawa noong 2006 ang nakapagpatunay na natututo ang mga bata mula sa mga simpleng kwento. Ilang 18 hanggang 30 buwan gulang na sanggol ang binasahan ng kwento kung saan itinuturo ang pagkumpuni ng ilang bagay. Matapos basahan ng libro, nagawa ng mga sanggol na bumuo ng ilang bahagi ng rattle. Nagawa rin nilang gumaya ng ilang mga paggalaw na mula sa libro. Ito ay naging patunay ng kakayahan na matuto ng salita at aksyon mula sa mga simpleng istorya sa libro.
3 hanggang 4 taong gulang
Sa edad na ito, kaya na ng mga batang matuto ng kumplikadong impormasyon mula sa mga libro ayon sa isang pag-aaral noong 2011. Ang mga batang lumahok ay binasahan ng libro tungkol sa pagbabalatkayo ng ilang mga hayop bilang pagtago sa mga mandaragit. Matapos ang pagbabasa, sila ay itinanong kung sino ang masmadaling mahuhuli, ang iba ang kulay sa paligid o ang umaayon. Kanilang nasagot na ang umaayon ng kulay sa kapaligiran ang makakapagtago mula sa mga maaaring kumain dito.
5 hanggang 6 taong gulang
Noong 2014, ilang mga 5 hanggang 6 taong gulang na bata ang binasahan tungkol sa ebolusyon ng kathang-isip na hayop na mga Piloses. Itinuro sa libro kung paano dahan-dahang nagbago ang anyo ng mga hayop na ito. Matapos ang pagbabasa ng libro, natutunan ng mga lumahok ang proseso ng ebolusyon at ang iba’t ibang bilis nito. Nakuha pa nila itong ulitin 3 buwan ang makalipas. Nagawa pa nila itong i-angkop sa ibang hayop.
Ang pagbabasa ng mga libro sa mga bata ay magandang bonding time. Ang pamilyar na boses ng mga magulang ay makakapagtaguyod ng magandang gawain bago matulog. Nagagawa rin nitong mabigyan ang mga bata ng maagang interes sa pagbabasa.
Source: Psychology Today
Basahin: WATCH: Baby Tali, kaya na raw bigkasin ang A, B, C!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!